top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 11, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa ang Konektadong Pinoy Act (Senate Bill No. 2699) na isinusulong ng inyong lingkod bilang isa sa mga co-sponsor at co-author.  


Kung maisasabatas natin ang panukalang ito, hindi lamang natin maihahatid ang internet sa bawat sulok ng bansa. Magagamit din natin nang husto ang mga bagong teknolohiya para sa mas mabisang paghahatid ng mga serbisyong may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pinansyal, kahandaan sa mga sakuna, kaligtasan ng publiko, at iba pa.


Matatandaan ang ating naging karanasan noong pandemya ng COVID-19, kung saan umasa tayo sa internet at digital technology upang maipagpatuloy natin ang pag-aaral, pagtuturo, at pagtatrabaho. Ngunit marami pa rin sa ating mga kababayan ang nananatiling walang access sa internet. 


Ayon pa sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2024, ang internet sa Pilipinas ang pinakamahal sa Timog-Silangang Asya ngunit mas mabagal pa rin ito kung ihahambing sa Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam, at Brunei.


Sa ilalim ng ating panukala, padadaliin natin ang pagpasok ng mga bagong players na nagpapanatili ng digital infrastructure at naghahatid ng mga digital services. Mahalaga ito upang mahikayat natin ang pagpasok ng mga investors o mamumuhunan, at maisulong natin ang kompetisyon para sa pinakamahusay na serbisyong digital. 

Imamandato rin ng panukala ang pagbibigay ng prayoridad sa mga unserved at underserved areas. Ito ‘yung mga lugar na wala o limitado ang access sa digital technology. 


Bibigyan din ng prayoridad ang mga paaralan sa pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastruktura para sa paghahatid ng mga digital services. Makakatanggap naman ang mga mag-aaral ng discount sa paggamit nila ng mga serbisyong ito.


Upang itaguyod ang interes ng publiko, sisiguraduhin din ng ating panukalang batas ang mas maayos na kalidad ng internet at iba pang serbisyong may kinalaman sa data transmission. Titiyakin din nating abot-kamay ng ating mga kababayan ang mga serbisyong ito habang pinapangalagaan ang pambansang seguridad ng ating bansa. 


Napapanahon na upang tugunan natin ang digital divide at ihatid sa bawat kabahayan ng ating bansa ang maayos at abot-kamay na internet at iba pang digital technologies. Kapag nagawa natin ito, bawat isa sa ating mga kababayan ang mabibigyan ng oportunidad at mga benepisyong hatid ng mga teknolohiyang ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 6, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Malapit nang maisabatas ang ating panukalang paigtingin ang paghahatid ng mga programa at serbisyo para sa early childhood care and development (ECCD), kung saan patatatagin natin ang pundasyon ng ating mga kabataan, lalo na iyong mga batang wala pang limang taong gulang. 


Niratipikahan ng Senado noong nakaraang Martes, Pebrero 4, ang bicameral conference committee report sa Early Childhood Care and Development System Act (Senate Bill No. 2575 at House Bill No. 10142) na isinulong ng inyong lingkod. 


Ano nga ba ang ECCD System at paano nito patatatagin ang pundasyon ng ating mga mag-aaral? Sa ilalim ng ating panukala, sasaklawin ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang pangkalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development na tutugon sa pangangailangan ng mga kabataang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng ECCD System, tututukan natin ang pinakamabuting kalagayan ng mga bata sa kanilang paglaki. 


Upang matiyak na maaabot natin ang lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang, magiging saklaw ng ECCD System ang lahat ng mga probinsya, siyudad, munisipalidad at barangay. Pagsisikapan nating makamit ang universal ECCD access para sa mga batang wala pang limang taong gulang. 


Magiging responsibilidad ng mga local government units ang pagpapatupad ng ECCD System, kabilang ang mga programa at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.


Magiging mandato sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad ang paglikha ng ECCD Office na sasailalim sa administrative supervision ng gobernador o alkalde. Ang ECCD Office ang maghahatid ng mga programa at serbisyo sa ilalim ng ECCD System, kabilang ang pangangasiwa sa mga Child Development Teachers (CDTs) at Child Development Workers (CDWs). 


Patatatagin din natin ang ECCD Council upang matiyak nating mabibigyang prayoridad ang development at pagkatuto ng mga batang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng ating panukala, ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government ang magsisilbing ex-officio chairperson for Local Government Mobilization and Overall Implementation, habang ang kalihim ng Department of Education ang magiging ex-officio co-chairperson for ECCD Curriculum, at lahat ng mga bagay na may kinalaman sa early childhood education. Ang executive director ng ECCD Council Secretariat ang magsisilbing ex-officio vice-chairperson ng Council.


Isinusulong din natin ang professionalization ng mga CDTs at ang upskilling at reskilling ng mga CDWs. Magiging mandato sa mga kasalukuyang CDWs ang reskilling at upskilling training programs sa ECCD o early childhood education, kung saan dadaan sila rito. Kailangan nilang sumailalim sa assessment at makapasa ng certification mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Magiging libre naman ang kanilang assessment at certification. 


Kung mapapatatag ang pundasyon ng ating mga kabataan, matitiyak nating mas maganda ang kinabukasang haharapin nila. 


Nagpapasalamat naman tayo sa ating mga kapwa mambabatas na naging katuwang natin sa pagsulong ng repormang ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 4, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Noong nakaraang linggo ay nagsagawa ang Senate Committee on Basic Education ng isang pagdinig, kung saan tinalakay natin ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng comprehensive sexuality education o CSE. 


Sa naturang pagdinig, binigyang-diin natin kung bakit mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga magulang at mga local government units (LGUs) sa pagtugon sa mga kaso ng maagang pagbubuntis at pagkalat ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa. 


Tulad ng marami sa ating mga kababayan, naniniwala akong dapat protektahan natin ang ating mga kabataan. Bagama’t bumaba ang mga kaso ng pagbubuntis sa mga may edad na 15 hanggang 19, lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-akyat ng datos ng maagang pagbubuntis sa mga may edad na 10 hanggang 14. Mula 1,629 noong 2013, dumoble sa 3,342 ang bilang ng mga nabubuntis sa age group na ito.


Naalarma rin tayo sa datos ng Department of Health (DOH), kung saan lumalabas na ang average ng mga bagong kaso ng HIV kada buwan ay umakyat sa 1,470 sa unang anim na buwan ng 2023. Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso, 34,415 (29%) ang mula sa mga kabataang may edad 15-24. 


Naniniwala akong ang pakikilahok ng mga magulang ang isa sa mga paraan upang masugpo ang maagang pagbubuntis at pagkalat ng HIV. Upang mapaigting ang pakikiisa ng ating mga magulang sa pagtugon sa mga hamong ito, isinusulong natin ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908), isang batas kung saan ang inyong lingkod ang pangunahing may-akda.


Itinatag ng batas ang PES Program upang matulungan ang mga magulang at parent substitutes sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman at kakayahang gabayan ang kanilang mga anak. Layon din ng naturang batas na protektahan ang karapatan ng mga bata, isulong ang positibong early childhood development, at iangat ang pag-unlad ng kanilang kaalaman. Sa ilalim ng batas, ipapatupad ang PES program sa bawat lungsod at munisipalidad. 


Para maisakatuparan ang naturang programa, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng ugnayan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development, DepEd, at Parent-Teacher Associations (PTAs). 


Iminungkahi natin na makipag-ugnayan ang DSWD sa mga PTAs upang ipamahagi ang mga modules na ginawa nila para sa PES Program. Sa ilalim ng PES Program Act, ang DSWD ang inatasan bilang pangunahing ahensya sa pagpapatupad nito. 


Kapag nahikayat natin ang mga magulang, mapapaigting natin ang kanilang kaalaman sa mga isyung ito, pati na rin ang kanilang kakayahan kung paano talakayin ang mga naturang usapin sa kanilang mga anak.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page