top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 11, 2024




Agarang Solusyon ni Sonny Angara

 

‘Pag sinabing Pulitzer Prizes, matinding award ‘yan – isa sa mga pinakabigatin kung hindi man pinakabigatin sa lahat sa larangan ng journalism, books, drama o music. 


Iba ang lebel, ika nga ‘pag ang isang tao ay naparangalan nito, at dapat natin ipagmalaki kung ang mga ito ay Pilipino. Nasabi natin ito dahil nitong taon lang, tatlong Pinay ang kabilang sa finalists ng Pulitzer for journalism: si Hannah Reyes Morales na isang contributor ng New York Times sa feature photography ng pahayagan; sina Ren Galeno at Nicole Dungca ng Washington Post para sa kanilang illustrated reporting and commentary.


Sa pamamagitan ng kolum nating ito, nais nating ipaabot sa magigiting na Pilipinang ito ang taos-puso nating pagbati hindi lamang sa kanilang karangalang ibinigay sa kani-kanilang pahayagan kundi maging sa karangalang hatid nila sa buong Pilipinas.


Si Bb. Morales ay nagtapos ng kanyang bachelor’s degree in Speech Communication sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang Cum Laude. Ang pagkilala ng Pulitzer kay Morales ay para sa kanyang mga larawang nagdokumento sa tinatawag na “youthquake” sa Africa, kung saan, sinasabing sa taong 2050, ang kontinenteng ito ang kakatawan sa ¼ porsyento ng kabuuang populasyon sa buong mundo. At sa one-quarter part na ito, one-third nito ay pawang African youths.


Si Galeno ay produkto rin ng UP na may degree sa Fine Arts at nagtapos bilang Magna Cum Laude. Kasama nina Dungca na isang Fil-Am investigative reporter at presidente ng Asian American Journalists Association at Claire Healy, pinarangalan sila ng Pulitzer bilang finalists sa kanilang pulido at sensitibong paggamit ng comic form, at dito ay ipinakita nila ang naging kaawa-awang kalagayan ng isang grupo ng mga Pilipino sa 1904 World’s Fair sa St. Louis kung saan, ang ilan sa mga Pilipinong ito ay namatay.


Bagaman nagmula sa mga prominenteng news organizations ang mga nabanggit na Pulitzer finalists, ikinokonsidera pa rin silang kabilang sa creative sector. Sa deklarasyon ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), kabilang sa naturang sektor ang advertising, architecture, arts and crafts, design, fashion, film, video, photography, music, performing arts, publishing, research & development, software, computer games, electronic publishing, and TV/radio.


Nakikiayon tayo sa sinabi ng UNCTAD na walang katapusan ang konsepto ng creative industry dahil tuluy-tuloy ang paglawak nito. Ito ang dahilan kung bakit ang naturang sektor at ang mga taong nagpapagalaw nito ay masasabi nating ‘unique’. Sila ang mga taong nagpapatingkad sa creativity and dynamism at malaking tulong sa pagpapalusog sa ekonomiya ng isang bansa.


Sa kasalukuyan, patuloy nating isinusulong ang growth and development ng creative sector at katunayan, naghain tayo ng isang panukala na paulit-ulit nating nire-refile dahil umaasa tayong maipapasa ito. Ngayong 19th Congress, muli natin itong inihain sa pamamagitan ng Senate Bill 325 na naglalayong magkaloob ng cash incentives sa mga miyembro ng creative sector na magwawagi sa international competitions, festivals at iba pang mga aktibidad.


Kabilang sa mga dapat pagkalooban ng cash incentives, ayon sa ating panukala, ang mga filmmakers, film production entities, literary writers, artists and performers sa creative sector na tumanggap ng parangal sa mga prestihiyosong kompetisyon sa ibayong dagat.  


Nu’ng ihain natin ang panukalang batas na ito, ilang Filipino artists na ang nakatanggap ng international awards tulad nina John Arcilla na nagwagi ng Coppi Volpi matapos parangalang best actor sa 78th Venice Film Festival; director Diane Paragas para sa kanyang pelikulang Yellow Rose na nagwagi bilang 2019 Reel Asian Best Feature Film sa Toronto International Film Festival; ang mga mang-aawit na sina Marlon Macabaya at Denise Melanie Du Lagrosa na nagwagi bilang first at second place (respectively) sa Stars of Albion Grand Prix 2019 sa London; at ang 7-anyos na pintor na si Worth Lodriga (14-anyos na sa kasalukuyan) na nagwaging first place sa 2017 Student Mars Art Center sa Estados Unidos.  


Ang mga natatanggap na international awards ng mga kababayan natin sa creative sector ay hindi lang nila personal na karangalan kundi karangalan din ng buong Pilipinas. Kaya patuloy nating isusulong na maisabatas ang ating panukala upang maipakita naman natin kahit sa ganitong paraan ang pagpapahalaga sa kanilang mga tagumpay.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 4, 2024




Agarang Solusyon ni Sonny Angara

 

Magandang balita ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). 

Nito kasing Enero 2024, naitala ng ahensya ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o unemployed. 


Ayon sa datos, bumaba sa 2.15 milyon ang unemployed Filipinos mula sa dating bilang na 2.38 milyon noong Enero 2023. Napakagaan sa loob na mabasa ang ganito, dahil ibig sabihin, lumulusog talaga ang ating ekonomiya. Lumalakas ang mga negosyo dahil nagkaroon sila ng kakayahang mag-hire ng mga dagdag na manggagawa. 


Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), tumaas din ng 5 porsyento ang bilang ng mga negosyo sa bansa, base na rin sa business names na pumasok sa kanilang talaan. Karamihan sa mga ito, ayon sa ahensya ay maliliit na negosyo tulad ng mga community-based entrepreneurs. 


Sa IT-BPO sector naman, lumalabas na lumalaki rin ang pangangailangan nila ng magagamit na tanggapan dito sa bansa. Ibig sabihin, patuloy din ang kanilang paglakas, at nangangahulugan ito na mas maraming trabaho na ang magiging available sa mga Pinoy. Sa kabila nito, hindi pa rin masasabi na magiging madali para sa mga kababayan natin ang makakuha ng trabaho. Nasusuong pa rin sila sa iba’t ibang hamon ng buhay.


Hindi kasi easy-easy lang ang humanap ng trabahong maganda ang pasuweldo o ‘yung tiyak na makakasapat sa isang tao o sa kanyang pamilya. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin nabubura ang kontraktuwalisasyon sa bansa.


Maging ang magandang kondisyon sa pinapasukan ng ating mga kababayan o ang kanilang mga pinagdaraanan sa pagpasok sa trabaho ay itinuturing ding very challenging lalo na sa ganitong matinding tag-init na nararanasan natin. Hindi man natin magawa ang lahat ng puwedeng gawin upang maresolba ang mga isyung tulad nito, puwede naman siguro tayong makabuo ng mga hakbang na mas makagagaan sa kanilang mga pinagdaraanang hirap makaalpas lamang sa pang-araw-araw na buhay. 


Sa loob ng 20 taon natin bilang lingkod-bayan (9 na taon bilang kongresista at 11 taon bilang senador), ito ang nangunguna sa ating mga adbokasiya – ang mapagaan ang buhay ng mga manggagawang Pinoy. 


Kung inyong mamarapatin, narito ang ilan sa malalaki at mahahalagang batas na ating naipasa para sa Filipino workers: Ang Republic Act 9710 na isinabatas noong 2009, o ang Magna Carta of Women na ang pangunahing layunin ay resolbahin at tutukan ang mga pangangailangan ng kababaihan partikular ang mga nasa laylayan. 


Pinagtibay ng batas na ito ang pagpapalakas sa karapatan ng kababaihan sa lahat ng aspeto tulad ng pamilya, komunidad at lipunan. Makalipas naman ang halos isang dekada, naisabatas din ang ating isinulong na 105-Day Expanded Maternity Leave Law o ang RA 11210. Nagbibigay ito ng mas mahabang panahon sa isang ina na kapapanganak pa lamang, upang mabigyan ng angkop na atensyon at nutrisyon ang kanyang bagong silang na sanggol. Mahaba-habang panahon din ito para makabawi ng kalusugan ang ina. 


Ang RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law na naging daan upang mapababa ang income tax rates o binabayarang buwis ng salaried workers. Dahil dito, mas lumaki ang kanilang take-home pay. 


Ang Republic Act 10801 na nagpalakas sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at nagbigay sa kanila ng mandato na tulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) na dumaranas ng iba’t ibang problema sa kanilang pinapasukang trabaho sa ibayong dagat. Ito rin ang batas na nag-aatas sa OWWA na tulungan ang OFWs na ma-reintegrate sa ating lipunan matapos ang sapilitang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas. 


Para naman sa mga kabataang nangangailangan ng trabaho, nariyan ang ating R.A. 10869 o ang JobStart Philippines Act. Ito ang maghuhulma sa employability ng mga Pilipinong may edad 18 hanggang 24 sa pamamagitan ng training, internship kung saan tatanggap din sila ng allowance at full-cycle employment facilitation services. Ito ring batas na ito ang nagpalawak sa kapasidad ng Public Employment Services Offices (PESOs) na nagsisilbing frontline for employment and services ng gobyerno. 


Nariyan din ang RA 10917, ang Expanded Special Program for the Employment of Students (SPES) na nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa ating mga out-of-school youth, gayundin sa mga dependent ng mga manggagawang bigla na lamang nawalan ng trabaho para matulungan naman silang makabangon. 


Ang R.A. 10361, Batas Kasambahay Act na sisigurong hindi mapababayaan ang kapakanan ng ating mga kasambahay. Isinasaad sa batas ang kaukulang benepisyo at social protection para sa kanila. Sa ilalim ng batas, itinaas ang kanilang buwanang suweldo, kailangan din silang maipasok sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig Fund. Isinasaad din dito na araw-araw ay kailangang mayroon silang rest period o pahinga. 


Ang RA 11965 (Caregivers Welfare Act) na gumagarantiya sa mga benepisyo at sumisiguro sa karapatan ng mga caregiver. Ito ring batas na ito ang nagsisilbi nilang kalasag laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso ng kanilang mga employer. 


Ang RA 11962 (Trabaho Para sa Bayan Act) na katuwang ng mga Pilipino para sa kanilang upskilling and reskilling upang mas maging employable kahit sa mga trabahong hindi nila nakasanayang gawin. Ibig sabihin, ito ang batas na nagbibigay sa Filipino workers ng mas malaking oportunidad na magkatrabaho. 


Ilan lamang ang mga batas na ito sa isinulong at naisabatas natin sa loob ng napakaraming taon natin sa larangan ng lehislasyon. Marami pa ang mga dapat gawin sa mga susunod na panahon para masigurong walang Pinoy ang maiiwan sa laylayan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 28, 2024




Agarang Solusyon ni Sonny Angara

 

Sa loob ng napakaraming taon hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang ginagawang reporma sa internal processes ng gobyerno upang matiyak na magiging kaakit-akit ang bansa sa aspetong pagnenegosyo.


Walang puknat ang paglikha natin ng mga batas at polisiya na sumusuporta sa mas pinahusay na internal processing. Kabilang dito ang pag-streamline sa mga pamamaraang may kinalaman sa kalakalan.


Kung susuriin natin, maganda naman ang layunin ng pamahalaan sa pagsusulong ng mga repormang ito, subalit kasabay ng pagsusumikap ng gobyerno na gawing mas mainam ang serbisyo, sumasabay din ang mga reklamo kaugnay sa pagpapatuloy ng bureaucratic red tape. Ito rin ang matagal ng reklamo ng mga mamumuhunan sa bansa – na anila’y pangunahin nilang problema sa pagnenegosyo.


Paano nga naman uusad ang pagsisimula ng negosyo kung sa pagkuha pa lang ng business permits ay gumugugol na sila nang napakahabang panahon?

Kamakailan, narinig natin ang pahayag ng German Ambassador to the Philippines na si Andreas Pfaffernoschke tungkol sa pahirap na red tape sa Philippine investments.


Ipinahayag ni G. Pfaffernoschke ang pakikisimpatya sa mga negosyante sa bansa na dumaranas ng hirap sa mga dinaraanang proseso sa pagkuha ng business permits. Ang nakakalungkot, ayon sa German ambassador, may bahid ng matinding korupsiyon ang usaping ito.


Sa nakaraang dalawang dekada, may nakita naman tayong improvements sa pakikibaka natin sa red tape. Nariyan ang pagpasa ng mga batas na tutuglisa rito: ang RA 9485 o ang Anti-Red Tape Act (ARTA) at ang RA 11032 o ang Ease of Doing Business (EODB) Act.


Kasama ang inyong lingkod sa mga mambabatas na naging author ng mga batas na ito na naglalayong pabilisin at maayos ang lahat ng government transactions.


Sa ilalim ng ARTA, ipinatupad sa gobyerno ang no-noon break policy o pagpapatuloy ng serbisyo kahit oras ng tanghalian; ipinatupad din ang no fixing activities; easy-to-read IDs or nameplates upang madali para sa isang indibidwal na kilalanin ang isang personnel na umaasikaso sa kanyang transaksyon; ang pagkakaroon ng public assistance at complaint desks, at ang pagpapatupad ng Citizen’s Charter  ng ARTA kung saan may frontline services na magtuturo ng step-by-step procedure para sa anumang transaksyon.


Ang EODB naman ang sisiguro sa “3-7-20” o ang pagkumpleto sa mga simpleng transaksyon sa loob ng tatlong araw lamang. Para naman sa mga highly technical documents and transactions, dapat ay makumpleto ang pagproseso ng ahensya sa loob lamang ng 20 araw.


Sa ilalim ng ating iniakdang batas, ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act, mas binibigyang-diin dito ang pagpapatupad ng anti-red tape o ang tuluyang pagbura rito sa sistema ng gobyerno, gayundin sa mga regional at provincial branches ng government agencies.


Isinasaad sa batas na ito ang pagtatalaga ng green lanes sa concerned offices para mas mapabilis at mapaigsi ang pagproseso sa mga dokumento at ang pagre-release ng permits. Magtatalaga rin ng export green lane facility sa mga kuwalipikadong exporters para mas mapaaga ang pagproseso sa clearances ng kanilang export requirements, tulad ng importasyon ng mahahalagang raw materials at capital equipment sa ilalim ng regulasyon ng Bureau of Customs and Drug Administration at iba pang regulatory authorities.


Ikinatutuwa natin ang dedikasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pagkompronta sa mga usapin na may kinalaman sa red tape. Sa katunayan, noong Pebrero 2023, ipinalabas ng Pangulo ang EO No. 18 na nanawagan sa pagtatalaga ng green lanes for strategic investments. At nitong April 18, 2024 lamang pinagtibay din  ng Pangulo ang Administrative Order No. 20 na nagtatalaga sa Department of Agriculture bilang ahensya na mangangasiwa sa mas maigsing pagproseso sa importasyon ng mga produktong agrikultural at pagtatanggal sa non-tariff barriers na sisiguro sa food security.


Hindi rito natatapos ang mga gagawin nating hakbang para matiyak na matutulungan natin ang mga mamumuhunan sa bansa. Marami pa tayong nakatakdang ipatupad sa tulong ng ating magagaling at masisipag na manggagawa, abundant resources at strategic location. Maraming naglalakihang kumpanya mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang makapagpapatunay na naging magaan sa kanila ang mamuhunan sa bansa dahil sa mga repormang ipinatupad ng pamahalaan sa kapakanan ng pagnenegosyo.


Ang dapat tutukan na lang natin ngayon ay kung paano pa natin mapararami at maaakit ang mga investor na mamuhunan sa bansa na posibleng mas maging madali kung tayo ay mas magiging competitive at kung mababawasan kung ‘di man tuluyang mabura ang mga problemang madalas kaharapin ng mga negosyante sa pagtatayo ng kanilang kalakalan sa Pilipinas.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page