top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 6, 2022


Isang malaking karangalan para sa inyong lingkod na maging ganap na batas ang tatlo sa ating mga panukala na nagsusulong sa kapakanan ng mga kabataan.


Ito ay matapos mag-lapse into law ang mga ito na ang isinulong bilang chairman ng Senate Committee on Youth. Ang mga ito ay pawang nakatuon sa pagpapalakas sa sektor ng kabataan na sa mga darating na panahon ay maaaring maging lider ng ating lipunan.


Kabilang sa mga naisabatas ang National Youth Day (RA 11913); National Music Competitions for Young Artists (RA 11915) na kapwa nag-lapse into law nitong July 30, 2022, habang ang Summer Youth Camp (RA 11910) ay nag-lapse into law noong July 28, 2022.


Sa ilalim ng RA 11913, isinasaad na tuwing ika-12 ng buwan ng Agosto taun-taon, ipagdiriwang ang National Youth Day, kasabay ng International Youth Day na idineklara naman ng United Nations sa parehong petsa.


Inaatasan, sa ilalim ng batas na ito, ang National Youth Commission, ang Department of Education, Commission on Higher Education at ang Technical Education and Skills Development Authority na ibilang sa talakayan sa pagdiriwang ng National Youth Day ang career paths, sustainable Development Goals, ang pangangalaga sa kalikasan, patas na pagtrato sa kasarian at pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.


Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, mahuhulma natin ang disiplina, talino, talento at leadership prowess ng kabataan. Maihahanda natin sila sa mas produktibong pamumuhay at bilang pinuno ng mga susunod na henerasyon.


Ang National Music Competitions for Young Artists (NAMCYA) naman na pinagtibay sa ilalim ng RA 11915 ay inaatasan ng batas na maging tulay para makadiskubre ng mgabagong music talents; pagpapalakas sa industriya ng musika; ang preservation, development and promotion ng musikang Pinoy bilang bahagi ng ating sining at pagpapatuloy ng iba’t ibang programang may kinalaman sa research, documentation at paglilimbag ng musikang Pilipino na ipalalaganap sa mga paaralan at sa publiko.


Ang ating panukalang nagsusulong ng Summer Youth Camp na ipinagtibay bilang Republic Act 11910 ay taunang isasagawa upang maibahagi sa kabataan ang pagpapahalaga sa responsibilidad, pagkamakabayan, pagsisilbi sa kapwa at kaalaman sa pamumuno.


Mangunguna sa pagsasagawa ng Summer Youth Camp ang Sangguniang Kabataan upang ma-monitor at ma-evaluate ang implementasyon nito sa kani-kanilang nasasakupan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 30, 2022


Kamakailan, pinangunahan ng ating tanggapan ang consultative meeting na nakatuon sa kapakanan ng micro, small and medium enterprises o MSMEs. May kinalaman ito sa ating isinusulong na adbokasiya — ang Tatak Pinoy.


Dinaluhan ang ating pagpupulong nina dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, MSME mentors at small business proprietors. Layunin nating sa pulong na mapag-isa ang mga rekomendasyon kung paanong makatutulong sa MSMEs ang Go Negosyo Act o ang Republic Act 10644 na halos 10 taon na mula nang maisabatas.


Napapanahon ang pagpupulong dahil isa ang MSMEs sa mga talaga namang pinadapa ng pandemya sa loob ng mahigit dalawang taon. Marami sa kanila, kung hindi man tuluyang nagtigil-operasyon ay nagbawas ng tao at ang iba, hirap na hirap kumita noong kasagsagan ng pandemya.


Pero, alam n’yo naman tayong mga Pinoy — tayo na yata ‘yung pinaka-kahulugan ng salitang “do or die” — laban kung laban kahit hirap na hirap. Hindi tayo sumusuko. Kaya itong MSMEs natin, kahit ramdam na nila ang pagkalugi o kawalang-kita, marami pa rin sa kanila ang nagpatuloy dahil sa kagustuhang makapagbigay-trabaho sa kapwa.


Malaki ang papel ng MSMEs sa pagpapalakas ng ekonomiya. Halos 100 porsyento ng mga negosyo rito, nakapagko-contribute ng 63 percent sa workforce ng bansa.


Sa pagpupulong, sinabi ni dating secretary Joey Concepcion na tatlong bagay ang mahalaga para mas mapalakas ang Go Negosyo Act — mentorship, pera at ang merkado. Bagaman masigla ngayon ang mentorship component sa iba’t ibang programa ng gobyerno sa loob ng maraming taon, mas may ilalakas pa ito kung mas bibigyang-pansin ang entrepreneurship sa mga school curriculum. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng kaukulang kaalaman ang mga mag-aaral tungkol sa benepisyo at kahalagahan ng pagnenegosyo.


Mahalaga ring manatiling bukas ang ekonomiya ngayon para mapanatili ang galaw ng mga negosyo dahil malaking tulong ito sa MSMEs para makabawi sila sa kanilang mga pagkalugi, makabayad sa mga utang at muling makapagsimula.


Naglabas din ng pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas na kailangang maisulong ang “bankability” ng mga MSME at partikular na binanggit ang Philippine Security Act. Sa ilalim ng batas na ito, mas magaan ang paraan ng pag-utang dahil papayagan ang pagtanggap sa mga movable assets, tulad ng inventories and crops bilang kolateral. Nagpahayag din ang Credit Information Corporation o CIC na matagal na nilang isinusulong ang “reputational collateral” at ang requirement na single loan application form para mas madali ang proseso ng pag-utang. At para mas mahulma ang reputasyon ng MSMEs o ang kanilang creditworthiness, kapwa sang-ayon ang BSP at CIC na kailangang sumailalim sa financial literacy sessions at debt advisory services ang MSMEs.


Ilan lamang ang mga ito sa mga naibahaging punto de vista ng ating mga nakasamang personalidad sa pulong na makatutulong ng malaki sa ating pagsisimula sa 19th Congress.


Maaari nating maisama ang mga ito sa Tatak Pinoy measures na ilang taon na rin nating pinalalakas. Umaasa tayong hindi lamang dito matatapos ang usapan, kundi maging pundasyon ito para mas maiangat natin ang katayuan ng ating micro entrepreneurs.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 23, 2022


Sa Lunes, July 25, gaganapin ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na posibleng personal na daluhan at saksihan ng mga imbitadong personalidad at mambabatas.


Maraming ekspektasyon sa kanyang magiging pahayag — ekspektasyon sa mga programang nakatakdang ipatupad ng kanyang liderato na sana’y makatulong nang malaki sa ating bansa at sa ating mga kababayan.


Isa sa mga problema sa kasalukuyan ay ang transportasyon. Kaya’t sana’y mailatag ng Pangulo sa kanyang SONA ang mga detalye kung paano ito reresolbahin ng kanyang pamunuan.


Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa natatapos ang malalaking proyektong pang-transportasyon na iniwan ng administrasyong Duterte, tulad ng MRT-7 kaya’t nananatiling hirap na hirap ang mga komyuter sa kanilang pang-araw-araw na pagbibiyahe. Posibleng lumala pa ang problemang ito, lalo na’t nalalapit na ang Nobyembre, kung saan ipatutupad ang face-to-face classes.


Nabanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang inauguration speech ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor. Isa ito sa ating mga inaasahang tatalakayin ng Punung-Ehekutibo sa kanyang pag-uulat sa bayan sapagkat magandahang hakbang ang pakikipag-partner ng gobyerno sa mga pribadong sektor.


◘◘◘


Putok na putok din ngayon ang binabalak na ‘rightsizing’ ng administrasyong Marcos sa mga ahensya ng gobyerno. Dahil dito, marami ang nag-aalala na madaragdagan ang mga magsasarang departamento at darami ang mga manggagawa sa gobyerno na mawawalan ng trabaho.


Pero ano nga ba talaga ang kahulugan nito?


Sa totoo lang, hindi ito direktang nangangahulugan ng sibakan sa gobyerno pero madalas, ganyan ang kapupuntahan. Puwede nating sabihin na dahil sa pulitika, minsa’y nagdodoble-doble ang mga tanggapan sa pamahalaan dahilan para maging bloated ang government agencies. Ang trabaho ng mga kawani, halos pare-pareho lang.


Sabi nga natin, maaari namang simulan ng administrasyong Marcos ang ‘rightsizing’ sa lalong madaling panahon at puwede nila itong umpisahan sa mga government-owned and-controlled corporations or GOCCs.


Matatandaan nating sa mga nagdaang panahon, mayroong 12 GOCCs ang na-abolish dahil sa kawalan ng kita at siyam na GOCCs naman ang ipinasara dahil sa overlapping functions.


Kung ito ang sa tingin ng gobyerno ay hindi magiging balakid sa pag-abante ng kabuhayan at tiyak na makatutulong, gawin nila ang mga nararapat na hakbang.


Wala mang batas na nag-aatas sa rightsizing, may kaukulang kapangyarihan ang Ehekutibo na magre-organize ng GOCCs, base sa isinasaad ng Governance Act of 2011 na iniakda ni dating senador Franklin Drilon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page