top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | March 25, 2023



Nitong nakaraang linggo, tumayo tayo sa bulwagan ng Senado para suportahan ang isang panukalang-batas na nagsusulong na gawing institutionalized ang proyektong Shared Service Facilities (SSF) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Sakaling maisabatas, malaking ayuda ito sa ating adbokasiya – ang Tatak Pinoy na nagsusulong sa pagpapalakas sa mga produktong Pilipino, partikular ang mga nagpapalagong negosyo sa bansa o ang tinatawag nating Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.

Ano ang SSF? Ito ay proyekto ng DTI kung saan nagbibigay sila ng mga kaukulang makinarya na kailangan ng isang maliit na negosyante para mas mapadali ang kanyang produksyon.


Karamihan kasi sa kanila ay dumaan sa mga manu-manong produksyon ng kani-kanilang produkto. Pero nang dahil sa SSF – mga makinarya na ibinigay ng DTI, tumaas ang antas ng kanilang mga finished products, tumaas ang kalidad ng mga materyal at ngayon ay nagagawa na nilang makapag-export. Kung lalong palalakasin ang sektor ng MSMEs na benepisyaryo ng SSF, posibleng hindi lang sa bansa sila makilala kundi usapang global na. ‘Yun naman talaga ang kanilang pangarap na sana ay matupad.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng SSF projects ng DTI ang mga negosyong may kinalaman sa food processing, mga produktong mula sa niyog, kawayan, mga pagkain tulad ng karne, kape, mga kagamitang pambahay, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, base sa datos ng DTI, mayroon nang 3,484 SSFs sa lahat ng rehiyon ng bansa. Sa bilang na ito, mahigit 500,000 katao ang natulungan at nakalikha na rin ng mahigit 300,000 trabaho.

Maraming mga benepisyaryo ng proyektong ito ng DTI ang nagpatotoo kung paano sila natulungan bilang “cooperators”. Halimbawa, ang Samahang Magniniyog ng Pikit Multi-Purpose Cooperative sa North Cotabato na kilala sa kanilang produktong coco sugar.


Kung dati ay umaabot lamang ang kanilang produksyon sa 150 kilograms, ngayon ay nakakagawa na sila ng hanggang 500 kilograms dahil sa SSF. Gayundin, dahil dito, malaki ang itinalon ng kanilang kinikita na dati ay hanggang P30,000 kada buwan lamang. Ngayon, kumikita na sila nang hanggang P180,000 kada buwan.

Isa pang halimbawa ang Chokolate de San Isidro sa Davao del Norte, kung saan dahil sa SSF, naging mas madali ang pagproseso nila ng tablea at chocolate candies mula sa cacao. Dati, hanggang lokal lang ang inaabot ng kanilang mga produkto, pero ngayon, nagagawa na nilang makapag-export.

Kung susuriing mabuti, sa mga nagdaang taon, napakalaking tulong ng SSF ng DTI sa ating mga nagpapaunlad na negosyo. Makikita natin ang malaking kontribusyon nito sa ating economic development at nakakatulong upang kahit paano ay makabangon ang mga kababayan natin mula sa kahirapan.

Sa ngayon, pansamantalang suspendido ang sesyon ng Senado. Pero malaki ang pag-asa natin na sa muling pagbubukas nito matapos ang isang buwan, tiyak na papasa ang panukalang ito, sapagkat malaking tulong ito sa pagpapalakas ng ating MSMEs.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | March 18, 2023



Nitong nakaraang buwan, dumanas ng matinding pagsubok ang lalawigan ng Oriental Mindoro, partikular ang siyam na munisipalidad nito.

Ito ay matapos lumubog sa katubigan ng bayan ng Naujan ang oil tanker na MT Princess Empress nitong Pebrero 28, habang may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.

Kamakailan, sa tulong ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), natunton ng Philippine Coast Guard (PCG) sa katubigan ng Pola, Oriental Mindoro ang mga labi ng MT Princess Empress.

Bilang tulong, nagpadala na rin sa bansa ng 8-man team ang Japan para umayuda sa paglilinis ng oil spill dahil sa kakulangan natin sa oil blotters, oil snares at oil—proof working gloves para resolbahin ang problema sa mga kumalat na langis sa mga katubigang sakop ng mga apektadong bayan.

Nabatid din natin na pinasimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang cash-for-work program nitong Marso 15, Miyerkules, sa affected municipalities at nakapag-distribute na ng relief goods sa may 19,000 residente ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.


Sa totoo lang, pangingisda ang ikinabubuhay ng karamihan sa mga residente ng mga munisipalidad na ito. At dahil pinahinto ng mga lokal na lider ang pangingisda, dumaranas ngayon ng matinding gutom at hirap ang mga taga-roon.

Kaya panawagan natin sa DSWD, lalo na kay Sec. Rex at kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE), sana’y mas lalo pa nating agapan ang pagkilos dahil kaawa-awa na ang kalagayan ng ating mga kababayang apektado.

Sa ilalim ng DSWD, may programa tayong Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, habang sa DOLE, mayroon tayong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na maaaring pagkakitaan ng mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay dahil sa insidente.

Sa pamamagitan ng TUPAD, kikita na sila, makatutulong pa sa pagbabalik-normal, hindi lang ng kani-kanilang pamumuhay kundi ng kanilang buong komunidad.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng state of calamity ang may 77 coastal villages ng Oriental Mindoro, kung saan ayon na rin sa datos ng DSWD ay pinaninirahan ng higit-kumulang 19,500 pamilya.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | March 4, 2023



Ilang linggo na lang, mag-impake na naman ang ilang Pinoy para samantalahin ang holidays.


Panahon na naman ng pagbabakasyon at pamamasyal.


Sabi nga ng ibang mga nakakausap natin, dahil dalawang taon silang napirmi lang sa bahay dahil sa pandemya, gusto naman nilang bumawi na makapagliwaliw ngayong bukas na ulit ang turismo sa iba't ibang panig ng mundo, maging dito sa Pilipinas. Ibig sabihin, ‘gising’ na talaga ang industriya.


Pebrero nang nakaraang taon, binuksan natin ang bansa sa mga dayuhan, maging sa mga overseas-based Filipinos, partikular ang mga magbabakasyon at mamamasyal lang sa magagandang lugar sa ‘Pinas.


At base sa report ng Department of Tourism (DOT), karamihan sa mga ito ay mula sa US, South Korea at Australia, kung saan ang bilang ay umabot nang mahigit sa dalawang milyon mula Pebrero hanggang Disyembre 2022.


Noong Miyerkules, pinangunahan natin sa Senado, bilang chairman ng subcommittee ng Committee on Tourism ang pagtalakay sa apat na panukalang-batas na nagsusulong na gawing mas komportable ang turismo para sa mga lokal at dayuhang turista.


Kabilang sa mga panukalang 'yan ang Senate Bills 238, 1166, 1615 at ang Senate Resolution 472.


Ang SB 1166 na inihain natin ay naglalayong gawing special ecological tourism zone ang Pag-asa Island, kasama ang adjoining islands nito na Parola, Kota at Panata sa Kalayaan Municipality ng Palawan. Tinatawag 'yan na Pag-asa Island Cluster.


Ang Pag-asa Island ang pinakamalaki sa cluster na ito na sa kasalukuyan ay hawak at okupado ng ating bansa, at pangalawa sa pinakamalaking isla sa kabuuan ng Kalayaan Island Group o mas kilala sa tawag na Spratlys sa West Philippine Sea.


Tanging ang Pag-asa Island lang sa Spratlys ang okupado ng mga Pinoy at kung makikita n’yo ito, matatanaw natin ang kumikinang na katubigan – napakalinis at talagang maaakit ka sa ganda. Isa ito sa masasabing magagandang destinasyon para sa mga turista.


Sa ngayon, nagsisilbing livelihood na rin ng mga naninirahang Pinoy du’n ang pagdagsa ng mga turista sa lugar, gayundin, mas napapalakas na rin ang Philippine occupation sa mga nabanggit na isla.


Sa ilalim ng ating panukala, lilikhain ang isang Pag-asa Island Ecotourism Cluster Governing Board na bubuuin ng mga opisyal tulad ng gobernador ng Palawan bilang chairman; ang congressman ng First District ng Palawan na tatayo namang co-chairperson; DENR Regional Excutive Director for Region IV-B bilang vice chairperson; DOT Regional Director for Region IV-B bilang co-vice chairperson; ang alkalde ng Municipality of Kalayaan; barangay chairperson ng Pag-asa Island; ang Armed Forces of the Philippines Western Command Chief; magiging miyembro rin ang isang kinatawan mula sa isang non-government organization na ang pangunahing adbokasiya ay ang pangangalaga sa kalikasan; isang miyembro mula sa academe; isang miyembro mula sa business sector at; isang miyembro mula sa pribadong sektor.


Sa ilalim naman ng panukala ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, ang Senate Bill 238, dahil siya ay tubong Antique, nilalayon niyang ideklarang ecotoursim zone ang Northern Antique Protected Seascape and Landscape na matatagpuan sa mga munisipalidad ng Libertad, Pandan, Sebaste, Culasi at Tibiao, na pawang sakop ng lalawigan ng Antique.


Sakaling maging ecotoursim zone ang mga lugar na ito, makatutulong ito para mas maging maunlad ang probinsya at maaaring maging ecological tourist destinations. Magiging paraan din ito upang kumita ang lalawigan, makalikha ng trabaho para sa mga mamamayan du’n at mapangangalagaan nang husto ang kanilang mga likas na yaman tulad ng mga bakawan, aquatic plants, at mga ibon, mapa-migratory or local birds man ang mga ito.


Tungkol naman sa Senate Resolution 472 na inihain pa rin natin, ang layunin natin dito ay linangin ang Pilipinas bilang pangunahing bansa sa buong mundo na magkakaroon ng sustainable nature-based tourism o NBT. Kapag sinabing NBT, sakop nito ang mga aktibidad na may kinalaman sa natural attractions tulad ng bird watching, kayaking, beachcombing, tours, fishing at hiking. Mga aktibidad na madalas ay ginagawa ng hobby ng mga kababayan natin at ng mga turista.


Sabi nga ng United Nations Environment Programme Convention on Biological Diversity, ang nagpalalakas sa tourism industry ng isang bansa ay ang biodiversity nito. Kumbaga, malaki ang ambag nito para mas mapangalagaan ang ating tropical forests, karagatan at ang mga national parks, na kadalasan ay kinagigiliwan ng mga dayunan at lokal na turista.


Ang Senate Bill 1615 naman na inihain pa rin natin ay nagsusulong na gawing birthplace of surfing in the Philippines ang bayan ng Baler sa lalawigan ng Aurora. Ang panukala nating ito ay counterpart bill ni Aurora Cong. Rommel Rico Angara na House Bill 5961 na naglalayon ng kaparehong proposisyon, at kikilala sa Baler bilang pinakamatagal nang local surfing community sa bansa.


Base sa kasaysayan ng Pilipinas, matagal nang dinaragsa ng mga turista ang aming lalawigan ng Baler upang mag-surf dahil sa gandang angkin ng mga karagatan nito na talaga namang swak na swak sa panlasa ng mga surfer.


Noong 1970, sumikat ang aming lalawigan nang maging bahagi ito ng iconic movie na ‘Apocalypse Now’ ng Amerikanong direktor na si Francis Ford Coppola.


Napakaganda ng aming lalawigan ng Aurora kaya malaking bagay na ito ay maging sentro rin ng interes ng mga turistang lokal at dayuhan, lalo na ang mga may masidhing hilig sa surfing.



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page