- BULGAR
- Oct 14, 2022
ni VA - @Sports | October 14, 2022

Hindi pa tapos ang pagtatala ng rekord at kasaysayan sa aklat ng basketball partikular sa women's division at collegiate ranks ang National University (NU) women's basketball team.
Noong Miyerkules ng hapon, nakamit ng Lady Bulldogs ang kanilang ika-100 sunod na panalo nang kanilang padapain ang University of the Philippines Fighting Maroons, 79-44 sa pagpapatuloy ng UAAP Season 85 women's basketball tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Matapos mabigo sa Game 3 ng Season 76 finals noong 2013, nagsunud-sunod na ang tagumpay ng Lady Bulldogs at literal na dinomina ang liga na pinatutunayan ng nakamit nilang 6 na sunod na kampeonato.
At noon ngang Miyerkules ng hapon, pinalawig nila ang kanilang record unbeaten run sa UAAP hanggang 100 games.
Ayon sa bagong Lady Bulldogs coach na si Aris Dimaunahan, iniaalay nila at ibinabahagi ang tagumpay sa mga taong nagsimula at nagtala ng nasabing rekord partikular si dating NU Lady Bulldogs coach Patrick Aquino na siyang may akda ng unang 96 na panalo. at mga manlalarong gaya nina Afril Bernardino, Jack Animam, Trixie Antiquiera, Monique del Carmen, Rhena Itesi, Gemma Miranda, Kaye Pingol at Tin Abriam. “Those guys started all of this and we are honoring them by playing hard every day, practicing well every day,”ayon pa kay Dimaunahan. “We hope to continue what they started.”






