top of page
Search

ni Gerard Arce / VA - @Sports | November 5, 2022



ree

Matagumpay na ipinilipit ni Pinay Jiujitera Margarita “Meggie” Ochoa ang kanyang ikalawang World Championship matapos higitan ang mga pinakamahuhusay na katunggali sa buong mundo sa 2022 Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championship sa Jiu-Jitsu Arena sa Zayed Sports City sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Matapos ang apat na taong paghihintay, muling itinanghal na world champion ang 32-anyos na 2-time SEA Games champion nang dominahin ang apat na dekalibreng jiujitsu athletes kabilang ang paggiba muli kay Canadian Vicky Hoang Ni Ni sa iskor na 2-0 sa women’s under-48kgs category.


Unang naibulsa ng 2017 Asian Indoor Martial Arts Games gold medalist ang titulo noong 2018 nang talunin nito si Hoang sa mas mababang kategorya sa women’s under-45kgs division, kung saan matagumpay na napagwagian nitong Huwebes sa parehong kompetisyon ni Kimberly Anne Custodio.


Bago ito makatuntong ng championship round, nauna muna nitong pinatapik si Oana Lapu ng Romania sa bisa ng 14-0 sa round-of-16, habang sinunod talunin si Oleksandra Rusetska ng Ukraine sa bisa ng 9-0 sa quarterfinals, habang inilampaso si Abdulkareem Balqees ng host country United Arab Emirates sa 22-0.


Nito lang Hulyo ay naitaas ang ranggo nito sa black belt ni 10-time World champion at dating MMA fighter Andre’ “Deco” Galvao’ sa ATOS Jiujitsu headquarters sa San Diego, California sa U.S. kasunod ng pagsungkit ng gold medal sa National IBJJF Jiu-Jitsu Championships sa Las Vegas Convention Center, habang nitong Hunyo ay nakakuha ng silver medal finish ito sa IBJJF World Jiu-Jitsu Championships sa Long Beach, California at ang 2022 Pan American IBJJF Championship sa Silver Spur Arena sa Florida noong Abril bago ganapin ang 2021 SEAG sa Hanoi, Vietnam.


 
 

ni VA / MC - @Sports | November 3, 2022



ree

Nagpapagaling na ngayon si Filipino Olympian at skateboarder Margielyn Didal matapos operahan sa paa, ayon sa ulat.


Sumailalim sa operasyon ang Pinay Olympian matapos magkaroon ng fracture sa left ankle. Nakuha umano ni Didal ang injury noong lumahok siya sa Red Bull Skate Level.


Agad namang nagpasalamat si Didal sa mga doktor dahil sa matagumpay na operayson at mga fan na nagpa-abot ng kanilang dasal para sa kanyang agarang paggaling.


Dagdag pa nito na bagamat parte sa paglalaro ang injury, tiniyak niya na mag-iingat na lamang sa mga susunod paglalaro.

ree

Samantala, may 23 koponan, 15 sa kalalakihan at 8 sa kababaihan ang magsasagupa sa ikalawang edisyon ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champion's League.


Hinati sa bisa ng draw na pinangunahan ni Don Caringal ng PNVF sa tatlong grupo ang mga koponan sa men's division at dalawa naman sa women's division.

Nagkasama-sama sa Pool A ang PGJC Navy Sea Lions, Basilan-Tennun Spikers, Cignal HD Spikers, VNS-Quezon City Griffins at AIP-University of Baguio-Benguet Province Cardinals.

Natipon sa Pool B ang Aklan Ati-Atihans, Imus City- AJAA Spikers, National University (NU)-Pasay City Bulldogs, One Bulacan Republicans at Pikit-North Cotabato AMC G Spikers.

Nabunot upang Bumuo sa Pool C ang University of the East (UE)-Cherrylume Red Warriors, Baguio City Highlanders, Bacolod City Tarags, Sta. Rosa City Lions at Army-Taguig City Troopers.

Sa women’s division magkakasama sa Pool A ang University of Batangas-Batangas City Lady Brahmans, ICC-Caloocan City Lady Bluehawks, KMS-Quezon City Lady Vikings at Imus City-AJAA Lady Spikers.

Nasa Pool B ng women's ang last year’s first runner-up CPS-Antipolo City, Davao City Lady Agilas, UE Manila-Cherrylume Lady Red Warriors at Tomodachi Bulacan Bulakenyas.

 
 

ni VA - @Sports | November 3, 2022



ree

Naghari ang Team Lakay sa katatapos na National Open Kickboxing Championships matapos nilang magwagi ng 14 na gold, dalawang silvers at tatlong bronze medals sa pagtatapos ng kompetisyon sa Music Hall ng Mall of Asia sa Pasay City.

Nanguna sa nasabing tagumpay ng fight club na nakabase sa Baguio City sina Hanoi Southeast Asian Games gold medalists Jean Claude Saclag at Gina Iniong Araos.


Ginapi ni Saclag si Drexter Taligan ng Nak Muay sa finals ng men’s 63.5-kg low kick class sa pamamagitan ng technical knockout habang tinalo naman ni Araos si Zepania Ngaya, 2-1, sa low kick 60-kg women’s finals.

Nagwagi din ng gold para sa koponan ng trainer na si Mark Sanglao sina mixed martial artists Danny Kingad, Honorio Banario, Jeremy Pacatiw at Jenelyn Olsim sa pagtatapos ng tatlong araw na kompetisyon na inorganisa ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas na pinamunuan ni Francis Tolentino at Secretary General Wharton Chan.

Iginupo ni Kingad ang kinatawan ng Nak Muay Camp na si Vhiko Alhado sa gold medal match men’s 63.5-kilogram full contact division habang nanaig si Olsim sa kapwa niya Taga Baguio City na si Carrol Panganiban ng Nak Muay Camp sa women’s 60-kg full-contact finals.

Pinayukod ng Vietnam SEA Games bronze medalist na si Banario si Ejay Pestaño ng Dragon Knights Martial Arts para sa gold sa men’s 71-kilogram low kick habang mangibabaw si Pacatiw Kay John Galvan ng King’s Sword ABKA Davao sa finals ng men’s 71-kg full contact.

Inangkin nina Mary Carluen at Jerlyn Kingad ang gold at silver ayon sa pagkakasunod matapos magtala ng 1-2 finish sa women's 56-kg group.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page