top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 9, 2023


Pasado na rin sa Mababang Kapulungan ang kanilang bersyon ng Tatak Pinoy bill, na una nang ipinasa ng Senado kamakailan. 

 

Ang panukalang batas na ito na ating isinusulong, na inihain natin noon pang 2019, ay isa sa mga talagang pinaghirapan ng inyong lingkod dahil sa kagustuhan nating matulungan ang sarili nating mga industriya, gayundin ang mga negosyanteng Pinoy.


Gusto nating mapalakas sila, maging competitive hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat. Pangunahin nating bisyon sa paghahain natin ng panukalang ito ay makalikha ng magandang trabaho at dito na lamang makakuha ng disenteng ikabubuhay ang mga kababayan natin at huwag nang mangibang-bansa.

 

Naging basehan natin sa paghahain ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill ang Atlas of Economic Complexity nina Drs. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo na dating propesor sa Massachusetts Institute of Technology, at ngayo’y nasa University of Toulouse sa France.

 

Sa kanilang pag-aanalisa sa estado ng ekonomiya, napagtanto nila na napakalaking bagay para sa pag-unlad ng isang bansa ang kakayahan nitong makalikha ng mas diversified at mas sopistikadong mga produkto.

 

Sa unang tingin, iisipin nating ang Tatak Pinoy ay isang estratehiyang nakatutok lang sa eksportasyon. Ito ay dahil binibigyang halaga nito ang paglilinang sa mga produktong Pinoy upang maging globally competitive – o magkaroon ng kakayahan ang mga produkto nating makipagsabayan sa mga foreign products. 

 

Subalit, kung iintindihin nating mabuti, ang ating panukala ay nakasentro sa kung paano natin mas mapalalakas ang Pinoy products na sa kalaunan ay buong Pilipinas ang magtatamasa ng tagumpay.

 

 Inihain natin ito para mapag-aralan kung paano nga bang napalalakas ng iba’t ibang bansa ang kanilang mga produkto at kung paano nilang “nailalako” ang mga ito sa pandaigdigang merkado.

 

Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating panukalang batas – maging isa sa mga malalakas na produkto sa global market ang Pinoy products.

 

Sa kasagsagan ng ating pagdinig sa Senado tungkol sa Tatak Pinoy bill, isiniwalat ni Department of Migrant Workers Director Francisco “Jun” Santiago ang mga naging karanasan niya bilang OFW sa loob ng 13 taon. Inilabas niya ang lahat ng kanyang lungkot sa kanyang mga karanasan.

 

Sabi niya, bakit daw nagagawang maging pamoso o sabihin na nating nakakagawa ng ‘marka’ ang mga Pinoy sa mga pinapasukan nilang industriya sa ibayong dagat, pero hindi sila kinikilala sa mismong bansa nila rito sa Pilipinas? Bakit hindi raw nila madala rito sa bansa natin kung ano ang narating nila sa bansang pinagtrabahuhan nila? Kung doon nga raw ay nakagawa sila ng pangalan, bakit dito, kapag papasok sila ng trabaho ay napakaraming hinihingi tulad ng sertipikasyon at license. 

 

Sa Middle East aniya, kung saan siya nagtrabaho ng maraming taon, napakaraming Pinoy ang namamasukan sa construction sites. At doon, mataas ang tingin sa mga kababayan dahil sa kanilang galing. At marami roon ang kumukuha sa serbisyong Pinoy. Pero ‘pag dito raw hahanap ng mapapasukan ang mga Pilipinong ito na “puring-puri” sa abroad, hirap na hirap makakuha ng trabaho.

 

Ang gustong ipunto rito ni Director Santiago, kung mataas ang tingin ng ibang bansa sa expertise ng mga Pinoy, dapat nga, sila ang gawing “asset” ng Pilipinas pagdating sa larangan ng kani-kanilang industriya. Bakit nga kailangang pahirapan ang bigyan sila ng trabaho kapag narito na sila sa mismong bansa nila? At dahil malaki ang ambag ng mga Pinoy sa pag-unlad ng industriya sa mga bansang pinasukan nila, bakit hindi natin sila bigyan ng pagkakataon na industriya naman natin ang paunlarin nila? 

 

Hindi naman pupuwedeng sila lang ang pauunlarin ng mga kababayan natin. Dapat, mas mauna tayo. At ‘yan din naman ang gusto nila. Ang mga lokal na industriya lang ang parang nagiging problema sa sistemang ito dahil hindi nila binibigyang pagkakataon ang Filipino professionals na nagpaunlad sa industriya ng ibang bansa.

 

Kaugnay nito, kamakailan lang ay nagpahayag ang Department of Trade and Industry ng kanilang partnership with the Hasso Plattner Institute School of Design Thinking. Ito ay may kinalaman sa planong pagtatatag ng Design Thinking Academy + Policy Lab para sa isang innovation-driven governance. Dahil napakabilis ng takbo ng innovation sa mundo, dapat nakakahabol tayo, at isa ito sa mga epektibong paraan. Ang HPI School of Design Thinking ay isang European hub for design thinking education kung saan nagsisilbing propesor si Professor Ulrich Weinberg na narito ngayon sa bansa.


Dumating si Prof Weinberg para sa ceremonial signing ng declaration of support sa Design Center of the Philippines.

 

At alinsunod sa mga hakbanging makakuha ng iba’t ibang kaalaman sa labas ng bansa, naghain tayo ng panukalang batas sa Senado, ang Senate Bill 1614 o ang Pensionado Act. Layunin natin dito na matulungan ang mga employed or self-employed, exceptionally-abled at lahat ng Pinoy na kumuha ng advanced studies na may kinalaman sa science, technology o iba pang larangan ng karunungan. Gusto nating maging bahagi sila ng ‘brain gain’ na makatutulong nang malaki sa pangarap nating pag-unlad.

 

Ganito rin ang gusto nating matupad sa pagsusulong natin sa Tatak Pinoy – ang mapalawak at mas maging produktibo ang ekonomiya ng Pilipinas.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 2, 2023


Siguro, kapag sinabing ‘indigent’, naiintindihan na natin kung ano ang ibig sabihin. ‘Pag tayo ay gustong magpasuri o magpa-confine sa mga ospital at wala tayong kakayahang magbayad, kailangan natin ng certificate of indigency mula sa Department of Social Welfare and Development.


‘Pag sinabing indigent – ‘yan ay ‘yung mga kababayan nating walang-wala sa buhay -- mga nangangailangan ng kaukulang tulong sa iba’t ibang aspeto ng buhay. At ‘pag sinabing indigent senior citizens, ito ‘yung mga lolo’t lola na sa kasalukuyan ay naghihirap sa buhay.


Isipin na lang natin, seniors na sila, napaka-vulnerable na, tapos, ‘yung tulong na para sa kanila, hindi nakakarating. Napakasakit naman nu’n para sa kanila.


Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit hindi man lang naiaabot sa takdang panahon ng mga concerned agencies ang kinakailangang tulong para sa mga nangangailangan?


Ang punto natin dito, naglutangan ang mga reklamo mula sa seniors na madalas na raw nade-delay ang distribusyon ng kanilang social pension. Sa totoo lang po, bilyun-bilyon ang inilalaang pondo ng gobyerno sa programang ito. Higit apat na milyon ang ating indigent senior citizens at P1,000 kada buwan ang kanilang social pension. Hindi naman kalakihang halaga ito para mahirapan tayong ipamahagi sa nangangailangan.


Nakalulungkot lang na ganito ang maririnig natin sa DSWD – na ang pinakamalaking backlog nila ay ang social pension para sa mga nakatatanda nating wala nang maaasahan pang tutulong sa kanila kundi ang gobyerno.


Ayon sa DSWD, umaabot sa 466,000 ang kanilang backlog sa distribusyon ng social pension for indigent seniors. Ano ang katumbas nito? Sabi mismo ng ahensyang ito, umaabot na sa P5B!


Linawin ulit natin -- ang indigent seniors ay ‘yung mga nakatatanda na walang-wala sa buhay at ni kamag-anak ay hindi na nila maaasahan pa na tumulong sa kanila. Mga napabayaang seniors ito na namumuhay na lang nang mag-isa at walang naipon na pera mula sa kanilang kabataan.


Tayo ay isa sa mga author ng RA 11916, ang batas na nagtakdang doblehin ang dating social pension for indigent seniors. Kung dati, P6,000 a year ang kanilang natatanggap, nadoble ito sa P1,000 a year dahil sa batas na ‘yan.


Pakiusap natin sa DSWD, resolbahin ang problemang ito sa lalong madaling panahon.


Halos kalahating milyon sa ating indigent seniors ang napag-iiwanan ninyo, nakadidismaya ‘yan.


Sa ilalim ng 2024 national budget, halos aabot sa P50 bilyon ang panukalang budget ng DSWD para sa programang ‘yan. Bilyun-bilyon ang pondo para sa programa, pero bakit kailangang ma-delay ang distribusyon ng pensyon?


Para saan ang social pension ng ating indigent seniors? Ito ay para masustina ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, bitamina, etc. H’wag naman sana tayong maging pabaya sa simpleng tulong na ito sa ating mga naghihirap na lolo at lola.


At panawagan din natin sa mga establisimyento na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatupad ng VAT exemption at 20 percent discount sa seniors at iba pang sektor na accorded ng mga benepisyong ito, sana matuto tayong tumupad sa iniuutos ng batas.


Hanggang ngayon, napakarami pa rin nating natatanggap na reklamo patungkol dito kaya sana naman – tumupad tayo sa batas.


Napakaliit na tulong lang nito kumpara sa mga naging kontribusyon ng ating elders nu’ng kalakasan at kabataan pa nila. Sundin natin ang sinasabi ng batas.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | November 18, 2023


Ang koneksyon ng isang ina at ng kanyang anak ay nagsisimula sa pagbubuntis pa lamang hanggang sa buong buhay ng kanyang supling.


Kaya’t nararapat lang na ang koneksyong ito ay magkaroon ng magandang simula at kabuuan.


Limang taon na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang Republic Act 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-nanay Act. Unang isinulong bilang First 1,000 Days Act, layunin ng batas na ito na tutukan ang iba’t ibang usapin na may kinalaman sa kalusugan ng bagong silang na sanggol at ng kanyang ina, lalo na ang mga nagmula sa mahihirap na pamilya. Sila, sa katotohanan ang mga nagdurusa sa malnutrisyon dahil nga sa kahirapan. At dahil kulang sa nutrisyon ang kanilang pagbubuntis, kadalasan, naaapektuhan din ang kalusugan ng sanggol sa sinapupunan, na dadalhin ng bata hanggang sa kanyang paglabas at paglaki dahil hindi nga naresolba ang nutritional problems nito.


Matagal nang idineklara ng mga ekspertong pangkalusugan na ang pinakamahalagang yugto sa buhay ng isang sanggol ay ang kanyang unang 1,000 araw – mula pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng kanyang buhay.


Sa pamamagitan ng RA 11148, nabigyang pansin ang pagbibigay importansya sa problemang ito at pinalawak ang nutrition intervention programs para sa first 1,000 days ng isang bata. Naglaan ang gobyerno ng pondo para labanan ang malnutrisyon, hindi lang sa mga bagong silang na sanggol, kundi sa mga batang nagdadalaga, mga buntis, at ng mga inang nagpapasuso para masiguro ang kanyang kalusugan at ng kanyang sanggol habang ito ay nasa sinapupunan pa.


Liban sa RA 11148, nar’yan din ang RA 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino na nagpapatupad sa national feeding program para sa mga batang undernourished at may gulang na tatlo hanggang 12. Ang mga batang ito ay mula sa mga public daycare centers at elementary schools, kung saan talamak ang malnutrisyon dahil sa kahirapan.


Malaking balakid sa development ng isang bata ang kakulangan sa tamang nutrisyon, sapagkat apektado rito ang progreso ng kanyang isip, at ng kanyang pangangatawan.


Madalas ding magkasakit ang mga batang ito at kadalasan ay dinadapuan ng mas malulubhang karamdaman dahil sa napakahinang immune system. Sa kanilang pagtanda, ayon sa UNICEF, ang mga stunted children o mga batang undernourished ay kadalasang napupunta sa mga trabahong mababa lang ang suweldo, kumpara sa mga kasing edad nila na kumikita nang maayos.


Mababatid na sa ilalim ng kasalukuyang national budget, kabuuang P99.31 milyon ang inilaan ng gobyerno sa National Nutrition Council (NNC) ng DOH para sa pagpapatupad ng RA 11148.


Ngayong darating na taong 2024, pinagsisikapan ng pinamumunuan nating komite, ang Senate Committee on Finance na mas mapataas ang proposed budget ng nasabing ahensya upang masiguro na mas matututukan nito ang mga programang sisiguro sa proper nourishment ng isang ina at ng kanyang anak.


Matatandaan na kamakailan lamang ay inilunsad ng NNC ang kanilang Philippine Plan Action for Nutrition o PPAN 2023-2028, isang strategic, multi-sectoral, multi-level and directional plan na lulutas sa lahat ng uri ng malnutrisyon sa bansa.


Sa taong 2028, nilalayon ng PPAN na mapababa nang tuluyan ang bilang ng mga low birth weight sa mga bagong silang na sanggol, gayundin ang bilang ng mga stunted children under 5 years old, wasted children under 5, overweight children under 5 at ang Vitamin A deficiency sa mga batang may gulang na anim na buwan hanggang limang taon.


Bilang chairman ng Senate on Committee on Finance, sisikapin nating suportahan ang lahat ng aksyon na kung hindi man tatapos ay magpapababa sa antas ng malnutrisyon sa bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page