top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 14, 2024


Parang itinulog lang natin saglit, biruin n’yo nangalahati na agad ang buwan ng Enero. Napakabilis ‘di ba? 


Parang kani-kanina lang na nagdedekorasyon ang ating maybahay para sa Pasko, heto at pati Three Kings, tapos na rin pala. Napakabilis talaga.


At napag-uusapan na rin lang natin ang 2023 – hayaan n’yo na pagnilayan natin dito sa kolum ang mga kaganapan sa Senado at Kamara nu’ng nakaraang taon.


Sa ating punto de vista, masasabi nating naging produktibo ang dalawang sangay ng Kongreso pagdating sa paglikha at pagpasa ng mga mahahalagang batas. Lahat nang ‘yan, isinulong at pinaghirapan ng inyong mga kongresista at senador para sa kapakanan ng bansa at ng mamamayan. Ang pagkakaisang ito ng Kamara at Senado ay pagbibigay suporta sa ehekutibo sa mga layunin nitong makapagbigay ng maayos na serbisyo sa publiko.  


Narito ang ilan sa mahahalagang batas na naipasa ng Kongreso at pinagtibay ng Pangulo nitong nakaraang taon:


Nangunguna ang 2024 General Appropriations Act, o ang P5.768 trilyong national budget para ngayong taon. Isa sa layunin ng batas na ito ang maabot ang target ng administrasyong Marcos sa pagsasakatuparan ng Philippine Development Plan 2023-2028 – ang sisiguro sa kalusugan ng ekonomiya. Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakasentro tayo sa government spending sa mahahalagang sektor ng lipunan tulad ng kalusugan, edukasyon at imprastraktura.


Malaki ang pagpapahalaga natin sa kalusugan – patunay ang pagsasabatas ng Regional Specialty Centers Act o ang RA 11959 na napagtibay noong Agosto 2023. Binibigyang-diin ng batas na ito ang kapakanan ng mga kababayan natin sa malalayong lugar o probinsya na kailangan pang bumiyahe papuntang siyudad upang makapagpasuri sa mga doktor o health experts. Dagdag-pahirap na nga sa kanilang nararanasang karamdaman, dagdag-pahirap din sa bulsa dahil kailangan pa nilang mamasahe at sagutin din ang pamasahe o pagkain ng kanilang kasama na aagapay sa kanila sa ospital.


At para mas makaakit tayo ng investments at makapasok ang mas marami pang negosyo sa bansa, inaprubahan din ng dalawang sangay ng Kongreso ang Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines o ang kilala ngayon bilang RA 11966.


Sagot ng batas na ito ang mga pangangailangan ng mga potential investors na papasok ng ‘Pinas tulad ng malinaw na legal framework na kanilang masasandigan sa pag-i-invest sa bansa. Makatutulong din nang malaki sa ganitong usapin ang developed at maaasahang imprastraktura dahil pangunahing pinakamahalaga sa kalakalan ang maayos na imprastraktura ng isang bansa.


At para sa ating caregivers, awtor din tayo ng RA 11965 o ang Caregivers’ Welfare Act na gumagarantiya sa mga benepisyo at karapatan ng ating magigiting na caregivers.


Layunin ng batas na ito na mapangalagaan sila laban sa anumang uri ng pang-aabuso mula sa kanilang employer, ang RA 11962 o ang Trabaho Para sa Bayan Act na masasandalan ng ating mga kababayan sa paghahanap ng trabaho – matutulungan sila ng batas sa kanilang upskilling at reskilling upang mas maging malawak ang kanilang job opportunities.


Nar’yan din ang RA 11958 o ang Rationalization of the Disability Pension of Veterans, na naglalayong taasan ang disability pension ng ating military veterans at ng kani-kanilang dependents. Tayo ay naging co-author at co-sponsor ng batas na ito na talaga namang napakatagal na dapat napagtibay bilang pagkilala naman sa ating mga beteranong inilagay o inialay ang buhay sa panahon ng digmaan.


Para naman sa ating mga magsasaka na benepisyaryo ng agrarian reform program, naging co-author ang inyong lingkod ng RA 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act. Pangunahing kakayahan ng batas ang matulungang makaalpas sa utang ang mga magsasaka mula sa mga lupang iginawad sa kanila. Sa batas na ito, burado lahat maging ang mga interest, penalties at surcharges ng kanilang utang.


At siyempre, pinakamahalaga para sa inyong lingkod ang pagkakapasa ng ating pet bill – ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill na pareho nang lusot sa Kamara at sa Senado.


Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay pagtitibayin ito ng ating Pangulo.


Layunin natin sa pagsusulong ng panukalang ito na makilala ang mga produktong Pinoy hindi lang sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat at sa iba’t ibang panig ng globa. Kung magagawa natin ito, tiyak na makalilikha tayo ng  maraming trabaho, mas lalakas ang ating ekonomiya at tiyak na may pagkakakitaan ang bawat Pinoy. May malaki ring posibilidad na sa pamamagitan ng batas na ito, dahil magkakaroon tayo ng available jobs, hindi na kailangan pang mag-abroad ng mga Pinoy.


Ngayong taon, umaasa tayo na mas marami pang batas ang ating malilikha bilang suporta sa development agenda ng pamahalaan na nakasentro sa benepisyo ng bansa at ng mamamayang Pilipino.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 30, 2023


Taun-taon, tuwing binubusisi ng dalawang sangay ng Kongreso (Senado at Kamara) ang pambansang budget, hindi nawawala sa listahan ng pagkakalooban ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon. 


Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat ang napakalaking pangangailangan ng sektor na ito, lalo na’t nagbubunga naman kadalasan ang pagsisikap nating mapaunlad ang sistema ng Philippine education kapag nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan ang ating mga mag-aaral. 


Katunayan, sa ilalim ng 2024 national budget, naglaan tayo ng halos P980 bilyon sa education sector, mula sa P895 pondo nito ngayong 2023.


Bagaman higit P924 bilyon lamang ang proposisyon ng Pangulo para sa pondo ng naturang sektor, nagkaisa naman tayo sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate Committee on Finance na mas mapataas ang alokasyon. Basehan natin sa desisyong ito ang nakalulungkot na resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment o PISA, kung saan sadsad ang katayuan ng Pilipinas.


Nabatid na sa pinakahuling PISA result, lima hanggang anim na taong huli sa learning competencies ang mga estudyanteng Pinoy. Ibig sabihin, ang ating edukasyon, kumpara sa kontemporaryo ng mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral, ay talagang hindi nakahahabol sa modernisado at advance learning.


Sa naturang resulta, umiskor lamang ng 120 points, o mas mababa pa sa average scores ang nakuha ng mga batang Pinoy na inilahok, partikular sa mga asignaturang Math, Reading at Science. Kung ano ang estado natin sa kauna-unahan nating paglahok sa PISA noong 2018, ganu’n pa rin ang estado natin hanggang sa kasalukuyan. Walang pinagbago – walang pag-unlad.


Marami sa ating mga kasamahan sa Senado ang masugid na nagsusulong sa repormang pang-edukasyon. Nar’yan sina Senator Sherwin Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Basic Education; Senator Chiz Escudero, chairman ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education; Senator Pia Cayetano vice chairperson ng ating Finance Committee; ang ating Majority Leader na si Senator Joel Villanueva na kilala bilang “Tesdaman” dahil sa ilang taon ding epektibong pamumuno sa TESDA; at siyempre, ang inyong lingkod na tulad ng ating yumaong ama ay talaga namang masugid ding nagsusulong sa educational reform. 


Kami ng ating mga nabanggit na kasamahan sa Senado ay pawang miyembro ng bagong EDCOM o itong Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 na naglalayong busisiin, pag-aralan ang mga problema ng ating sektor pang-edukasyon at resolbahin ang mga suliraning ito na nagiging dahilan ng krisis sa Philippine education.


Sabi nga natin kani-kanina, ang pagmamahal natin sa edukasyon, ay minana natin sa ating yumaong ama na si dating Senate President Ed Angara na siyang dating pinuno ng orihinal na EDCOM noong 1991. Kabilang sa mahahalagang report mula sa unang EDCOM ang “trifocalization” ng ating education system, kung saan ang Department of Education ang siyang nakatutok sa basic education, habang ang Commission on Higher Education o CHED naman ang nakatutok sa higher education, at ang TESDA para sa technical and vocational education and training o TVET.


Sa EDCOM 2, muli nating nire-reevaluate ang Philippine education system, lalo na ang performance ng mga mag-aaral sa PISA. Sa mga lumalabas na resulta, mas nagkaroon tayo ng determinasyon na makapag-invest sa edukasyon at sa iba’t ibang  programang nagpapalakas dito para sa mga susunod na taon, makita natin ang progreso sa sektor na ito.


Dinagdagan din natin ang pondo para sa Human Resource Development Program ng Department of Education upang matulungan ang ating mga school and learning center personnel; teacher school leader training para sa bagong MATATAG curriculum; ang teaching overload pay; special hardship allowances para sa mga guro; P5,000 cash allowance para sa teachers o mas kilala bilang “chalk allowance”; child protection program; learner support program, lalo na para sa kanilang mental health at sa school-based feeding programs.


Ilan lamang ang mga programang ito sa ilalim ng 2024 GAA na inilaan sa pagpapalakas sa sistemang pang-edukasyon ng bansa. Umaasa tayo na sa pamamagitan ng EDCOM 2 at ng mas pinataas na pondo para sa sektor, ay umani ito ng tagumpay sa mga darating na araw.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 23, 2023


Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024 – pondo na mas mataas ng higit 9 na porsyento nang nakaraang taon.


Ano nga ba ang ikinakatawan ng national budget?


Sa mga unang taon ng ating Republika, kung kailan ang taunang budget ng Pilipinas ay humigit-kumulang P10 milyon lamang, ang pera ay inilalagay lang sa duffel bags at ibinibiyahe sa mga tren para dalhin sa mga dapat tumanggap ng pondo. Malayung-malayo sa kung paano ito naipadadala sa mga ahensya ng gobyerno sa kasalukuyan. 


Ngayon, ang alokasyon ng bawat government agency ay naida-download sa kani-kanilang tanggapan electronically. Hindi na kailangang bumiyahe pa, dahil sa totoo lang, sa mga panahong ‘to, kahit iilang libong piso lang ang bitbit natin sa bulsa, nakaka-praning nang mag-commute dahil alam n’yo na ang panahon.


At kahit nagbago na ang sistema ng alokasyon, ang masinsinang pagsusuri sa pondo ay nananatili. Mula noon, hanggang ngayon, talagang dumaraan sa butas ng karayom ang pag-apruba sa national budget.


Ano nga ba ang ipinagkaiba ng national budget noon at ng national budget ngayon.


Liban sa halaga, halos wala naman --- dahil kung noon ay para sa progreso ng bansa at ng mamamayan ang layunin ng pambansang pondo, ganu’n pa rin naman hanggang ngayon. Napakalaking tulong naman talaga ng pagpopondo hindi lang para sa iisang bagay, kundi para sa ekonomiya ng Pilipinas. 


Anu-ano ba ang mahahalagang aspeto na dapat pondohan? Nangunguna na r’yan ang edukasyon, kalusugan, imprastraktura, seguridad sa pagkain at marami pang iba.


Sa 2024 national budget, naglaan ang dalawang sangay ng Kongreso ng mahigit P900 bilyon para sa edukasyon. Napakaraming hamon ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon at upang matulungan ito sa patuloy na pagbangon, kailangan ang nauukol na pondo.


Sa imprastraktura, naglaan tayo ng napakalaking pondo para naman masiguro ang kaligtasan ng ating mga kalsada, tulay, mga riles. Hindi lang naman kasi ito para sa mga motorista o pedestrian, malaking bagay rin ang mga imprastrakturang ito sa transportasyon ng mahahalagang produkto or basic goods and services.


May alokasyon din na P221.659 bilyon para sa agrikultura. Ibig sabihin, mas tumaas ito ng 27.7 percent sa 2023 budget na inilaan sa Department of Agriculture at sa attached agencies nito. Mahalagang mapondohan ang sektor na ito dahil alam naman natin na ilang beses nang inabot ng krisis ang naturang sektor. 


Ang budget ay para matugunan ang problema natin sa mga pagkaing abot-kaya, at para matulungan ang mismong mga taong nagtatrabaho para mapakain ang sambayanang Pilipino – ang mga magsasaka, mga mangingisda at iba pang mga kababayan nating nagtataguyod sa seguridad ng ating pagkain.


At kahit kailan, laging kasama sa mga nangungunang ahensya ng gobyerno na tumatanggap ng malaking pondo ang sektor pangkalusugan sa pangunguna sa Department of Health. Higit P300 bilyong pondo ang inilaan sa departamento na nakatuon hindi lang para sa mga paggamot sa mga may karamdaman kundi para matiyak na wala sa ating mga kababayan ang daranas ng matinding pagkakasakit – para maiwasang gumastos nang malaki sa pagpapaospital ang mga pamilya na talaga namang isang bagay na nagiging dahilan ng ating paghihirap.


Halos 20 porsyento naman sa kabuuang pondo ang inilagak sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod at munisipalidad para matulungan sila sa kanilang pagpapaunlad sa kani-kanilang komunidad.


At para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa bawat lugar, at sa mismong pamamahay ng ating mga kababayan, at para sa kaligtasan ng mamamayan, may dagdag alokasyon din ang mga departamentong nakapokus sa usaping peace and order – nar’yan ang PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang uniformed personnel.


At base na rin sa iniatas ni Senate President Migz Zubiri, may pondo rin para sa Department of National Defense at sa attached agencies nito kabilang na ang Armed Forces of the Philippines, na umaabot sa mahigit P238 bilyon. Pangunahing layunin nito na mas mapaigting ang pagbabantay sa ating mga teritoryo at mapangalagaan ang soberanya ng Pilipinas.


Malaking bahagi rin ng pondo ang inilaan sa pagtugon sa mga problemang dala ng iba’t ibang kalamidad tulad ng pagbaha, disasters at iba pang mga kalunus-lunos na trahedya. Kaukulang P21 bilyon ang inilaan para sa NDRRM fund o calamity fund.  


Ang national budget, para sa kaalaman ng lahat ay hindi lang piraso ng papel na pinipirmahan ng ating mga opisyal, partikular ng ating Pangulo. Ito ay isang manifesto na nagbibigay halaga sa kapakanan ng mamamayan at nang buong bansa. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, napakaraming dapat na tuparing pangako at sa pamamagitan ng annual budget, sisikaping maisakatuparan ito para masigurong matupad ang pangarap nating umunlad at umalagwa. 

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page