top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 15, 2022


Sa dami ng trahedya, sakuna at krisis na pinagdaraanan natin sa kasalukuyan, ang higit na tumatanggap ng matinding hagupit ay ang mga kababayan nating mahihirap. At kabilang sa kanila ang mga kaawa-awang nating katutubo o IPs. Kung malubhang dagok ang dinaranas natin sa mga sunud-sunod na problema, paano pa kaya sila?


Isang panukalang batas ang itinutulak natin ngayon sa Senado – ang Senate Bill 1167 o ang Resource Centers for Indigenous Peoples Act of 2022. Ano ba ang kahalagahan nito? Layunin nating makapagtayo ng indigenous cultural communities o IP resource centers para mas mailapit ng gobyerno ang serbisyo para sa kanila. Sa pamamagitan ng resource centers na ito, mas madali para sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP na tukuyin ang mga lugar na kinaroronan ng ating IPs at maipahatid ang mga pangangailangan nila at mabatid ang kanilang mga suliranin.


Sa ilalim ng ating panukala, ang resource centers ay may tatlong bahagi: ang Statistical Service Area, Human Development Index Service Area at ang Domains Management Service Area.


Itong Statistical Service Area ang tututok sa documentation at pagkilala sa indigenous cultural communities (ICCs) at IPs. Ang Human Development Index Service Area naman ang tutugon sa mga problema ng mga katutubo at magkakaloob sa kanila ng tulong at iba pang serbisyo. Ang Domains Management Service Area naman ang nakatalaga sa promosyon ng participatory programs, projects at iba’t ibang aktibidad para sa ating IPs.

Sa kasalukuyan, daan-daang IP groups sa bansa ang nananatili sa 14 million-17 million ICCs. Bagaman patuloy ang pagsusulong sa kanilang karapatan at kapakanan, nakalulungkot na hanggang sa kasalukuyan, nananatiling sila ang pinaka-napababayaan ng mga kinauukulan.


Sabi sa mga pag-aaral, 6% lang ang populasyon ng IPs sa buong mundo. Pero ang masakit, ganun man kaliit ang kanilang populasyon, sila naman ang bumubuo sa 20 porsyento ng pinakamahihirap na mamamayan sa buong globa.


Isinusulong natin ang ating panukalang pagkakaroon ng resource centers upang mas maging bukas sa pamayanan ang kinasasadlakan ng ating IPs. Kinakailangang magkaroon tayo ng public data tungkol sa ICCs o sa kanilang komunidad para mas maging madaling alamin ang kanilang sitwasyon, mas madali para sa gobyerno ang padalhan sila ng iba’t ibang tulong at mahahalagang serbisyo.


Sa mga panahong ito na hindi pa rin tayo nakaaalpas sa mga krisis, tulad ng pandemya at pangkabuhayan, napaka-importante na wala tayong naiiwang kababayan na napaaabutan ng tulong.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 15, 2022


Sa kasagsagan ng pandaigdigang pandemya na dulot ng COVID-19, ipinatupad ng iba't ibang gobyerno ang malawakang imposisyon ng lockdown. Dahil dito, nagpatupad din sila ng iba't ibang paraan para masuportahan ang sistemang work-from-home.


Sa katunayan, noong June 2020, nagkaloob ng tax incentives para sa mga kompanyang nagpatupad ng flexible work arrangements o FWAs ang pamahalaan ng Malaysia bilang bahagi ng kanilang National Economic Recovery Plan.


Ang maganda pa, double-deductions ang ipinagkaloob sa mga FWAs upang mapagaan ang gastusin ng mga kompanya sa kani-kanilang software subscriptions, capacity development, at consultation fees. Exempted naman sa individual income tax ang matatanggap na mobile phones, tablets o notebooks ng mga manggagawa mula sa kanilang employers upang makabawas din sa kanilang expenses.


Sa Singapore naman, nang ipatupad ang kanilang circuit breaker lockdown, ginawa nilang mas madali ang pakikipag-ugnayan ng mga negosyo sa Ministry of Manpower para sa Work Life Grants. Ito ay para sa mga negosyong nagpatupad ng FWAs tulad ng flexi-load, flexi-place at flexi-time.


Sa ilalim ng Work-Life Grant scheme, ang mga kompanya ay maaaring makatanggap nang higit sa dalawang taon na FWA incentive o halagang aabot sa SG$70,000. Maaari rin ang job-sharing incentive para sa professional, managerial, executive or technical (PMET) employees na nagkakahalaga nang hanggang SG$35,000.


Noong May 2021, nag-alok ng subsidiyang mahigit sa US$7,000 ang Tokyo government sa mga Japanese companies na nagpatupad ng work from home system sa tinatayang 70 porsyento ng kanilang empleyado, partikular kung ang sistemang ito ay isinasagawa ng tatlong beses sa isang linggo sa loob ng tatlong buwan. Nilalayon ng subsidiyang ito na makabawi ang mga kompanya sa mga nagastos nila sa software at sa equipment na ginamit nila sa telecommuting sa kasagsagan ng pandemya at lockdowns.


Ipinatupad din ang ganitong sistema sa mga bansang UK, Canada, India at marami pang ibang bansa sa iba't ibang panig ng globa, upang mahikayat ang mamamayan na manatili muna sa kani-kanilang tahanan habang nasa kasagsagan ang pandemya. Gayunman, may mga pamahalaan na ginawang batayan ang lumalaganap na WFH arrangements upang pabalikin ang mamamayan sa kani-kanilang komunidad. Sa Vermont, USA, halimbawa, sinamantala nila ang pagdagsa ng tao sa kanilang lugar mula sa malalaking siyudad ng US upang muli nilang buhayin ang Work Relocation Grant program na kanilang pinasimulan noong 2018. Bago nagkaroon ng pandemya, ang mga lumilipat sa Vermont ay incentivised ng US$7,500 upang ma-reimburse ang halagang nagamit nila sa paglilipat-lugar. Bago pa sumapit ang pandemya, iilan lamang ang mga bansang nagpapatupad ng programang tulad ng isinasagawa ng Vermont.


Subalit sa kasalukuyan, ayon sa datos ng MakeMyMove, halos 70 porsyento ng iba't ibang komunidad sa Estados Unidos ang nagpatupad ng incentives para sa mamamayang nagre-relocate sa layuning mapalakas ang kanilang lokal na ekonomiya.


Dito sa ASEAN, nangunguna ang Indonesia sa pagpapatupad ng sistemang nabanggit para mapalakas ang kanilang turismo. Lahat ng mga pagbabagong ito ay dahil sa pag-usbong ng new normal, dulot ng pandemya. Kamakaila'y pinagpasyahan ng Fiscal Incentives Review Board o FIRB na payagan ang mga IT-BPO companies na nasasakop ng economic zones na manatili sa sistemang WFH habang nakikinabang pa rin sa tax incentives na ipinagkakaloob sa kanila. Ang natatangi nilang gawin ay ilipat ang kanilang registration sa Board of Investments o BOI mula sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).


Napakalaking tulong ng desisyong ito ng FIRB sa IT-BPO workers upang maibsan ang kanilang mga pag-aalala dahil sila ang isa sa mga sektor na dumanas nang matinding dagok ng pandemya.


Bagaman, hindi applicable ang WFH sa lahat ng kompanya, masasabi namang maganda ang naidulot nito sa maraming korporasyon dahil sa flexibility. Malaki rin ang naitulong ng ganitong proseso sa magagagaling at talentadong manggagawa na kahit nasa bahay lamang ay nananatiling kumikita ng mataas at nakatutulong pa rin nang malaki sa takbo ng ekonomiya.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 8, 2022


Noong Lunes, sa pagdinig natin sa budget ng Anti-Money Laundering Council o AMLC, nalaman natin sa isa nilang 2020 report na marami sa mga service providers (SPs) ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang konektado sa mga indibidwal o grupo na umano’y benepisaryo ng mga ilegal na aktibidad, tulad ng fraud at ilegal na droga.


Nakakabahala ito kung magkaganun.


At dahil hindi biro ang natuklasan nating ito, agad nating kinalampag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at ang AMLC na kung puwede, mas paigtingin pa ang mga ipinatutupad nilang regulasyon sa POGO.


Lumalabas na may mga kahina-hinalang transaksyon ang service providers ng internet-based casinos kung pagbabasehan ang report ng AMLC.


Sabi sa report, may ilang transaksyon na kinabibilangan ng mga indibidwal na wala namang malinaw na koneksyon sa mga service providers. At itong mga service providers, posibleng gumagamit ng money service business accounts para sa naglalakihang forex transactions.

Ang mabigat pa riyan, ang ilan sa mga service providers ay konektado umano sa napakaraming identified entities na kumikita sa fraud at tumatanggap ng pera galing sa droga.

Ibig sabihin nito, ayon sa konklusyon ng ginawang pag-aaral ng AMLC, mas mapanganib ang mga service providers kesa sa mismong POGOs.


Ang POGO licensee kasi ay kumpanya na nag-o-operate online —meron silang mga online games or sporting events na maaaring lahukan via internet na kailangang suportado ng network and software or program. Kakailanganin dito ang service providers dahil sila ang mamamahala sa technical services, tulad ng pag-live stream ng laro para sa non-Filipino offshore gamers or customers.


Sabi nga ng AMLC, kahit nasa ilalim ng pangangasiwa ng lahat ng PAGCOR ang mga POGO at isinasailalim sa Anti-Money Laundering Covered Transaction Framework (AML-CFT), technically, hindi naman lisensyado ng PAGCOR ang mga service providers. Kinikilala lang sila ng PAGCOR bilang technical provider at operational servers sa mga POGO.


Ang isa pang bagay na kuwestiyonable, walang accountability measures sa mga POGO. Walang malinaw na beneficial ownership. Walang pangalan or identification. Puro korporasyon lang. Kapag may illegal na ginawa, mahirap habulin. Base 'yan sa datos mula sa PAGCOR at sa report ng AMLC. Kasi, kung titignan natin ang data ng PAGCOR, may 340 POGOs SP, SC BPOs na kabilang sa industriya nila na posible namang regulated nila pero, lumalabas na walang beneficial owner. Puro korporasyon na puwedeng magsara, pero puwede ulit magbukas at magsimula ng bagong korporasyon.


Sa ilalim ng Securities and Exchange Commission o SEC, obligado ang mga incorporators at stockholders na ideklara ang kanilang beneficial owner. Pero sa report ng AMLC, nalaman nating napakaraming unregulated or unsupervised SPs dahil hindi sila sakop ng AML-CFT. At dahil hindi sila under supervision ng AML-CFT, bukas na bukas sila sa posibleng pagpasok ng criminal organizations.


Palagay natin, maraming magagawa ang PAGCOR at AMLC para maresolba ang samu’t saring isyu, tulad nito. At anuman ang magiging desisyon ng Kongreso o ng Presidente tungkol sa POGO, kailangan pa rin nating magpatupad ng istriktong regulasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page