ni VA - @Sports | March 18, 2022

Sa halip na maresolba, tila mas lumalaki pa ang gusot sa pagitan ng pamunuan ng Philippine Athletics Track and Field Association’s (PATAFA) at ni Filipino Olympian pole vaulter EJ Obiena.
Ito'y makaraang maghain ng contempt ang apat na Senador sa pangunguna ni Senadora Pia Cayetano kontra sa PATAFA board dahil umano sa paglabag ng mga ito sa utos ng Senate Committee on Sports na ayusin ang gulo nila ng Asian record holder na si Obiena sa pamamagitan ng mediation na ikinasa ng Philippine Sports Commission (PSC). "In compliance with the requirements of Section 18 of the Senate Rules, several colleagues have co-signed my motion. They include Senate President Vicente Sotto III, Senator Francis Tolentino, and Senator Panfilo Lacson," saad ni Cayetano sa inilabas nitong statement.
Hindi nakalahok si Obiena sa World Indoor Championships sa Serbia kahit pa nag-qualify sya sa torneo dahil sa away nila ng PATAFA. Hindi siya inindorso ng PATAFA sa World Indoors sa Belgrade maging sa mga susunod pa nilang nakahanay na sasalihang international tournaments ngayong taon na kinabibilangan ng Vietnam SEA Games sa Mayo, World Championships sa Oregon sa Hulyo, at Asian Games sa Hangzhou ,sa Setyembre.
Ayon kay Cayetano, sa isinagawa nilang Senate hearing noong na nakaraang buwan, nagpakita si Obiena ng mga dokumento na nabayaran na ang suweldo ng kanyang coach na si Vitaly Petrov na kinumpirma naman ng huli. "Obiena did admit to delays in sending the payments, which he attributed to the difficulties he encountered in handling the funds, such as the conversion of Philippine pesos to Euros, as well as the late transfer of his training funds," ayon sa Senadora. Ngunit hindi umano ito tinanggap ng PATAFA na nagpahayag pa umano ng pagdududa sa authenticity ng liquidation reports ni Obiena.



