top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 18, 2021



Simula na naman ng masinsinang trabaho ng dalawang sangay ng Kongreso dahil kailangan na naman nating magpasa ng National Budget para sa susunod na taon. Ibig sabihin, dito muna sa usaping ito tututok ang mga mambabatas dahil kritikal ang isyu sa pambansang pondo.


Napakahirap ng kakaharapin nating pagdedebate para sa 2021 General Appropriations Act, hindi lamang dahil sa mga masalimuot na usapin kundi dahil hanggang ngayon ay lubog sa krisis ang bansa dulot ng pandemya.


Alam naman siguro nating lahat na nakapasok na sa bansa ang iba’t ibang uri ng COVID-19 at pinakamatindi sa mga ito ang Delta variant. At kung mapapansin natin, napakabilis ng mga pangyayari. Pati ang pangangailangan ng ating frontliners, mas matindi na ngayon dahil nga sa hindi makontrol na pagtaas ng mga kaso ng COVID sa kasalukuyan.


Walang binatbat ang takot natin noong nagsisimula pa lang ang COVID sa takot natin ngayon. 'Yung bilang ng mga kaso, parang kada araw, doble-triple ang dumaragdag. Kaya kung anuman ang nilalaman ng budget proposal ng Ehekutibo sa pamamagitan ng Department of Budget and Management, dapat “swak” sa bilis ng pabagu-bagong estado ng COVID sa bansa.


Base sa ating Konstitusyon, inaatasan ang Pangulo ng bansa na magsumite sa Kongreso ng kanyang proposed National Budget sa loob ng 30-araw. Magsisimula ang palugit na ito mula sa pagbubukas ng regular na sesyon o kaya ay sa ikatlo o ikaapat na linggo ng Agosto taun-taon.


At dahil d'yan, inaatasan din ang mga ahensiya ng gobyerno na magsumite ng kani-kanilang budget proposal sa pagsisimula pa lang ng taon para mabigyan din ng malawak na pagkakataon ang DBM na ihanda ang sandamakmak na dokumentong ito na ipadadala nila sa Kongreso para sa kaukulang pagbusisi. Ang budget proposals ay kailangang makarating sa Kongreso sa ikaapat na Lunes ng buwan ng Hulyo kada taon. Ganun ang nakagisnang sistema na nabago dahil sa pandemya.


Kaya ang suhestiyon natin ngayon, bigyan ng pagkakataon ang mga government agency na pag-aralan nang mabuti ang kanilang panukalang budget at hayaang isailalim sa rebisyon kung kinakailangan.


Noong nakaraang linggo, sa budget briefing ng DBCC o Development Budget Coordinating Committee kaugnay sa P5.024 trilyong national budget for 2022, nabigo tayong makita ang mga kritikal na probisyon na sasagot sa krisis. Kasama sa mga hinahanap nating probisyon ang pagbabakuna sa mga bata, ang SRA o special risk allowance para sa ating health workers, cash aid o ayuda, pagpapautang sa micro, small at medium enterprises, pondo para sa testing at contact tracing.


Sa paliwanag ng DBM kaya wala raw ang probisyon para sa vaccination of children, dahil ang partikular na pinondohan sa 2022 NEP ay ang pagbili ng booster shots para sa mga bakunadong indibiduwal na nagkakahalaga ng P45B. Hindi napondohan ang bakuna para sa mga batang 12-17 taong gulang dahil inamendahan ng FDA ang emergency use authorization ng Pfizer-BioNTech nitong Hunyo.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 11, 2021



Nitong nakaraang linggo, muling tinalakay sa Senado ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers. Sa tinagal-tagal na panahon na pagkakabimbin ng panukalang ito sa Mataas na Kapulungan, umaasa tayong sa pagkakataong ito, papasa ito para sa kapakanan ng mga marino.


Ang ating naunang panukalang-batas, ang Senate Bill 135 na isinama sa iba pang panukala na may katulad na bersiyon, nabuo ang Senate Bill 2369 na ang pangunahing layunin ay protektahan ang karapatan ng mga Pinoy seafarers.


Sa totoo lang, ilang ulit na isinulong ang panukalang ito, pero ilang ulit din natengga. Taon na ang binilang mula nang unang isumite ito sa Senado. Panahon na para bigyan ng kaukulang pangangalaga ang Filipino seafarers na hindi biro ang nagawang kontribusyon sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.


Napapaloob sa panukalang ito ang iba’t ibang karapatan ng marino, tulad ng right to just terms and conditions of work o karapatan nila sa kanilang trabaho; right to self-organization; karapatang makalahok sa collective bargaining at makasali sa democratic exercises; karapatan sa education advancement and training sa abot-kayang halaga; right against discrimination at karapatang mapangalagaan sa lahat ng uri ng pang-aalipusta at bullying.


Pinagkakalooban din sila sa ilalim ng ating panukala ng iba’t ibang compulsory benefits tulad ng disenteng matutuluyan, sanitation, recreation o libangan at food facilities.

Napakahalagang sektor ang mga seafarer kaya’t dapat lang naman na bigyan din sila ng pagpapahalaga at kaukulang benepisyo.


◘◘◘


NANG imbitahan natin sa Senado nitong nakaraang linggo, ang ating magigiting na Olympians na nag-uwi ng mga medalya sa bansa mula sa ginanap na Tokyo Olympics, sila ay ginawaran ng prestihiyosong parangal — ang Senate Medal of Excellence bilang pagkilala sa kanilang pinagpagurang tagumpay.


Kasama sa mga pinarangalan sina Hidilyn Diaz na nagwagi ng gold medal sa Tokyo Olympics sa weightlifting, women’s 55-kg; ang silver medalists na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam na kapwa nagwagi sa boxing women’s featherweight at men’s lightweight, ayon sa pagkakasunod.


Kinilala rin ng Senado ang naging solidong suporta ni Philippine Olympic Committee President at Cavite Rep. Bambol Tolentino sa ating mga atleta na sumiguro sa kanilang maayos na pagsasanay bago sumabak sa olimpiyada.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 04, 2021



Nitong nakaraang linggo, kung saan ilang araw na iginiling ng Senate Blue Ribbon Committee ang Department of Health, ilang mahahalagang isyu ang ating piniga para makakuha ng tamang kasagutan mula sa DOH.


Pero sa totoo lang, walang direktang kasagutan, lalo na ang pagkompronta natin sa kanila patungkol sa mga usapin hinggil sa mga health workers.


Masakit sabihin, pero para lang tayong lalong nangapa sa dilim.


Kasama sa itinanong natin kay Health Sec. Duque ang tungkol sa underspending ng DOH sa pondo nilang P24-B, na inaprubahan ng Senado sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2, at ang mga nakatengga pa ring benepisyo. Anu-ano’ng benepisyo ba ‘to? Kasama riyan ang special risk allowance, na malinaw na nakasaad sa Bayanihan laws; and’yan din ang hazard allowance na iminamandato naman ng Magna Carta for Public health Workers. Hindi na nga kalakihan ang benefits, binibitin-bitin pa.


Tungkol sa underspent na P24-B, nalaman natin na P6-B d’yan ang unutilized. At sa P6-B na ‘yan, P1-B ang kanilang ibinalik sa national treasury. Ang nasabing P1-B ay nakalaan sana sa pagpapatupad ng HRH (human resource for health) program ng DOH, o iyong pag-hire ng mga karagdagang medical personnel na ide-deploy sa mga lugar na kailangang-kailangan ang kanilang serbisyo.


Sa paghimay natin sa contractualization at regularization issues sa loob ng DOH na isa talaga sa mga inirereklamo ng ating nurses, nalaman nating sa kasalukuyan, meron silang kabuuang 80, 308 positions. At sa bilang na ‘yan, mahigit 13,000 positions ang unfilled o bakante. Bakit hindi nila gawan ng paraan na mapunuan agad? Nasa pandemya tayo, ‘di ba?


Pero ang malaking problema rin at inirereklamo ng mga nurse ng DOH, bakit kailangang contractual ang posisyon nila at salary grade 11 lang ang estado ng buwanang suweldo? Sablay na nga sa benefits, sablay pa sa tamang pasuweldo?


Kung pagbabasehan natin ang nilalaman ng Nursing Act of 2002, sinasabi roon na kailangang nasa salary grade 15 ang entry level ng nurses o katumbas ng P33, 000 na sahod kada buwan. Hindi contractual — dapat, regular. ‘Yan ang isa sa kanilang mga inirereklamo. Bakit sila contractual? Malinaw na paglabag sa batas ‘yan. At bakit may 13, 700 contractuals ang DOH?


Nang komprontahin natin si Health Sec. Duque tungkol d’yan, ang sagot niya, kaya hindi agaran ang regularisasyon o ang pagpupuno sa plantilla positions, dahil may qualification standards na nakasaad sa rules and regulations ng Civil Service Act. Eh, kung ang sinabi niyang ‘yan ang ating pagbabasehan, ibig sabihin, malabo talaga ang regularisasyon sa kanilang hanay.


Sa hearing, nangako ang DOH na matatanggap ng health workers ang mga nakatenggang benepisyo. Sana ay hindi lang lip service ‘yan. Unti-unti na tayong iniiwan ng health professionals at ‘wag na nating hintaying maubos sila dahil sa kawalan ng pag-asa sa gobyerno.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page