ni VA - @Sports | February 24, 2022

Tila imposible nang magkamit ng slot para 2023 FIBA World Cup ang South Korea.
Ito'y pagkaraan ng ginawa nilang pagpu-pull out sa nakatakdang Asian Cup Qualifiers ngayong Pebrero 24-28 sa Araneta Coliseum matapos na magpositibo sa RT-PCR test ang isa sa kanilang players at ideklarang close contact lahat ng kanyang teammates.
Dulot ng nasabing pangyayari, nakatakdang ideklara ng FIBA ang forfeiture sa unang apat na laro ng mga Koreano sa Asian qualifiers kahit pa COVID-19 ang dahilan ng hindi nila pagsali sa torneo.
Ang dahilan nila ay ang pagkakaroon ng team ng tatlo pang bansang kabilang sa pool.
Kaya naman sa third at huling window ng qualifiers sa Hunyo 30 - Hulyo 3, papasok ang Korea na may 0-4 na rekord kung saan lahat ng apat na laro ay may 20-0 scoreline at walang kahit isang classification point.
Mayroon naman agad na 2-0 rekord ang Gilas, New Zealand at India sa pagsisimula ng second window sa Araneta. Huling pagkakataon na nabigong makapasok ng Korea sa World Cup ay noong 2010. Samantala, dumagdag sina Jayvee Sumagaysay at Madz Gampong sa lumalaking bilang ng mga Filipino volleyball players na magbabahagi ng kanilang talento sa ibang bansa.
Kinumpirma ng Malaysia Volleyball Association sa kanilang social media page na parehas lalaro sina Sumagaysay at Gampong para sa koponan ng Sarawak Hornbill sa MVL Championship na idaraos sa Marso sa Astro Arena.
Kapwa lumaro sina Sumagaysay at Gampong para sa Team Dasma Monarchs na nagkampeon sa nakaraang 2021 PNVF Champions League.
Ang dalawang UAAP standouts ang mga pinakahuling Pinoy volleyball stars na maglalaro bilang imports sa ibang bansa kasunod nina Marck Espejo at Bryan Bagunas na kinuha ng FC Tokyo at Oita Miyoshi sa Japan V. League ayon sa pagkakasunod at Joshua Umandal na kinuha naman ng koponan ng Bani Jamra sa Bahrain.



