top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | February 4, 2023


Hanggang ngayon, hindi pa rin maampat-ampat ang kontrobersya ng Maharlika Investment Fund (MIF). May mga nagdududa, nagdadalawang-isip at kumukuwestiyon.


Talakayin natin ang isyu.


Sa pagpasok ng linggong ito, simula na ng pagdinig sa MIF sa Senado sa ilalim ng Committee on Banks ni Sen. Mark Villar. Nagkaroon man ng argumento kung bakit sa komite ni Sen. Villar napunta ang usapin, malinaw naman ang isinasaad ng hurisdiksyon ng senador. Dahil kung ang usapin ay may kaugnayan sa equities, financial instruments at mutual funds, ito talaga ang komite na dapat duminig sa isyu ng Maharlika Investment Fund.


Maituturing mang isang government corporation ang MIF, hindi naman ito simpleng government corporation. Nilikha ito para makapag-invest ng financial instruments, na siyang pangunahing layunin ng sovereign wealth fund, at ito ang pangunahing karakter para maipasok sa committee on banks.


May nagtanong sa atin kung wala raw bang magiging kolaborasyon ang komite ni Sen. Villar sa Committee on Finance na pinamumunuan natin at sa iba pang komite na may kinalaman sa pananalapi – may kaukulang panahon ang mga senador para makapagbigay ng komento hinggil sa MIF. Ito ay sa panahon ng plenary debate o maging sa kasagsagan ng committee debate.


Kumpara sa mga naunang bersyon hinggil sa pagpopondo sa MIF, sa tingin natin, mas mainam ang bersyon sa Mataas na Kapulungan. Sa mga naunang proposisyon, gagamitin ang mga pensyon ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) para pondohan ang Maharlika Fund. Sa bersyon ng senado, ang ipopondo rito ay ang mga dibidendong magmumula sa Landbank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), dagdag pa r’yan ang pondo mula sa Pagcor. Kaya hindi magagalaw ang mga pensyon na una nang kinatakutan nating lahat. ‘Yun ang ikinaganda ng senate version, pero sigurado namang mare-reconcile ang mga sanga-sangang argumento para matiyak na walang lusot ang katiwalian dito.


Iba’t ibang panukala ang lumutang para masigurong ligtas ang gagamiting pondo sa MIF mula sa anumang uri ng katiwalian o anomalya. Isa na r’yan ang pagbebenta sa mga non-performing government assets at suportado natin ito. Tinatawag na assets, pero hindi naman kumikita at tadtad pa ng kontrobersya ng korupsyon, mas mabuti pa sigurong ibenta na lang ang mga ito sa pribadong sektor. At tayo ay umaayon sa pahayag ni Sen. Grace Poe, na gawing transparent ang bentahan ng assets. Dapat ay alam din natin ang kredibilidad ng buyer para iwas-kontrobersya at dapat masiguro na ang kikitain sa bentahan ay didiretso sa dapat puntahan nito.


Sa mga ganitong kumplikadong usapin na pinagdududahan ng marami, kailangang maging maingat ang mga kinauukulan. Layunin ng programa na maging kapakinabangan ito sa publiko kaya dapat nating tiyakin na naiintindihan ito ng lahat at hindi masasayang ang pondong nakalaan para sa mamamayan.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 28, 2023


Nitong nakalipas na Kapaskuhan, mas maraming Pinoy OFWs (Overseas Filipino Workers) at mga balikbayan ang malayang nakapagbakasyon sa bansa matapos ang ilang taong travel restrictions dahil sa pandemya ng COVID-19. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nakapagtala sila ng mahigit 30,000 arrivals nitong nakaraang Disyembre.


Patuloy na nga ang pagbabalik-normal sa bawat sulok ng mundo, lalo na sa mga pagbiyahe at ang muling pagsigla ng ekonomiya.


Malaki ang pasasalamat ng gobyerno sa ating OFWs dahil sa kanilang remittances na bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pagragasa ng inflation sa pandaigdigang merkado.


Sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sumirit sa $26.7 bilyon ang OFW remittances noong Oktubre nang nakaraang taon. Ibig sabihin, tumaas nang 3.1 percent ang remittances kumpara noong Oktubre 2021, kung saan pumalo lamang ito sa $25.9 bilyon.


Dahil dito, umaasa ang National Economic and Development Authority (NEDA) at ang iba pang mga ekonomista na taun-taon nang sisipa ang remittances na malaking aspeto para mapanatiling buhay ang ekonomiya at mapalakas ang piso laban sa dolyar.


Sa kabila nito, may mga pinagdadaanang hirap ang ating OFWs tulad ng napakataas na cost of living sa bansang kanilang kinaroroonan, kaya apektado ang kanilang remittances. Isa rin ang kanilang kawalang access sa social protection schemes at sa mga insurance tulad ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth at iba pang health insurance programs.


Kaugnay nito, isinulong natin sa Senado ang isang resolusyon (Senate Resolution 31) na humihiling sa kinauukulang komite sa Senado na magsagawa ng pagdinig sa mga suliraning kinakaharap ng mga Pinoy overseas workers. Ito ay para na rin matiyak ang kaligtasan at kapakanan nila, saanman sila naroon. Huwag nating kalilimutan, halos 2 milyon ang naka-deploy nating OFW at lahat ay kailangang nasusubaybayan natin sa anumang aspeto.


***


Napag-uusapan na rin lang natin ang ating mga kababayang OFW, tayo ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng isang Pinay domestic worker na si Julllebee Ranara.


Si Jullebee ay natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait na wala nang buhay, basag ang bungo at sinunog. Ang umano’y responsable sa krimen ay ang 17-anyos na anak na lalaki ng kanyang mga amo sa Al Jahra, Kuwait.


Ilang ulit nang nangyari ang ganito sa ating domestic workers sa Kuwait. Mayroon tayong memorandum of understanding na nilagdaan, kasama ang bansang Kuwait noong 2018 na pinagtibay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ano na ba ang nangyari sa kasunduang ito? Kung maaari sana, repasuhin ito ng pamahalaan at nang masuri ang paglabag ng Kuwait sa naturang MOU.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 21, 2023


Usapang COVID-19 tayo, mga kababayan. Sa pagpasok ng bagong taon, masasabi nating hindi na malaking banta sa kalusugan ang COVID. Kung ikukumpara natin ito noong isang taon sa pagpasok ng 2022, mas kampante tayo sa ngayon.


Kung matatandaan, sa pagsisimula ng 2022, bumungad din ang bagong COVID strain – ang Omicron. Ikinabahala pa nga ng mga health expert ang posibleng pagtaas ng kaso nito dahil sa sunud-sunod na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Noon kasing December 2021, pumapalo lamang sa 0.9% ang COVID cases na biglang sumargo sa 47% pagpasok na pagpasok ng Enero 2022.


Pero sa pagpasok ng taong 2023, sa kabila ng mga agam-agam na tataas na naman ang kaso ng COVID dahil sa nakalipas na Christmas holidays, nakapagtala lamang ang DOH ng 4.2% positivity rate mula Enero 2 hanggang Enero 8, o higit na mas mababa kaysa 5.5% positivity rate mula Disyembre 26, 2022 hanggang Enero 8, 2023. Ibig sabihin, mas mababa na sa 5% benchmark ng World Health Organization o WHO.


Ang sa tingin lang natin na nakababahala sa ngayon ay ang patuloy na pagtaas ng COVID cases sa China, sa kabila ng magandang estado natin sa kasalukuyan. May mga ulat pa ngang naglabasan na overcrowded na ang kanilang mga crematorium at punerarya sa dami ng mga namamatay dahil sa COVID. At bilang reaksyon ng mga karatig bansa at ng iba pang bansa sa ibayong dagat, nagpatupad sila ng travel restrictions para sa mga biyaherong mula sa China. Kasama sa mga nagpalabas ng travel advisory ang US, UK, France, Japan at Italy. Kabilang sa kanilang mga kautusan ang presentasyon ng negative tests ng mga biyahero, maging ito man ay bago lumipad o kaya’y pagdating na pagdating sa paliparan. Sa Morocco, naging mas mabigat ang travel advisory dahil hindi talaga sila nagpapapasok ng mga biyaherong mula sa China.


Ayon sa WHO, hindi puwedeng sisihin ang mga bansang ito sa kanilang mga kautusan. Unang-una, nararapat lamang naman na pangalagaan ng mga opisyal ang kalusugan ng kanilang mamamayan.


At kung ganito kahigpit ang mga bansang nabanggit natin kaugnay sa pagpapalabas ng travel advisories, sa atin sa Pilipinas, sinabi ng DOH na hindi pa natin kailangang magpalabas ng ganitong abiso para sa mga taong magmumula sa Tsina. Anila, matindi ang monitoring natin at tuluy-tuloy pa rin ang pagpapatupad natin ng strict health protocols.


Ayon pa sa DOH, isa sa mga ginagawa nilang hakbang ay ang koordinasyon sa mga daungan at paliparan ng China na magsagawa ng masinsinang health review sa mga taong lalabas sa kanila patungo sa iba’t ibang bansa. Dapat makapagsumite sila ng kumpletong health declaration at proper procedures para sa mga pasaherong COVID positive na may mga taglay na sintomas.


Hindi naman talaga dapat ipinagkikibit-balikat na lang ang COVID surge sa China. Posibleng hindi natin kakayanin pa kung balik-problema na naman tayo dahil sa kapabayaan. At sa pagkakataong ito na tayo ay nasa mas mabuting estado pagdating sa pandemya, dapat mas maging alerto ang mga kinauukulan. Dapat palagi tayong handa at bigyan ng mas maagang kalinga at atensyong medikal ang mga kababayan nating magkakasakit ng COVID.


Isa pa, napakahalagang mabantayan ang ating ekonomiya na unti-unti nang bumabangon. Ito ang sinasabi nating hindi na natin kakayanin pa kung muli tayong malulubog dahil sa pandemya.


Posibleng hindi na mawala ang COVID-19 sa ating henerasyon at posibleng umabot pa sa mga darating na panahon. Pero hindi ibig sabihin na hahayaan na lang natin itong lumpuhin tayo. Paghandaan pa rin natin ang mga maaaring mangyari sa hinaharap at matuto sa miserableng pinagdaanan natin nitong nakaraang dalawang taon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page