ni Gerard Arce / VA - @Sports | March 23, 2022

Nakamit ng Cignal ang solong pangingibabaw sa Pool A matapos padapain ang Choco Mucho, 20-25, 25-17, 25-20, 25-16, para sa ikatlong sunod nilang panalo sa pagpapatuloy ng 2022 PVL Open Conference sa Paco Arena.
Nauna rito, malakas ang naging panimula ng Choco Mucho na agad pumailanglang sa 8-2 bentahe para makauna sa laro kontra Cignal, 25-20. Agad namang bumawi ang HD Spikers at kumamada ng 16-4 run para itabla sa 1-1 ang laban matapos ang inilatag na 16-4 run na nagresulta sa 25-17 panalo kontra Flying Titans sa second frame.
Sa third set, nagtala ang Choco Mucho ng 13-4 run para makadikit sa Cignal ,19-20 buhat sa 6-16 na pagkakaiwan para makamit ang 2-1 na kalamangan sa laban sa pamamagitan ng 25-20 tagumpay. Pagdating ng fourth set, namintina ng Cignal sa pamumuno ni setter Gel Cayuna ang magandang laro hanggang sa ganap na makamit ang panalo na sinelyuhan ni Roslyn Doria. Si Doria din ang tumapos na leading scorer para sa Cignal sa ipinoste nitong 17 puntos na binubuo ng 9 na attacks at 8 blocks.
“Pinagsabihan kami ni coach [Shaq] na hindi kami yung lumaban nung first set kaya lumabas ang laro naming nung set 2. Sabi rin ni coach na one game at a time lang at kailangan ma-sustain yung magandang depensa at plays namin sa laro,” wika ng 25-anyos na si Doria na tubong Mangaldan, Pangasinan na parte ng ASEAN Grand Prix bronze medal team nung 2019.
Sinundan siya ni Ces Molina na may 14 puntos at nina Rachel Ann Daquis at Angeli Araneta na may tig-10 puntos. Dahil sa panalo, tiyak ng may twice-to-beat incentive ang Cignal papasok ng knockout quarterfinals habang bumaba ang Flying Titans sa 2-1 na rekord kapantay ng F2 Logistics. Tumapos na topscorer para sa nabigong Choco Mucho si Kat Tolentino na may game high na 19 puntos. Mga laro ngayon Paco Arena 3 pm Balipure vs. PLDT 6 pm Petro Gazz vs. Creamline.



