top of page
Search

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | January 4, 2021




Hello, Bulgarians! Magpapatupad ng scheduled contribution rate at adjustment sa income ceiling ngayong 2021 ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang masiguro ang pondo para sa health care benefits ng halos 110 milyong miyembro na nakapailalim sa Republic Act. No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Law.


Sinubok man ng COVID-19 pandemic ang bansa, patuloy pa rin na ibinibigay ng ahensiya ang mga pangangailangan ng mga Pinoy. Sa pagpapatupad ng UHC Law, mas magandang serbisyo ang maihahatid ng ahensiya sa lahat laban sa COVID-19.


Nakapaloob sa Section 10 ng UHC Law ang implementasyon ng rules and regulations pati na rin ang guidelines na naglalaman ng Circular 2020-005 na inilabas ng PhilHealth noong March 5, 2020.


Ito ang listahan ng Direct Contributors para sa taong 2021:


Monthly basic salary Premium rate Monthly premium

P10,000.00 and below P350.00

P10,000.01 to P69,999.99 3.50 percent P350.00 to P2,449.99

P70,000.00 and above P2,450.00


Sa mga kumikita ng P10, 000 pababa, ang kanilang kontribusyon ay naka-fixed na sa P350 kada buwan, habang ang kumikita naman ng P70, 000 pataas ay may kontribusyon na P2, 450 kada buwan.


Ang kontribusyon ng mga empleyadong miyembro kasama ang mga kasambahay ay paghahatian nila ng kanilang employer. Samantala, para sa mga self-paying members, buo nitong babayaran ang kanilang kontribusyon.


Ayon kay PhilHealth CEO and President Atty. Dante Gierran, ang lahat ng naipong kontribusyon ng mga miyembro ay garantisadong mapupunta sa health care benefits ng mga ito sa mga susunod na taon.


Handa na rin umano ang PhilHealth sa pagpapatupad at sa paggawa ng kanilang mga tungkulin upang makuha muli ang tiwala ng bawat Filipino.


Aniya, “Pabayaan ninyong gawin namin ang aming trabaho nang mahusay, tapat at sulit sa inyong lahat.”

 
 

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021




Libre na ang COVID-19 vaccine sa lahat ng residente ng Makati City, ito ang inanunsiyo ni Makati City Mayor Abby Binay ngayong Lunes. Aniya, “This is our number one priority for 2021. I want each and every Makatizen to receive both doses of the coronavirus vaccine for free to protect them and their families against the virus.”


Dagdag pa ni Binay, naglaan na sila ng P1 bilyong pondo para sa COVID-19 vaccination program. Nakikipag-ugnayan na rin umano ang ilang opisyal kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa pagkuha ng vaccine.


Sinabi rin ni Binay na hihingi rin ito sa mga konsehal ng lungsod ng supplemental budget upang maipasa at maging handa kapag inaprubahan na ang vaccine ng pandemic task force ng bansa.


Sa ngayon, mayroon pang 290 aktibong kaso ng COVID-19 sa Makati City habang 9,459 ang gumaling dito.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021





Maglalaan ng 4 na area ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga debotong dadalo sa Misa sa Quiapo Church sa Kapistahan ng Poong Nazareno sa Enero 9.


Ayon kay Mayor Isko Moreno, pinayagan nito ang pagbubukas ng ilang area bilang konsiderasyon sa mga debotong gustong dumalo sa pista sa kabila ng nararanasang pandemya.


Aniya, “Doon naman sa dadako sa ating area sa Quiapo, we will make Villalobos, Carriedo, Hidalgo and Plaza Miranda available sa excess sa loob ng simbahan kasi may maximum requirement.”


Nitong Linggo, inanunsiyo ni Quiapo Church Spokesperson Fr. Douglas Badong na may ilang tradisyon ang hindi isasagawa sa araw ng kapistahan tulad ng prusisyon, salubong at pahalik upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Bukod pa rito, inanyayahan din ni Fr. Badong ang lahat ng gustong dumalo sa misa na mas mabuting pumunta na lamang sa kani-kanilang parish church imbes na pumunta pa sa Quiapo Church.


Nag-request na rin umano ang pamunuan ng Quiapo Church sa lokal na pamahalaan ng Maynila na isara ang ilang kalsada kabilang ang southern part ng Quezon Boulevard upang makapagbigay-daan sa mga deboto.


Samantala, sinabi rin ni Moreno na mamamahagi sila ng face shield at face mask sa Quiapo Church.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page