- BULGAR
- Sep 9, 2025
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 9, 2025

Ako ay nakikiisa sa ating mga kababayan sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month mula September 5 hanggang sa October 5 na siyang petsa rin ng World Teachers’ Day. Nagpapasalamat at binibigyang pugay natin ang mga guro para sa kanilang dedikasyon sa ating mga mag-aaral, pati na rin sa kanilang mga sakripisyo sa gitna ng maraming mga hamong ating kinakaharap sa sektor ng edukasyon.
Ngunit para sa inyong lingkod, ang pagtaguyod sa kapakanan ng ating mga guro ang pinakamagandang paraan upang ipaabot sa mga guro ang ating taos-pusong pasasalamat para sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan. Kaya sa ilalim nitong 20th Congress, muli nating inihain ang mga panukalang batas na naglalayong iangat at itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro.
Isa sa mga muli nating inihain ay ang Revised Magna Carta for Public School Teachers na layong amyendahan ang 66-taong Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Inihain natin ang panukalang batas na ito upang tiyaking akma sa mga
hamon ng kasalukuyang panahon ang mga proteksyong itinakda ng batas.
Sa ilalim ng bill na ito, nais nating palawakin at gawing institutionalized ang mga benepisyo at proteksyon para sa ating mga guro. Halimbawa, isinusulong nating mabawasan ang oras ng pagtuturo sa apat mula anim. Nais rin nating tuluyang ipagbawal ang pagpapagawa ng non-teaching tasks sa ating mga guro. Gayundin, isinusulong nating maprotektahan ang ating mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses.
Nakasaad din sa ating panukalang batas na pagdating sa mga sahod, benepisyo, at kondisyon sa trabaho, hindi dapat higit ang mga entry-level teachers kung ihahambing sa natatanggap ng mga probationary teachers. Nais din nating magkaroon ng mas maayos na batayan ng mga sahod ng guro. Itatakda rin natin ang mga kondisyon para sa pagbibigay ng mga special hardship allowance. Kabilang sa mga benepisyong isinusulong natin ang pagkakaroon ng calamity leave, educational benefits, longevity
pay, at iba pa.
Maliban sa pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers, patuloy din nating isinusulong ang pagtaas sa sahod ng mga guro. Sa ilalim ng Teacher Salary Increase Act na inihain ng inyong lingkod, nais nating P20,000 across-the-board na pagtaas sa sahod ng mga guro.
Napapanahon ito dahil lumalabas sa ating pagsusuri na 16 taon nang hindi tumataas ang Salary Grade (SG) ng mga guro. Sa kasalukuyan, ang SG ng isang Teacher I ay SG 11 na katumbas ng P30,024. Iminumungkahi natin ang P20,000 across-the-board increase upang mapunan ang matagal na panahong hindi pagtaas ng SG ating mga guro.
Ilang lamang ito sa mga isinusulong nating panukalang batas para sa ating mga guro. Makakaasa kayong patuloy ang inyong lingkod na tututukan ang kapakanan ng ating mga guro. Sa pagtalakay natin sa national budget para sa taong 2026, titiyakin din nating mabibigyang pansin ang pangangailangan ng mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




