ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 14, 2025

Noong November 11, bilang Chairperson ng Senate Committee on Youth, nagsalita tayo sa Senado upang maging co-sponsor ng Senate Bill No. 1482 o ang Classroom Building Acceleration Program Act. Binigyang-diin natin ang kahalagahan ng mabilisang pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa — isang problemang matagal nang nagpapahirap sa kalidad ng edukasyon ng ating mga kabataan.
Isa sa mga paulit-ulit nating naririnig sa mga guro, magulang, at estudyante sa bawat probinsyang napupuntahan natin ay: kulang pa rin ang mga classroom. Sa bawat pagbisita natin sa mga paaralan, ipinapakita ng mga principal ang mga lumang silid na halos ‘di na magamit — bitak-bitak ang dingding, tumutulo ang bubong, at siksikan ang mga bata. Kaya’t naniniwala tayo na panahon na para tutukan at pabilisin ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa buong bansa.
Lagi kong sinasabi na hindi maihihiwalay ang pag-unlad ng kabataan sa kalidad ng edukasyon na kanilang natatanggap. Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan, at bukod sa kanilang kalusugan — na patuloy kong isinusulong sa aking health reforms crusade — dapat maging pangunahing prayoridad din ang edukasyon.
Ayon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), may kakulangan tayong mahigit 165,000 classrooms sa buong bansa noong 2023 pa lamang. Ang ganitong sitwasyon ay direktang nakaaapekto sa pagkatuto ng milyun-milyong kabataang Pilipino. Habang ang ibang sektor ay nakatatanggap ng bilyun-bilyong pondo, nananatiling limitado ang pondo para sa mga paaralan.
Nakakalungkot isipin na nasasayang ang pondo para sa mga flood control projects. Sana, inilaan na lamang ito sa sektor ng kalusugan o kaya rito sa sektor ng edukasyon para makapagpatayo tayo ng mga classrooms. Sa P1.2 trillion na budget para sa flood control mula 2022 hanggang 2025, aabot sa 300,000 to 600,000 classrooms sana ang naipatayo, or 60,000 evacuation centers -- batas na ito through Ligtas Pinoy Centers Act, or 80,000 health centers, or even 800 tertiary hospitals ang puwedeng maipatayo sa mga pondong ito.
Ang Classroom Building Acceleration Program Act ay tugon sa obligasyon ng Estado na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa lahat ng Pilipino. Sa pamamagitan nito, hinihikayat natin ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor — mula sa pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, hanggang sa pribadong sektor — upang sabay-sabay nating mapunan ang kakulangan sa mga silid-aralan. Malaking tulong dito ang mga LGU dahil mas alam nila ang kakulangan ng mga klasrum sa kani-kanilang mga lugar.
Buong puso akong sumusuporta sa panukalang ito at nais maging isa sa mga co-authors nito. Naniniwala ako na ang bawat silid-aralan na maipapatayo ay isang puhunan sa kinabukasan ng ating bansa. Sa bawat batang matututo sa maayos na paaralan, may bagong pag-asang isinisilang para sa Pilipinas.
Samantala, noong November 8, bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, inimbitahan naman tayong dumalo sa Mikey Belmonte Cup District 2 Opening Ceremony sa Quezon City.
Noong nakaraang linggo, tuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong ng ating Malasakit Team sa mga biktima ng Bagyong Tino sa ilang siyudad at bayan sa probinsya ng Cebu tulad ng Consolacion, Liloan, Compostela, Talisay City, Cebu City, at Danao City; at sa La Castellana, Negros Occidental. Agad ring namahagi ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga biktima ng Bagyong Uwan sa Caloocan City, at Hermosa, Bataan.
Bumisita rin ang Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan nating nangangailangan sa Mati City, Davao Oriental; Tandag City, Surigao del Sur; at Iloilo City upang tumulong sa mga maliliit na negosyante.
Nabigyan naman ng tulong ang mga solo parent, senior citizens, at persons with disabilities sa Pinamungajan, Cebu at sa Tolosa, Leyte. Tinulungan din ng Malasakit Team ang ilang iskolar mula sa Tarlac State University.
Patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.






