top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 8, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Kamakailan ay inihain ng inyong lingkod ang panukalang taasan ang sahod ng mga guro sa ating mga pampublikong paaralan. Sa ilalim ng ating panukala, isinusulong natin ang P20,000 across-the-board increase para sa ating mga public school teachers sa elementary at high school.


Kung babalikan natin ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670), nakasaad doon ang polisiya ng bansa na hikayatin ang ating mga kababayan na pumasok sa pagtuturo sa pamamagitan ng sapat at maayos na sahod at iba pang mga benepisyo. Nakasaad din sa naturang batas na hindi dapat nalalayo ang sahod ng mga guro sa sahod ng mga nasa ibang propesyon, kung saan kinakailangan din ang parehong antas ng mga kuwalipikasyon, training, at mga kinakailangang kakayahan.


Bagama’t makasaysayang maituturing ang Magna Carta for Public School Teachers, kailangan pa ring tuparin ng ating pamahalaan ang tungkulin nitong bigyan ang ating mga guro ng sahod na naaayon sa itinakda ng batas.


Mula 1989 hanggang 2009, nanatili sa Salary Grade (SG) 10 ang sahod ng mga Teacher I. Noong 2009 umangat ang sahod nila sa SG 11. Sa kasalukuyan, katumbas ito ng P30,024. Ngunit 16 taon na ang lumipas at nananatili sa SG 11 ang sahod ng mga Teacher I. Iminumungkahi natin ang P20,000 na dagdag-sahod upang mapunan ang hindi pagtaas ng kanilang SG sa loob ng 16 taon.


Napapanahon na para itaas natin ang sahod ng mga public school teachers. Para sa inyong lingkod, ang pagtaas sa suweldo ng ating mga guro ay isang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo matiyak lamang na natututo ang ating mga mag-aaral.


Maliban sa panukalang pagtaas sa sahod ng ating mga guro, inihain din ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers. Layon ng panukala nating ito na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers na naisabatas 59 taon na ang nakalilipas. Sa paghain natin ng panukalang batas na ito, nais nating tiyakin na ang mga benepisyo at proteksyong ibinibigay natin sa ating mga guro ay akma sa mga hamong kanilang kinakaharap sa kasalukuyan.


Marami pa tayong ihahaing mga panukalang batas upang isulong ang mga reporma sa ating sistema ng edukasyon. Tutukan ang mga ulat sa mga susunod na araw ukol sa mga panukalang ihahain ng inyong lingkod.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 3, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Opisyal nang inihain ng inyong lingkod ang panukalang batas upang maging posible ang tatlong taong kolehiyo. Ang panukalang batas na ito na pinamagatang Three-Year College Education (3CE) ang una nating inihain sa ating mga priority bills ngayong 20th Congress.


Kung babalikan natin ang mga talakayan bago maisabatas ang K to 12, matatandaang ipinangako noon na ang dagdag na dalawang taon sa high school ay magdudulot ng mas maikling panahong kailangan gugulin sa kolehiyo.


Halos 12 taon na ang lumipas simula noong ipatupad natin ang K to 12. Bagama’t binawasan na ang bilang ng mga kinakailangang kurso sa mga programa sa kolehiyo, hindi naging sapat ang mga ito para umikli ang panahong kailangang gugulin sa kanila. Kaya imbes na makatapos at makapagtrabaho agad ang ating mga mag-aaral, kinakailangan pa nilang maglaan ng mas mahabang panahon upang matapos ang mga kursong kinuha nila.


Batay sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na ang mga programa sa kolehiyo ay maituturing na General Education (GE)-heavy at internship-light. Imbes na matutukan na sana ng ating mga mag-aaral ang kanilang mga specialization, 42% ng mga kinukuha nilang kurso ay mga GE. At dahil kulang ang panahong inilalaan para sa internship, hindi nagiging sapat ang karanasan ng ating mga mag-aaral para maiangat ang kanilang kahandaan para makapagtrabaho.


Kaya naman sa inihain nating panukalang batas, layon nating ibaba ang mga kurso ng GE sa senior high school. Iminumungkahi rin nating mabigyan ang Commission on Higher Education ng kapangyarihang pahintulutan ang mga programa sa kolehiyo na hindi lalagpas sa tatlong taon. Sa kabila nito, kailangang nakabatay sa mga pangangailangan ng industriya, international standards o benchmarks, at mga kinikilalang best practices ang haba ng mga programa sa kolehiyo.


Upang mapaigting pa lalo ang kahandaan ng ating mga mag-aaral sa trabaho, isinusulong din nating madagdagan ang oras na kailangan nilang gugulin para sa internship. Kaugnay nito, muli rin nating ihahain ang Batang Magaling Act na una nating iminungkahi noong 19th Congress.


Layon ng Batang Magaling Act na matulungan din ang ating mga mag-aaral sa senior high school na maging handa sa trabaho. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, titiyakin natin ang ugnayan sa curriculum ng senior high school sa work immersion program at sa mga pangangailangan ng pribadong sektor.


Abangan sa susunod na araw ang iba pa nating mga panukala upang matulungan ang ating mga mag-aaral, lalo na pagdating sa kanilang pagtatapos at sa kanilang pagtatrabaho.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 1, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sapagsisimula ng 20th Congress, patuloy na ihahain ng inyong lingkod ang mga panukalang batas upang masugpo ang krisis na kinakaharap ng ating bansa sa edukasyon.


Marami tayong mga naipasang mahahalagang reporma noong 19th Congress upang ibangon ang ating sektor ng edukasyon sa ating bansa. Isa na rito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12080) na layong bigyan ng libreng mga tutorials ang ating mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin, lalo na pagdating sa reading at mathematics. 


Naisabatas rin natin ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na layong paigtingin ang paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD). Mahalaga ang batas na ito upang mapatatag natin ang pundasyon ng ating mga kabataan, lalo na sa mga wala pang limang taong gulang. 


Marami pa tayong ibang naipasang batas noon 19th Congress ngunit nananatili ang ilang mga hamong kailangan pa nating tugunan. Kaya naman ngayong 20th Congress, tuloy ang ating pagsisikap upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.


Sa pagkakataong ito, nais kong talakayin ang mga panukalang batas na layon kong bigyan ng prayoridad ngayong 20th Congress.


Una rito ang panukalang paikliin ang panahong kailangang ilaan ng ating mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa ating panukalang batas, bibigyan natin ang Commission on Higher Education ng flexibility o kakayahang pahintulutan ang mga programa sa kolehiyo na hindi lalagpas sa tatlong taon, depende sa programa. Ngunit nais pa rin nating tiyaking ang mga programang ito ay naaayon sa mga international standards, mga pangangailangan sa industriya, at mga tinaguriang best practices.


Sa ating panukala, isinusulong nating maibaba ang mga General Education (GE) courses sa senior high school. Magiging bahagi ito ng kanilang paghahanda sa kolehiyo at sa paghasa ng kanilang kakayahan pagdating sa critical thinking. Layon din ng ating panukalang maglaan ng mas maraming panahon para sa internship ng mga mag-aaral kung saan nagkakaroon sila ng karanasang maghahanda sa kanila sa trabaho.


Muli rin nating ihahain ang ilan sa ating mga panukala mula noong 19th Congress. Kabilang rito ang panukala nating pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 7836) na magpapatatag sa professional standards sa ating mga guro.


Ihahain din natin muli ang 21st Century School Boards Act na layong paigtingin ang pakikilahok ng mga local government units sa paghahatid ng edukasyon at sa pag-angat ng kalidad nito. Nais rin nating paigtingin ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pagpapaunlad ng ating public school system kaya naman muli nating ihahain ang ating panukalang mga rebisyon sa Adopt-A-School Act of 1998.


Upang matiyak na hindi mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral na Muslim, ihahain din nating muli ang Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Act. Layon ng panukalang batas na ito na i-institutionalize ang ALIVE Program sa lahat ng mga pampublikong paaralan at pribadong madaris sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).


Sa ilalim ng bagong Kongreso, patuloy nating pagsisikapang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page