top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 01, 2021



Mula nang tayo ay maihalal bilang public servant (kongresman at ngayon ay senador), madalas na tayong maimbitahang magtalumpati sa mga graduation ceremonies. Pero ang karanasan natin nitong Miyerkules ng madaling-araw (alas-3: 00 ng umaga) ay malaking karangalan sa ating bahagi. Ang inyong lingkod ay naimbitang magtalumpati sa harap ng mga magtatapos na estudyante ng Public Policy Program ng prestihiyosong Stanford University.


Sa talumpati nating ‘yan, tinalakay natin ang lagay ng ating ekonomiya bago at sa kasalukuyang pandemya.


Sa totoo lang, malaki ang potensiyal ng Pilipinas na makilala sa pandaigdigang merkado dahil sa iba’t ibang produkto na ating ini-export. Malaki ang pag-asa nating makasabay sa pag-unlad kung todo ang pokus natin sa iba’t ibang resources.


Dati, kilala lang tayo bilang agricultural country at puro produktong agrikultura lang ang ini-export. Pero pagkalipas ng anim na dekada, nalagyan natin ng ibang kulay ang imahe ng Pilipinas pagdating sa product exportation. Ngayon, exporter na rin tayo ng iba’t ibang produkto, partikular ng electronics. ‘Yan ang tinatawag na economic complexity.


Noong 2008, pang-45 ang Pilipinas sa Economic Complexity Index o ECI. Pero noong 2018, nakatutuwang tumalon tayo sa ika-35 puwesto. Ang ECI ay bahagi ng Atlas of Economic Complexity nina G. Ricardo Hausmann ng Harvard University at G. Cesar Hidalgo ng MIT. Ito ang naglalahad sa productive capabilities ng isang bansa base sa mga produktong kanilang ini-export.


Ayon sa kanila, ang mga bansang may complex products, tulad ng Pilipinas ay may mas malaking tsansa at mas mabilis na umunlad kumpara sa mga bansang may limitadong products for export. Mas mabilis pa nga raw ang mga ito kaysa sa mayayamang bansa na nakadepende lang sa natural resources nila tulad ng langis.


Sa kasalukuyan, pang-35 tayo sa ECI na hindi naman masasabing mababa dahil base riyan, pang-apat tayo sa ASEAN. Sa kasalukuyan, nasa ika-5 puwesto ang Singapore sa ECI, ang Thailand ay pang-22 at ang Malaysia, 26th. Mas nangunguna pa tayo sa mga bansang tulad ng Canada na pang-39, India na pang-42nd at New Zealand na nasa 54th place. Kinikilala na tayo ngayon bilang regional leader. At iisa lang ang ibig sabihin niyan — marami tayong nagagawang tama at kabilib-bilib.


Pero ang medyo nakalulungkot lang, kahit maganda ang estado natin sa ECI, marami pa ring balakid sa tuluyang pag-unlad natin. Pinakamalaking hamon ang human resources natin. Sa totoo lang, pinakamalaking bahagi pa rin ng export natin ang pag-export natin ng workers. Ibang bansa ang nakikinabang sa mga talent natin.


Mas pinipili nila ang mag-abroad for greener pasture ‘ika nga. At isa sa mga nakikita nating solusyon sa exodus of Pinoy workers, ang isinusulong nating Tatak Pinoy initiative.


Sa pamamagitan niyan, marami ang matutulungang lokal na industriya at professionals na pawang globally competitive.


At isa rin sa mga dapat linangin sa bansa, ang ating basic education, partikular sa science, technology, engineering at math. Pinakamahalagang pundasyon yan para matiyak ang tagumpay ng mga mag-aaral para sa kanilang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 24, 2021



Patok ngayon sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga community pantry. Unang sumulpot sa sikat na sikat ngayong Maginhawa Street sa Quezon City, duplikado na ito ngayon sa maraming lugar sa Metro Manila at sa mga lalawigan.


Napakaganda ng hangaring ito ng mga orihinal na nakaisip. Isang pagsaludo ang ibinibigay ng inyong lingkod.


Sa panahong ito na marami ang nawalan ng trabaho, mas dumami ang mga walang makain, napakalaking tulong ng mga community pantry na kusang-loob na nagbibigay ng makakain sa ating mga kababayang nagdurusa sa epekto ng pandemya.


Kaya’t tayo’y nalulungkot na sa kabila ng magandang adhikain na ito ng mga kababayan nating may busilak na puso ay minamasama pa ng ilang sektor. Dapat na suportahan para sa kapakanan ng ating mga kababayan, nilalagyan pa nila ng kulay. Huwag naman tayong ganun. Dapat pa nga ay makiisa tayo. Kung tutuusin, maliit na tulong lang ito na ayaw na ngang suportahan ng iba, kinukutya at sinisiraan pa. Kung anu-anong ang ibinabatong akusasyon.


Kaya nga tayo nilikha na may puso, para gamitin sa pagmamahal sa kapwa, hindi para mangutya at manira.


At sa ating palagay, ang magandang layunin ng pagtatayo ng mga community pantry ay mas lalakas at mapapalawak pa kung suportado ito ng gobyerno at ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, gayundin ng mga negosyante.


Marami tayong natatanggap na reklamo mula sa ating mga kababayan. Wala raw silang natatanggap na ayuda mula pa noong una. Kung anumang dahilan ng mga kinauukulan, hindi natin tiyak. Pero ang sigurado, kung makatutulong sila sa proyektong ito ng mga kababayan natin, mas lalawak pa ang aabutan ng tulong.


Kung tutuusin, maliit na bagay ‘yung mamahagi tayo ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles sa isang tao o pamilya o sa sinumang kabarangay o kapitbahay natin, lalo na kung tayo ay mas nakaaangat sa kanila sa panahong ito. Napakarami na nang naghihirap dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay. Ang maliit na bagay para sa ating mas nakakaangat ay malaking tulong para sa mga nagugutom nating kababayan natin.


Kaya’t uulitin lang natin — mas malaking tulong pa ang maaaring maipahatid sa mga Pilipinong naghihirap ngayon, kung susuportahan ng gobyerno at ng business sector ang bayanihang ito sa mga community pantry.


Partikular na makatutulong sa community pantries ang mga negosyante ng pagkain o ang ating mga food manufacturers. Kahit paunti-unting tulong lang na maiaabot ninyo ay marami nang makikinabang. Maaari ninyong sadyain ang community pantries sa mga lugar kung saan naroon ang pinakamahihirap nating mga kababayan.


At pakiusap muli sa ilang sektor, kung ayaw ninyong tumulong, iwasan na lang ninyong tumuligsa sa magandang layunin at hangarin ng community pantries.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 17, 2021



Karamihan sa ating mga kababayang piniling magtrabaho sa abroad ay dahil sa kagustuhang kumita nang mas malaki at makatiyak na maitataguyod ang kani-kanilang pamilya sa bansa.


Pero sa survey kamakailan ng Decoding Global Talent ng JobStreet, lumalabas na patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga Pinoy na nagnanais pang magtrabaho sa abroad.


Maging sa bilang ng mga Pinoy na nais mag-migrate sa ibang bansa, bumaba rin sa 54 porsiyento mula sa 75 porsiyento noong 2018.


Mababatid na nitong mga huling buwan ng 2020 at nitong mga unang bahagi ng 2021, marami sa mga OFWs ang nagbalik-bansa. At ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), umaabot ang bilang ng returning OFWs sa 520,000 matapos silang mawalan ng trabaho dulot ng pandemya ng COVID-19.


Ang pangyayaring ito, idagdag pa ang tumataas na bilang ng mga Pinoy na ayaw magtrabaho sa abroad ang nagpaigting sa pangangailangan ng job creation sa bansa. Pero, paano ito masosolusyunan kung patuloy tayong hinahagupit ng pandemya?


Patuloy ang ang pagtaas ng COVID cases sa Pilipinas at inaasahang patuloy pang tataas sa mga darating na araw.


Kamakailan, sumailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine ang buong NCR, gayundin ang mga kalapit lugar nito tulad ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.


Sa kasalukuyan, ibinaba ang quarantine status sa MECQ sa mga nabanggit nalugar.


Aminin man natin o hindi, ang mga hakbang na ito ang nagpapalala sa unemployment at underemployment sa bansa. Pero ginawa ito upang mapabagal ang pagdami ng COVID cases na sana ay maging epektibo.


Wala mang malinaw na paraan upang maresolba ang lumulobong unemployment, may pag-asa tayong nakikita sa digital workforce o digitally-enabled remote work.


Sa panibagong survey ng JobStreet, lumalabas na 49 porsiyento ng tinatayang 15,000 Filipino responsdents ang nagsabing pabor sila sa remote work sa ilalim ng mga dayuhang employer. Kabilang sa kanilang preferences ang Australia, Canada at ang Estados Unidos.


Hindi masasabing baguhan lang ang ideyang ito sa mga Pilipino dahil mula nang mag-lockdown noong nakaraang taon, marami sa ating mga kababayan ang nag-work-from-home o (WFH).


Sa kasalukuyan, tinatayang 12,000 remote work listings mayroon sa JobSteet na bukas sa mga naghahanap ng remote work o work-from-home.


Maraming bentahe ang remote work tulad ng flexibility o ang malayang oras sa pagtratrabaho. Ibig sabihin, kahit nasaang panig ang empleyado, maaari niyang magawa ang kanyang trabaho basta konektado lamang sa internet.


Pero sa lahat naman ng bagay, may makikita tayong challenges — at ‘yan nga ay ang irregular na koneksiyon natin sa internet. Talagang ‘yan ang pinakamalaking problema sa Pilipinas hanggang ngayon.


Kahit saang anggulo tayo tumingin, wala tayong nakikitang katiyakan. Pero ang sigurado, dapat tayong mahulma sa digital workforce. Dahilan kung bakit sa unang bahagi ng taong ito, sa pamamagitan ng ating suhestiyon, nagkaroon ng online Work Remote Conference ang eCommerce Office ng DTI at ang Work Remote and Microsoft upang maiparating ang ating ideya sa remote work sa mga professionals at business owners sa bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page