ni Gerard Arce / VA - @Sports | September 14, 2022

Isang araw matapos manaig ng kampeonato, tila hindi mapigilan sa pagsungkit ng gintong medalya si 2020 Tokyo Olympian pole vaulter at 5-time medalist ngayong taon na si Ernest John Obiena nang pagharian naman ang Gala dei Castelli sa Bellinzona, Switzerland kahapon.
Klinaro ng 26-anyos na two-time SEA Games champion ang 5.81-meters para talunin si Tokyo Olympics silver medalist at World No.2 Christopher Nilsen ng U.S. na nakakuha lamang ng 5.71-metro. Sinundan ni dating 2012 London Olympics champion Renaud Lavillenie ng France sa parehong sukat na 5.71-m, gayundin si Jacob Wooten ng US sa 5.71m sa 4th place.
Lumapag sa 5th place si Simen Guttormsen ng Norway sa 5.61m kapareho ni Thibaut Collet ng France para sa 6th place. Nasa ika-pito naman si Anthony Ammirati ng France sa 5.51m, at Swiss pole vaulters Dominik Alberto sa 5.41, Justin Fournier sa 5.21 at Valentin Imsand sa 5.21.
Nito lang Lunes ay nakuha ni Obiena ang 2022 Golden Fly Series Liechtenstein para sa kanyang ika-5 gintong medalya sa 7 mahalagang events na nilahukan.
Nagwagi rin ng gold medal ang Tondo, Manila-native sa True Athletes Classics, St. Wendel City Jump sa Germany, Internationales Stabochchsprung-Meeting sa Germany at Brussels Diamond League, kung saan tinalo niya si World No.1 at record holder at Tokyo Olympics gold medalist Armand Duplantis ng Sweden sa pagtalon sa 5.91meters.
Kuwalipikado na rin ito sa Diamond League Grand Finals sa Zurich, Switzerland. Isang taon na ang nakalipas nang wasakin at lumikha ng panibagong Asian record si Obiena sa International Golden Roof sa Innsbruck, Austria sa 5.93-meters, na kinalauna’y muling sinira sa 5.94-meters sa World Athletic Championships sa Oregon, para mapanalunan ang bronze medal upang maging kauna-unahang Filipino na nagwagi ng medalya sa naturang torneo.



