top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 6, 2021



Maingay ngayon ang issue sa children’s car seat o RA 11229 O Child Car Seat Law na ipatutupad para sa mga batang may edad 12 pababa.


Sa tingin natin, kahit masasabing maganda naman ang intensiyon ng batas na ito, may ilang kakanyahan ito na nakapagpapalito o hindi gaanong maintindihan ng ating mga kababayan. Sabi nga ng isang Nanay na kakilala natin, paano raw magka-car seat ang anak niyang 12 years old, eh, mas matangkad pa sa kanya?


Dahil d’yan, anim na senador, kasama ang inyong lingkod, hiniling natin sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO) na kung maaari ay suspendihin muna ang implementasyon ng batas na ito.


Unang-una, may kalituhan nga sa pagpapatupad ng batas. May mga unclear guidelines. Ano ba ang sinasabi nating kalituhan? Isa riyan, ang sertipikasyon o pagpapatunay na fit-for-use ang car seat. Sa ilalim ng batas na ito, wala namang espisipikong detalye na inilagay ang LTO tungkol sa designated stations sa pag-i-install ng car seats.


Isa pang dahilan, hindi pa sertipikadong ligtas ng Bureau of Product Standards ng ating Department of Trade and Industry o DTI ang anumang brand o model na gagamitin para sa child car seats. Ibig sabihin, wala pa talagang kasiguruhan ang kaligtasan ng paggamit nito.


At ang pinakamahalagang punto natin sa paghiling ng suspensyon nito ay ang kalagayan natin ngayon sa pandemya.


Marami sa atin, maging ang mga nasa middle class na sabihin na nating de-kotse, hindi rin naligtas sa hagupit ng pandemya. Lahat, natutong maghigpit ng sinturon dahil talagang tinamaan nang husto ang estadong pinansiyal ng bawat isa.


Ang nais nating sabihin, hindi praktikal na magpatupad tayo ngayon ng batas na magiging dahilan para gumastos tayo nang napakalaki. May kamahalan ang car seats at tiyak na hindi ito ang pangunahing pagkakagastusan ng mga pamilya ngayon.


Sana, bago ito isinabatas o ipatupad, siniguro muna nilang malinaw at naiintindihan ito ng publiko at tiniyak na hindi ito magiging pahirap sa bulsa.


Nagpahayag ang LTO na sa loob ng anim na buwan, hindi pa naman daw solido ang implementasyon nito at ang mga mahuhuling lalabag, hindi papatawan ng parusa o anumang multa. Maganda sa pandinig. Pero, mas maganda siguro, mga mam at sir natin sa LTO at sa iba pang involved agencies, suspendihin muna ang pagpapatupad nito at resolbahin muna ang iba’t ibang isyu na bumabalot sa batas na ito.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 30, 2021



Hangga’t hindi bumabalik sa normal ang kalakaran sa buong globa, patuloy ang pag-a-adjust natin sa makabagong sistema. At isa riyan — ang pagiging digital, partikular sa iba’t ibang transaksiyon.


Ganito ang kinahitnan nang lahat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Kung inyong mapapansin, karamihan sa atin ay mas pinipili na lamang na mag-grocery online, mag-shopping online o mamili ng mga pagkain sa pamamagitan ng online delivery. Ito kasi ang mas ligtas na paraan kaysa personal nating tunguhin ang mga pamilihan.


Ganitong sistema rin ang mas pinaiiral ngayon sa banking upang maiwasan ang paghawak ng kung anu-anong papeles o dokumento o kaya nama’y paghawak ng paper bills. Sana, sa lahat ng sangay ng gobyerno, ganitong proseso na rin ang pairalin.


Noong Setyembre nang nakaraang taon, tayo ay nagsulong ng panukalang-batas, ang SB 1764 o ang Use of Digital Payments Act. Nilalayon natin dito na mapalakas ang mas ligtas na financial transactions sa pagitan ng publiko at ng gobyerno sa pamamagitan ng digital payment.


Dahil nilalayon nga nating mapanatili ang mga kababayan natin sa kanilang bahay kung wala rin namang mahahalagang lakad sa labas, mas makabubuti sigurong mapairal na natin ang digital payment systems.


Ang nakalulungkot, noong Nobyembre 2020, nagpahayag ang Department of Interior and Local Government (DIGL) na 30 porsiyento lang ng LGUs ang nakasusunod sa digitized processes. Malinaw na mas mapaiigting ang sistemang ito kung mayroon tayong batas na nag-aatas sa lahat na sumailalim sa digital transition.


Ang isa sa mga nakikita nating paraan upang makasunod ang lahat ng LGUs sa e-government services ay kailangan, mayroong natatanging opisyal na tututok sa technological function ng bawat pamahalaang lokal. Ito ang dahilan kung bakit isinulong natin ang SB 1943 o ang Local Information and Communications Technology Officer Act. Iniaatas ng panukalang ito ang pagtatalaga ng Information and Communications Technology Officer o ICTO sa lahat ng lalawigan, lungsod at munisipalidad.


Kabilang sa mga pangangasiwaan ng ICTO ang pagbuo at pagsasakatuparan ng digitization plans sa public documents sa lokalidad kung saan siya nakatalaga. Siya rin ang magde-develop, magmamantine at mangangasiwa sa iba pang information and communications technology programs and services ng LGU, maging ang partnerships nito sa pribadong sektor; pangangalap at pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa ICT at sa iba’t ibang serbisyo publiko ng lokal na pamahalaan na kanyang kinabibilangan.


Ang ICTO ay kailangang Filipino citizen, may good moral character at nakapagtapos ng kurso sa information and communications technology tulad ng computer science, computer engineering, data science, electronics and communication engineering at iba pang kurso na may kinalaman dito.


Kinakailangan ding mayroon silang tatlo hanggang limang taong karanasan sa ganitong trabaho upang matiyak ang kanilang kuwalipikasyon sa naturang posisyon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 23, 2021



Habang isinusulat ang kolum nating ito, isang panukalang-batas ang isinumite natin sa Senado, kaagapay ang magigiting nating kasamahang senador na sina Senador, Grace Poe, Joel Villanueva at Nancy Binay.


Ang naturang panukala, ang Senate Bill 2002 ay naglalayong amendahan ang umiiral na Republic Act 9500 o ang University of the Philippines Charter of 2008.


Ikinalulungkot natin at ikinababahala ang pagbawi ng Department of National Defense (DND) sa kasunduang namamagitan sa DND at sa UP kaugnay sa pagbabawal na makapasok ang mga kagawad ng pulisya at militar sa loob ng unibersidad.


Hindi katanggap-tanggap ang aksiyong ito sapagkat wala man lang naganap na paunang usapan sa pagitan ng dalawang panig bago ipinatupad ng kagawaran ang abrogation ng 1989 UP-DND agreement.


Tulad ng ating namayapang ama, si dating Senate President Ed Angara, tayo ay nagmamalaking produkto rin ng Unibersidad ng Pilipinas — isang bulwagan ng kalayaan sa pamamahayag, karunungan at aktibismo. Ang kalayaan at karapatang ito ng unibersidad, mula noon pa ay palagi nang tinutudla ng pagbabanta ng estado na ang tanging nais ay paliitin ang papel na ginagalawan ng institusyong ito sa sigaw ng pagbabago.


Tayo ay produkto ng unibersidad na ito kung saan ang bawat isa ay may kalayaang magpahayag ng saloobin, opinyon at paniniwala nang walang takot.


Bakit kailangang siilin ang kalayaan ng Unibersidad ng Pilipinas? Hindi natin maitatangging nagmula sa institusyong ito ang karamihan sa pinakadakilang personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas.


Dahil sa academic freedom, isa ang UP sa pinaka-kapita-pitagang unibersidad sa Asya. At kung tuluy-tuloy ang suporta rito ng gobyerno, posibleng umungos pa ito sa mga darating na panahon at henerasyon.


Ang kasunduang nilagdaan ng DND at ng UP, mahigit 30 taon na ang nakararaan ay naging epektibo sa pagpapatupad ng tungkulin ng ating mga awtoridad at hindi naging hadlang sa legal na pagsugpo sa krimen.


Anumang usapin o suliraning nakikita ng ating mga awtoridad sa kasunduan ay maaari namang pag-usapan ng kalmado at sa konstruktibong pamamaraan. Hindi kinakailangang daanin sa biglaang abrogasyon.


Kahit anumang legal agreement o kasunduang sumailalim sa batas, nangangailangang dumaan sa konsultasyon kung ito ay nais nating amendahan o baklasin nang tuluyan.


Dahil dito, tayo ay nakikiusap sa kagagalang-galang na tanggapan ng DND, partikular sa ating magiting na Kalihim ng Tanggulang Pambansa Delfin Lorenzana, na kung maaari ay bawiin ang abrogasyon at piliin munang makipag-usap nang masinsinan sa mga opisyal ng UP upang maresolba ang anumang mga hindi pagkakaintindihan.


Kung ang hangad ng DND ay seguridad at kapayapaan para sa lahat, walang duda na ito rin ang nilalayon ng Unibersidad ng Pilipinas. Kaya’t mas makabubuting maglaan ng panahon ang dalawang panig, upang makapag-usap at mailagay sa ayos ang anumang sigalot.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page