top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Pebrero 24, 2024


Patuloy ang isinasagawang pagdinig ng ating pinamumunuang subcommittee on constitutional amendments and revision of codes sa Senado ukol sa mga panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng ating 1987 Constitution.


Patuloy ang isinasagawang pagdinig ng ating pinamumunuang subcommittee on constitutional amendments and revision of codes sa Senado ukol sa mga panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng ating 1987 Constitution.


At sa mga pagdinig na ‘yan, pangunahing layunin ay makahabol tayo sa mabilis na progreso ng mga karatig-bansa natin sa Asya, gayundin sa buong mundo. Kung dati-rati, mas abanse ang Pilipinas kumpara sa mga kapit-bansa nito, ngayon, makaraan ang ilang dekada, malayo na ang kanilang agwat sa atin lalo na’t kung ang pag-uusapan ay ang estado ng ekonomiya.


Sinimulan ng ating subcommittee ang deliberasyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 nitong nakalipas na dalawang linggo para dinggin ang mga panukalang pag-amyenda sa tatlong probisyon ng Saligang Batas – upang buksan sa mga dayuhang mamumuhunan ang public utilities, education at advertising.


Sabihin man nating hindi popular ang suhestiyong buksan din sa foreign ownership ang sektor ng edukasyon, malaki ang maitutulong nito sa pangarap nating maging isang bansang industrialized. At paglilinaw -- tanging ang higher education lamang ang nilalayong amyendahan at hindi ang basic education.


Marami kasi ang nalilito sa sakop ng RBH No. 6 ukol sa liberalisasyon ng naturang sektor -- kung inyong mababasa ang nilalaman ng resolusyon, wala sa intensyon nito na buksan sa foreign ownership ang basic education. Ang basic education ay mananatili sa pangangasiwa at pagpapatakbo ng mga Pilipino.


Ang layunin lang naman natin sa proposisyong luwagan ang mga restriksyon sa higher education sector ay para maibahagi ng mga pamoso, at tinitingalang educational institutions sa buong mundo ang kanilang mataas na antas na kaalaman at know-how sa ating mga mag-aaral at sa mga industriyang kukuha sa kanilang mga serbisyo.


Makakatulong ito upang mas maging produktibo at competitive ang ating mamamayan at siyempre, ang buong bansa.


Uulitin lang natin ang palagi nating sinasabi – hindi solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa ang pagbabago ng ating Saligang Batas. Hindi rin natin sinasabi na ito ang pangunahing pangangailangan ng mga foreign investor para mamuhunan sa Pilipinas.


Ang kauna-unahang bagay na makatutulong pa rin sa ating pag-unlad ay ang pagbura sa korupsiyon at sa bureaucratic red tape. Dahil kung mananatili ang mga ito, kahit ilang ulit pa siguro nating galawin o baguhin ang Konstitusyon, wala pa ring mangyayari.


Ang mga pagsisikap na mareporma ang edukasyon ay kailangang kaagapay din ng pag-develop sa industrialization policies. At nabanggit natin ito, umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay lagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ating pet bill – ang Tatak Pinoy bill na reresolba sa kakulangan natin ng ecosystem sa iba’t ibang industriya sa bansa. 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Pebrero 17, 2024


Mahigit tatlong dekada na mula nang ratipikahan ang 1987 Constitution. Matatandaan na binuo ang Saligang Batas matapos ang pagpapalit ng liderato noong 1986 sa pamamagitan ng isang payapang rebolusyon. At sa loob ng mga taong ito, marami ang nagbago.


Binuksan ng iba’t ibang bansa ang kanilang ekonomiya para sa mga mamumuhunan upang masustina ang kanilang paglago. Maging ang mga bansa sa ASEAN na dati-rating mas mahirap pa sa Pilipinas ay mas progresibo na ngayon dahil sa kanilang bukas na ekonomiya. Ang katotohanang ito ay batid ng marami sa atin, lalo na sa mga mambabatas na matagal-tagal na ring nagsusulong na amyendahan ang ating Konstitusyon.


Sa tuwing magkakaroon ng usapan patungkol sa pagbabago ng Saligang Batas, nagkakaroon ng iba’t ibang reaksyon ang mga kinauukulan. Marami kasi sa mga tutol sa Constitutional change ay may agam-agam – na baka ang motibo lang umano ng mga nagtutulak na baguhin ang Konstitusyon ay pulitikal. Kumbaga, kaduda-duda ang personalidad ng mga nagtutulak nito.


Bagaman maganda naman sana ang layuning amyendahan ang mga probisyong may kinalaman sa ekonomiya, kalaunan kasi ay nababahiran na ng mga usaping pulitikal ang mga isinusulong na pag-amyenda – mga proposisyong naghahangad lamang na palawigin ang termino ng mga halal na opisyal upang mas mapatagal ang pananatili nila sa posisyon. Ang mga kaduda-dudang motibong ito ang malaking balakid sa pagkakaroon ng Constitutional change.


Matatandaang, Enero 15 ng kasalukuyang taon, inihain sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 o ang RBH 6. Ang layunin ng resolusyon – amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas na sumasakop sa Article XII (National Patrimony and Economy) na may kaugnayan sa foreign ownership ng ating public utilities; Article X1V (Education, Science and Technology, Arts, Culture and Sports) on the participation of foreign entities in higher education; at ang Article XVI (General Provisions) on foreign investments in advertising. Tatlong senador ang naghain nito sa Senado – ang ating butihing Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda at ang inyong lingkod, bilang mga author.


Tayo ang inatasang mamuno o maging chairman ng subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na siyang dirinig dito sa RBH No. 6. Ito ay dahil na rin sa desisyon ng ating Senate President na isang abogado ang dapat na mamuno sa pagdinig ng usaping ito.


Nagpapasalamat naman tayo sa chairman ng ating mother committee, si Senator Robinhood Padilla na nagpaunlak sa paglikha ng subcommittee na pinagsalangan ng RBH 6. Ang lahat ng ating gagawing pagdinig sa ilalim ng pinangungunahan nating subcommittee ay pawang may koordinasyon sa ating chairman na si Senator Padilla.


Sa unang araw ng pagdinig ng ating subcommittee, kabilang sa mga inimbita nating resource persons ang magagaling na abogado at mga dating chief justice na kinabibilangan nina former CJ Hilario Davide; former  Supreme Court Justices Adolfo Azcuna at Vicente Mendoza; dating Comelec Chairman Christian Monsod; Dr. Gerardo Sicat; dating Finance Secretary Margarito Teves; at si Mr. Sonny Africa ng IBON Foundation.


Karamihan sa mga nabanggit natin ay kasama bilang framers o bumuo sa 1987 Constitution na karapat-dapat lamang na konsultahin natin sa ginagawa nating pagdinig.


Sa ikalawang pagdinig sa RBH 6, masusi nating binusisi ang restrictive provision on foreign ownership o itong mga probisyon sa Konstitusyon na naglilimita sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ating public utilities. At tulad sa unang pagdinig natin, kasama pa rin natin ang ilan sa mga eksperto tulad nina dating Supreme Court Justice Antonio Carpio; National Scientist Raul Fabella; ang framers ng 1987 Constitution na sina Rene Sarmiento at Bernardo Villegas; ang mga kinatawan mula sa foreign chambers of commerce; ang political scientist na si Dr. Clarita Carlos; at ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry, National Economic and Development Authority, Department of Finance, Department of Information and Communication Technology, Securities and Exchange Commission, at ang Philippine Competition Commission.


‘Di tulad ng mga ordinaryo o pangkaraniwang batas, ang Konstitusyon ay “sagrado”.


Kumbaga, ito ang ‘bibliya’ ng mga batas na hindi maaaring baguhin na lamang nang walang pag-aalinlangan. Hindi ito madali.


Kung titingnan natin ang karanasan ng Estados Unidos, nakapag-propose na sila ng halos 11,000 amendments sa kanilang Saligang Batas. Ito ay sa loob ng 200 taon kung saan 27 lamang sa mga amendments na iyon ang naisakatuparan. Ito ang mga bagay na nalaman natin sa mga isinumiteng dokumento ng ating resource person na si dating Comelec Commissioner Sarmiento. Sa Pilipinas, base sa pahayag ng House of Representatives, nakapaghain na sila ng mahigit 300 proposals sa pag-amyenda ng Philippine Constitution sa loob pa lamang ng 37 taon. At ni isa sa mga ito, walang napagtagumpayan.


Sa mga susunod na linggo, tatalakayin naman natin sa ating mga pagdinig ang mga probisyon ng edukasyon at advertising. At base sa suhestiyon ng ating Senate President, magsasagawa rin tayo ng public hearings sa mga piling lungsod ng bansa.


Sa ngayon, maging tagumpay man ang hangaring maamyendahan ang economic provisions ng ating Saligang Batas o hindi, ang mahalaga ay napag-uusapan na rin ito sa wakas at hindi na lamang naisasantabi. At ang pinakaimportante, bukas na bukas sa publiko ang pagdinig sa panukalang ito – wala tayong itatago dahil ang layunin natin ay maipaliwanag sa mamamayan kung ano ang ating isinusulong. Mas maganda kasi, na kapag nagkaroon na ng malawak na pang-unawa ang ating mga kababayan sa usaping ito, sila-sila na mismo ang magdidiskusyon at mangangaral sa bawat isa kung ang pagbabago ba sa economic provisions ng ating Konstitusyon ay kailangan o hindi na.  


Ang publiko na siyang nagluklok sa atin sa posisyon ay kailangang bigyan natin ng napakalaking papel sa lipunan kung ang pag-uusapan ay ang Saligang Batas.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Pebrero 10, 2024


Hindi madali para sa isang bansa na maging bahagi ng pinakamalalaking pandaigdigang kaganapan – kung saan tiyak na malaking benepisyo ang makakalap nito bilang punong abala.


Siguro naman ay hindi natin malilimutan na napili ang Pilipinas bilang isa sa tatlong bansang nagsilbing host ng FIBA Men’s Basketball World Cup nitong 2023. Ang FIBA World Cup na pinakamalaking basketball tournament sa buong mundo ay ginanap mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10, 2023 sa iba’t ibang bansa: Okinawa, Japan; Jakarta, Indonesia; at sa Manila. Ito ay nilahukan ng kabuuang 32 national teams na binubuo ng 55 manlalaro mula sa NBA kung saan 15 sa mga ito ay top players ng kani-kanilang koponan.


Sa 92 games ng torneo na ginanap sa mga nabanggit na bansa, mahigit 700,000 basketball fans ang sumaksi at karamihan sa mga ito, dumayo pa mula sa iba’t ibang bansa. Nang ganapin na sa Pilipinas ang kompetisyon, sa isinagawang opening ceremony sa Philippine Arena, dinaluhan ito ng mahigit 38,000 fans -- ang pinakabagong record na naitala ng FIBA World Cup.


Sa pagho-host na ito ng Pilipinas, naging benepisyaryo ang ating ekonomiya dahil sa mga direct at indirect economic impacts, tulad ng malakihang paggastos ng mga organizers sa pagsisimula ng event dito sa bansa, na kinabibilangan ng pag-set up sa mga pagdarausan ng laban, hotel bookings, pagkain para sa mga delegado, transportasyon, merchandise at iba pang mga aktibidad na may kinalaman sa torneo. Dito kumita ang bansa dahil sa mga organizers partikular mula sa kanilang foreign sources.


Sa report ng Nielsen Sports, nakapag-generate  ng P26.4 bilyong revenues ang bansa dahil sa mga isinagawang kompetisyon sa tatlong host cities, kung saan, naitala ng Manila ang pinakamalaking  economic impact – P18.8 bilyon. Ayon nga sa isang ekonomista, tinatayang pumalo sa 0.05% hanggang 0.1% ang GDP o mula P2.5 bilyon hanggang P5 bilyon sa third quarter ng 2023. Napakalaking bagay nito para sa Philippine economy kahit pa kulang-kulang dalawang linggo lamang ang itinagal ng torneo rito sa Pilipinas.


Bagaman hindi nakasungkit ng panalo ang ating Gilas Pilipinas sa nasabing torneo, panalo pa rin tayo dahil nakabilang tayo bilang host country ng FIBA. Napakalaking karangalan ito para sa bansa. At hindi man nagwagi ang Gilas, naipakita naman natin ang gilas ng mga manlalarong Pinoy sa globa – na may angking galing ang ating mga basketbolista na ‘di rin basta-basta.


Kakaibang karanasan ang mag-host ng ganitong kalaking kaganapan at dapat, isapuso natin ang lahat ng ating natutunan – na kung susuportahan natin ang isa’t isa sa mga layuning makatutulong sa bansa, tiyak na magtatagumpay tayo.


At sa susunod, gawin natin ang lahat at mas pag-igihan ang ating laban.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page