top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 17, 2020



Tayong mga abogado, tulad ng mga witness sa korte, nakalibing din sa hukay ang isang paa natin, sa tuwing tayo ay nasusuong sa malalaking kaso. ‘Yung tipo ng kaso na malalaking tao ang sangkot at may “kakayanang ipatumba” ang mga witness o maging ang mga abogado. Ganyan ang realidad.


At kung ang mga abogado nga, nalalagay sa alanganin dahil sa mga hinahawakang kaso, paano pa kaya ang mga prosecutor? Itong mga prosecutor, nasa balikat nila kung paano mapatutunayang malakas ang mga ebidensiya laban sa mga suspek. At sakaling mapatatag ng prosecutor ang mga ebidensiya, posibleng madiin sa kaso ang akusado. Ganyan kabigat ang role ng prosecutor sa ating criminal justice system.


At sa bigat ng kanilang papel sa paggulong ng hustisya, mukhang malabnaw ang pagkilala sa kanilang importansiya. May benepisyo ang ilang miyembro ng justice system natin na wala sa mga prosecutor. Ang survivorship benefits.


Malaki ang respeto natin sa ating mga prosecutor at dapat nating kilalanin ang kanilang papel sa galaw ng hustisya sa bansa. At dahil d’yan, ipinanukala natin ang pagkakaloob ng survivorship benefits sa lahat ng miyembro ng National Prosecution Service o NPS sa pamamagitan ng ating isinusulong na Senate Bill 1865.


Ang counterparts ng ating magigiting na prosecutor sa Office of the Ombudsman at maging sa hudikatura, nakatatanggap sila ng naturang benepisyo. Wala namang pinagkaiba sa takbo ng kanilang trabaho, pero bakit may puwang pagdating sa benepisyo? Pare-pareho naman ding nasa bingit ng peligro ang buhay nila dahil sa naglalakihan at mga kontrobersiyal na kasong hawak nila.


Nito lang Hulyo ng taong ito, isang inquest division chief ng Manila City Prosecutor’s Office, si Jovencio Senados, ang pinatay habang papasok sa kanyang tanggapan. Ganyan ka-kritikal ang buhay prosecutor kaya ‘wag naman sana silang maiiwan sa mga pagkilala at benepisyo.


Sa ating itinutulak na panukala, hinihiling natin na i-recognize ng gobyerno ang sakripisyo ng ating NPS prosecutors.


At sa ilalim ng ating bill, iniaatas na sakaling pumanaw ang isang retiradong miyembro ng NPS, kailangang matanggap ng kanyang lehitimong pamilya at dependents (lehitimong asawa at mga anak, maging ito man ay illegitimate o ampon, PROVIDED na ang mga ito ay dependent pa talaga sa namayapa; may gulang na 21 pababa, walang asawa, walang trabaho o kaya’y may taglay na kapansanan sa isip at sa aspetong pisikal) ang lahat ng kanyang retirement benefits na tinatanggap na niya noong siya ay nabubuhay pa.


Ganito rin ang sistemang nais natin para sa mga NPS member na pumanaw kahit eligible for retirement pa lamang sila. Ang kanilang mga maiiwang retirement benefits ay kailangang matanggap din ng kanilang lehitimong pamilya.


Gayunman, nililinaw din natin sa ating panukala na sakaling muling mag-asawa ang biyudo o biyuda ng NPS member, hindi na niya matatanggap ang naturang benepisyo.


At sakali namang walang asawa o anak ang namatay, ang kanyang retirement benefits ay kailangang matanggap ng kanyang mga magulang.


Napakahalagang maisabatas ang panukala nating ito para maiparating natin sa ating NPS members na mahalaga ang kanilang papel sa ating estado pagdating sa paggulong ng hustisya.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 12, 2020



Sa tatlong buwang nasa ilalim tayo sa lockdown at ang patuloy na pagkilos nang hindi normal ng ating ekonomiya, iisa ang naging epekto nito sa marami nating mga manggagawa — kundi man tuluyang nawalan ng trabaho, ‘yun iba ay hindi na naging regular ang kanilang hanapbuhay.


Ang hagupit ng pandemya ay naramdaman o talaga namang nanalanta sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kaya ang mga dating umaasa lang sa arawang kita, mas lalo lang nalubog sa hirap. Pero ang lagay ng lahat — apektado.


Isa sa mga talagang nagkalatay sa pandemyang ito ang sektor ng sining. Tulad ng mga kaawa-awa mga pintor, isa sila sa mga nawalan ng kabuhayan.


Nitong nakalipas na linggo, dininig ng ating komite, ang Senate Committee on Finance ang budget para sa National Commission for Culture and the Arts o NCCA at ang mga attached agencies nito.


Sa nasabing pagdinig, tahasan nating hinimok ang NCCA na makipag-alam sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aktibo ngayon sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig. Ang layunin natin dito, kunin ng MMDA ang serbisyo ng mga pintor upang pintahan ang murals o mga pader at river banks ng Ilog Pasig. Liban sa murals and riverbanks, maaari ring pintahan ng mga pintor ang murals sa malalaking kalsada tulad ng EDSA at C5.


Hindi lang sa maisusulong natin ang galing ng mga pintor na Pinoy, isa rin itong paraan upang matulungan sila sa kanilang kalagayan sa ngayon matapos hagupitin ng pandemya.


Kaya hiniling natin sa NCCA na kung maaari, magrekomenda pa sila ng mga dagdag na artists para makatulong din ito sa kanilang kita. Apektado talagaang kabuhayan nila ngayon, kaya sa ganitong paraan man lamang, may pagkakitaan din sila mula sa komisyon sa MMDA.


Ang kagandahan sa NCCA, patuloy sila sa pagtulong sa libu-libong artists natin na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito. Katunayan, nitong Agosto ay nagkaloob sila ng one-time cash assistance na nagkakahalaga nang mula P5,000 hanggang P10,000 para sa mga freelance artist na walang natatanggap na regular compensation.


Ang dami nating magagaling na artists na nasasayang lang ang talento dahil sa pandemya kaya, dapat lamang na tulungan sila.


Liban sa sektor ng sining, itong NCCA at ang kanyang attached agencies ay dapat ding makipag-ugnayan sa DTI at iba pang ahensiya ng gobyerno upang mapanday ang creative economy roadmap.


Hindi lang solidong suporta para sa creative sector ang maipagkakaloob nila, kundi mapalalago pa ang creative goods and services na pang-export.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 3, 2020



Kulang-kulang dalawang taon na lang — alam na nating lahat ‘yan — botohan na. Ang tuwing ika-anim na taong halalang Pambansa kung saan kabilang sa iluluklok ang bagong pangulo at bagong pangalawang pangulo.


Hindi naitatanong ng marami, tayo ay doon bumuboto sa ating bayan sa Baler, lalawigan ng Aurora. Walang mintis ‘yan. Kailangang umuwi para magamit natin ang isa sa pinakamahalaga nating karapatan — ang bumoto.


At isa sa ating maipagmamalaki, sa tuwing tayo ay boboto, kasama natin sa napakahabang pilahan ang mga mahal nating kababayan doon. Tulad nila, tinitiis din natin ang init, ang alikabok, pagod, ngawit at gutom. Bilang lingkod-bayan, mas masarap sa pakiramdam na hindi tayo pabida sa pilahan. Lahat tayo, sa araw ng halalan, ordinaryong tao lang — pantay-pantay ang karapatan — liban sa ilan nating kababayan na kailangang bigyan ng respeto at prayoridad: ang minamahal nating mga senior citizens at PWD. Kung tayong mga normal, kaya nating tiisin ang hirap at pagod, sila ay ibahin din natin. Hindi kasinglakas ng ating katawan sina Lolo at Lola at hindi nakagagalaw nang tulad natin ang mga PWD.


Dahil dito, isinusulong natin ngayon ang mas maagang pagboto para sa halos 10 milyong senior citizens at persons with disabilities (PWDs). Ito ay para matiyak na hindi maisasantabi ang kanilang karapatang bumoto at para na rin masigurong ligtas sila sa panganib na dala ng COVID-19. Hindi natin sigurado kung hanggang kailan ang pananalasa ng karamdamang ito kaya’t ngayon pa lamang ay isa na ito sa dapat nating paghandaan sa araw ng halalan.


Nakalulungkot na marami sa kanilang hanay ang madalas ay hindi na nakaboboto. Ang dahilan, isinusuko nila ang kanilang karapatan dahil hindi nila kaya ang hirap na nararanasan sa pagpila at paghihintay sa pilahan sa mga presinto. Isipin na lang natin ‘yung may makasasabay tayong lola o lolo na hirap na hirap na umaakyat sa hagdan dahil nasa ikalawa o ikatlong palapag ang kanilang presinto. Ganundin sa mga PWDs — paano na lang ‘yung mga wheelchair-bound?


Ang suhestiyon natin o panukala natin para rito, dapat may espesyal na araw para sa kanilang pagboto. Hindi biro ang makipagsiksikan sa poll precincts lalo’t may pandemya pa. Liban sa nakapapagod, posible pang malagay sa alanganin ang kanilang kalusugan.


Isa pang benepisyo ng early voting para sa ating seniors at PWDs, mas magiging mabilis din ang galaw ng pila para sa mga ordinaryong botante tulad natin.


Siguro, panahon na rin para pag-aralan ng Commission on Elections o Comelec na maglaan ng natatanging lugar o venue para sa ating mga botanteng seniors at PWDs. Maaari itong gawin sa mga gym o covered courts na may kaukulang seguridad. Hindi ‘yung ihahalo sila sa ordinary voters na kayang-kaya silang itulak o unahan dahil alam nga nilang mahina.


Liban sa earlier date, sariling venue, dapat extended din ang oras nila sa pagboto. Marami sa kanila, hindi na malinaw ang paningin o kaya’y hindi na maayos na nakapagsusulat.


Lahat ng suhestiyon nating ‘yan, ihahatag natin sa Comelec, sandaling dinggin na natin sa Mataas na Kapulungan ang kanilang 2021 budget. Tayo ang chairman ng senate committee on finance, kaya’t tiyak makakadaupang palad natin ang Comelec.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

 
 
RECOMMENDED
bottom of page