ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 12, 2022
Hanggang sa kasalukuyan, pataas nang pataas ang halaga ng mga nasalantang ari-arian, imprastruktura at agrikultura ng nagdaang Bagyong Paeng. Ang pinakamasakit sa lahat, maraming tahanan ang nasira, maraming buhay ang nasayang at nagdulot ng dagdag-pahirap sa mamamayan.
Marami sa mga kababayan natin, hanggang ngayon ay wala pa ring matirahan matapos anurin ng baha ang kanilang bahay o gibain ng matinding hagupit ng bagyo. Ang unang-unang naiisip ng mga lokal na gobyerno, pansamantalang pasilungin ang mga kababayan natin sa mga paaralan.
Alam naman natin ngayon na full implementation na ang face-to-face classes. At kung patuloy na gagamiting evacuation centers ang mga paaralan, edukasyon naman ang tiyak na maaapektuhan.
Sunud-sunod na linggo na ngayong mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID, lalo na sa NCR. Ayon na sa pahayag ng mga eksperto. Ibig sabihin, mababa na rin ang bilang ng mga COVID infected at karamihan sa kanila ay mild to asymptomatic.
Puwedeng magpagaling lang sa kanilang bahay na nakahiwalay sa kuwarto.
At kung kailangan talagang humiwalay dahil walang ekstrang kuwarto sa bahay, sa ating pagkakaalam ay may hotel pa rin naman na tumatanggap ng mga nais magpa-isolate.
Sa ngayon, suhestiyon natin na imbes hayaang maluma na lang ang mga inilaang quarantine at isolation facilities for COVID cases, mas mabuting i-convert ito as evacuation centers. Malaki-laking bilang ang maaaring ma-accommodate nito at makatutulong pa nang malaki sa mga biktima ng kalamidad.
Sabi nga natin, makabubuting silipin ng mga kinauukulan kung mataas pa rin ba ang utilization rate ng quarantine at isolation facilities. Dahil kung hindi, tulad ng sinabi natin, gawin na lamang na evacuation centers ang mga ito kaysa isiksik natin ang mga kaawa-awang kababayan natin sa mga paaralan.
Milyun-milyong Pinoy na ang nabakunahan laban sa COVID at ito, sa ating palagay ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga infected. At isa yan sa nakikita nating punto kung bakit madalang na lang ang o kaya'y tuluyan nang hindi nagagamit ang quarantine facilities.
Malaking kaluwagan din sa mga paaralan kung iiwasan na nating sila ang gawing kanlungan ng calamity victims para hindi na makaantala ito sa pagsasagawa ng mga klase.
Kadalasan, kahit wala nang bagyo, suspendido pa rin ang klase sa ilang paaralan dahil ginagamit pa rin itong evacuation centers ng mga pamilyang hindi pa rin nakababalik sa kani-kanilang bahay o 'yung mga tuluyang nawalan ng matitirhan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 5, 2022
Umabot na sa mahigit 120 ang iniulat na pumanaw dahil sa Bagyong Paeng. Samantala, mahigit 100 katao naman ang nasugatan at 36 pa ang iniulat na nawawala.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot sa 3.1 milyong katao o mahigit 900,000 pamilya ang apektado sa may 73 lalawigan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Umaabot na rin sa mahigit 800,000 katao ang nawalan ng tirahan dahil sa bagyo at nananatiling walang masilungan, kahit ilang araw nang natapos ang pananalasa ni 'Paeng'.
Mahigit namang 11,0000 kabahayan ang nasira at tinatayang P12.7 milyong ang halaga ng damage to houses.
Maging sa imprastruktura — P896 milyon ang tinatayang nasalanta, matapos salantain ang may 141 infrastructures. Sa agrikultura, umaabot sa P1.2 bilyon ang damages at 57,000 hectares of crops ang nawalan ng saysay dahil sa bagyo. Mahigit 50,000 magsasaka at mangingisda ang lubhang naapektuhan at nawalan ng pagkakakitaan dahil sa hagupit ni 'Paeng'.
Karamihan din ng mga rehiyong dinaanan ni 'Paeng' ay nawalan ng serbisyo ng kuryente at walang suplay ng malinis na tubig.
Talagang dinagukan tayo ng bagyong ito.
Ang sabi ng Mababang Kapulungan, sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, maaari nilang i-adjust ang panukalang P5.268 trilyong 2023 national budget. Ito ay para masigurong mapopondohan ang mga rehiyong hinagupit ng bagyo.
Bilang inyong chairman ng Senate Committee on Finance, handa rin tayong gawin ang hakbang na ito - ang mai-adjust ang pondo para sa calamity aids sa ilalim ng 2023 budget. Bukas tayo sa ganitong paraan dahil talagang kinakailangan ng mga kababayan natin ang tulong.
Ang calamity fund budget natin, tinatayang P30 bilyon. Mas malaking hindi hamak sa mga nakaraang budget. At kung ikokonsidera natin ang mga ganitong kalamidad, maaaring sabihing akma ang pondong ito.
Nakatakdang mai-file ang committee report para sa 2023 GAB, Martes ng umaga (Nobyembre 8) at ating i-sponsor sa plenaryo sa ilalim ng ating komite, ang Senate finance committee.
Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang proposed 2023 budget nitong nakalipas na Setyembre 28 at ito ay idedepensa na ng komite sa susunod na linggo.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com


