top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 22, 2023


Kilala ang mga Pilipino na mapagkalinga sa kanilang mga nakatatanda. Halimbawa na r’yan ang kaugalian nating isama pa rin sa ating sariling pamilya ang ating mga magulang, lalo na kung sila ay talagang alagain na o may mga karamdaman.


Pero dumarating ang mga pagkakataon na nakakaranas ng hindi kaiga-igaya ang ating mga lolo’t lola – ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso tulad ng panloloko o pananamantala sa kanilang pagtitiwala.


Sa mga usaping nakarating sa National Bureau of Investigation (NBI) na kinasasangkutan ng senior citizens, lumalabas na sila ngayon ang pangunahing target ng mga scammer, lalo na sa mga online activities.


Isa sa mga kasong ito ang tungkol sa isang 67-anyos na lola na nabiktima ng “love scam.”


Natangay mula sa kanya ang may P8 milyon matapos siyang mahulog sa panloloko ng nagpanggap na manliligaw mula sa internet. Nagkakilala ang dalawa sa online chats, kung saan dumating ang pagkakataon na lubos nang nagtiwala ang matandang babae at nagbibigay na ng pera sa kanyang “online boyfriend” na nanghihingi sa kanya ng pera.


Ginagamit din ngayon ng mga scammer ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan gumagawa sila ng pekeng DSWD website at naglalabas ng mga pekeng impormasyon tungkol sa kanilang mga pensyon na kinakagat naman ng mga nabibiktimang senior citizens.


At dahil agad itong natuklasan ng NBI at DSWD, nais natin iparating sa kanila ang malaking pasasalamat at papuri dahil nabisto na nila ang mga panlolokong ito bago pa lumala at dumami ang mga nabibiktima.


Sa ulat ng dalawang ahensya, naging talamak ang scamming activities na ito sa ating seniors sa kasagsagan ng pandemya. Dahil may access sa teknolohiya at ICT ang mga scammer na ito, nagagawa nilang makapanloko sa internet.


Liban sa scamming, iba’t ibang pang-aabuso rin ang nararanasan ng mga nakatatanda, tulad ng physical and verbal abuse, pangmamaliit sa kanila dahil sa kanilang katandaan, at pagpapabaya.


Ang masakit dito, base sa 2004 report ng Commission on Human Rights, ang madalas na nagpapabaya at umaabuso sa mga lolo’t lola ay mismong kanilang mga kapamilya.


Dahil sa pangyayaring ito at para maresolba ang ganitong suliranin, inihain natin sa Senado ang Senate Bill No. 639, na naglalayong pangalagaan at protektahan ang ating seniors laban sa anumang uri ng pang-aabuso. Nasasaad sa ating panukala ang mga kaparusahan na ipapataw sa mga mapapatunayang nanamantala o nagmamalupit sa ating mga nakatatanda.


Sa ilalim ng ating bill, ipinanukala natin ang pagkakaroon ng isang Senior Citizen Help Desk sa bawat barangay upang agad na makapagbigay ng kaukulang tulong sa ating elders na dumaranas ng pang-aabuso.


Ang DSWD naman, kaakibat ang LGUs ay inaatasang magkaloob ng pansamantalang matutuluyan sa mga biktima at isailalim ang mga ito sa counselling, psycho-social services and recovery, rehabilitation programs at tulong pangkabuhayan kung kinakailangan.


Hinding-hindi natin mapapalampas ang mga ganitong pangyayari. Respeto, pagmamahal at pangangalaga ang kailangan ng ating mga nakatatanda at hindi pang-aabuso. At bilang lingkod-bayan, siguraduhin nating masosulusyunan ang problemang ito, at masiguro ang kanilang kaligtasan at mapahalagahan ang kanilang kapakanan.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 15, 2023


Edukasyon.

Sa lahat ng aspetong panlipunan na dumaranas ng krisis, ang edukasyon na yata ang nangangailangan ng tuluy-tuloy na reporma at atensyon – ito na yata ang sektor na kahit kailan, hindi nawawalan ng suliranin.

Sa ngayon, isa sa mga problema ang umano’y kakulangan ng ating fresh graduates ng tinatawag na “soft skills”.

Ano ba ang soft skills?

Ito ‘yung socialization, critical thinking, emotional intelligence, empathy, creativity, resilience and communication, na ayon sa mga eksperto ay kasing-importante ng mga nasa school curriculum o ‘yung mga pinag-aaralan natin sa silid-aralan. Ito ‘yung mga karunungan na natutunan natin mula sa ating mga magulang o mula sa ating mga tahanan. Ang problema, sino nga naman ang gagabay sa mga mag-aaral na nasa ibayong-dagat ang mga magulang upang magtrabaho?

Sa isang situational report ng Commission on Human Rights (CHR), ang kakulangang ito ng mga bagong graduates ang ilan sa mga dahilan kung bakit hirap na hirap silang makapaghanap ng trabaho matapos ang ilang taong pag-aaral. At karamihan sa graduates na ito ay nakapagtapos sa panahon ng pandemya.

Marahil, kung hindi umano naputol ang face-to-face classes ay mas na-develop ang soft skills ng mga kabataan.

Pero sa totoo lang, bago pa dumating ang pandemya, isa na ito sa mga problema ng mga nagtapos ng pag-aaral. At dahil matagal na pala itong problema ng ating sistemang pang-edukasyon, dapat talagang matutukan ito, kasabay ang pagpokus din natin sa problema sa reading comprehension ng mga mag-aaral at iba pang educational problems.

Nitong Huwebes, nagkaroon ng pagpupulong ang Congressional Committee on Education (EDCOM) at isa ito sa mga pinag-uusapan ng komisyon.

Isa pang nagiging isyu ngayon ang mga panawagang repasuhin ang K-12. Sa ating palagay, puwede ito dahil may mga pangako ang gobyerno (mula nang maisabatas ang K-12 hanggang ngayon) na hindi natupad. Isa sa mga pangakong ‘yan, maaari nang mabigyan ng job opportunities ang K-12 graduates na hindi naman naisakatuparan. Ang dahilan, mas pinipili pa rin ng mga kumpanya at iba pang employers ang mga college graduates.

Samakatwid, may pagkukulang talaga ang gobyerno sa paksang ito. Nang maipasa ang K-12, maraming naipangako sa mga kabataan at kani-kanilang mga pamilya na napako.


Dapat magawan ito nang paraan para naman matupad ang mga pangakong ‘yan.

‘Yung mga opsyon o panawagang itigil ang K-12, para sa atin, hindi naman ito dapat. Ang mahalaga lang, matupad ang mga nakapaloob na pangako sa ilalim ng programang ito tulad ng ‘pag nakapagtapos ng techvoc course ang isang estudyante at certified na siya, puwede na siyang makapagtrabaho kahit hindi graduate ng kolehiyo. Ang problema, walang mga sertipikasyon hanggang ngayon. Paano nga naman sila tatanggapin ng mga kumpanya o employer kung wala silang maipakikitang sertipikasyon ng gobyerno na nagsasabing maaari na silang makapagtrabaho kahit hindi tapos ng kolehiyo?

Kaya sisiguruhin natin na mareresolba ito sa mga darating na panahon upang mas maging employable ang mga K-12 graduates natin at nang kumita rin sila para magastusan nila ang ambisyong makatapos pa rin ng kolehiyo.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 01, 2023


Perhuwisyo. Ito ang inabot ng mga residente ng Oriental Mindoro, partikular ang mga mangingisda matapos ang paglubog ng isang oil tanker noong Pebrero.


Ang MT Princess Empress na may kargang humigit-kumulang 900,000 litro ng industrial oil ay matatandaang lumubog sa katubigan ng bayan ng Naujan nitong Pebrero 28, lagpas isang buwan na ang nakararaan.


Sa kasalukuyan, higit 9,000 litro na ng langis at 3,514 sako ng iba’t ibang oil contaminated materials ang nakuha mula sa apektadong katubigan ng lalawigan. Ang masaklap dito, 34,000 pamilya ang lubhang apektado, lalo na ang may 13,600 magsasaka at mangingisda na naninirahan dito.


Wala pa mang tuwirang datos o pagtutuos sa halaga ng mga napinsala, posibleng umabot ito sa bilyun-bilyong piso dahil na rin sa lawak ng mga naapektuhang munisipalidad at kabayanan.


Tulad ng naipanawagan natin noong nakaraang linggo, sana’y pabilisin at palakasin pa ng gobyerno ang pagresolba sa problemang ito.


Mayroong kaukulang pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na kahit paano’y makakatulong sa mga kababayan nating nawalan ng pagkakakitaan dahil sa pangyayaring ito. Nangunguna rito ang pagbibigay ng tulong-pinansyal at cash-for-work programs para makabili pa rin ng kanilang pagkain ang ating mga kababayan du’n at para kumita pa rin habang ipinagbabawal pa ang pangingisda.


Sa katunayan, sa ilalim ng taunang pambansang budget, kaukulang P37 bilyon ang inilagak na pondo sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances o PSIDC at sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) programs ng DSWD. Pondong P20 bilyon naman ang karga ng DOLE para sa kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). Ang mga programang ito ang inaasahang ilan sa mga magiging sandigan ng lalawigan sa krisis na kinahahantungan nila sa kasalukuyan.


Isa pang nakakalungkot sa pangyayaring ito ay ang bagsak na turismo ng lalawigan. Sa kasalukuyan, lumalakas ang Nature-Based Tourism ng bansa kung saan ang sentro ng turismo ay nakabase sa ganda ng lugar o kapaligiran nito. Isa rin ang turismo sa pinagkakakitaan ng isang lalawigan o lungsod dahil sa pagdagsa ng mga lokal o dayuhang turista.


Nakakadismaya dahil maging ang Verde Island Passage na namamagitan sa mga lalawigan ng Batangas, Mindoro, Marinduque at Romblon ay inabot na rin ng oil spill.


Ang ikinakatakot ng marami, baka umagos ang oil spill hanggang sa makasaysayang Tubbataha Reef Natural Park sa lalawigan ng Palawan, lalo pa’t kinikilala ito ng UNESCO bilang World Heritage Site noon pang 1993. Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, agapan ang kilos, bilisan ang pagresolba bago pa maapektuhan ang napakalaking bahagi ng bansa.


Wala pang masabi ang mga eksperto kung hanggang saan ang abot ng oil spill. Pero ang mas mabuting gawin ngayon ay paigtingin pa ang ginagawang cleanup at iba pang mga hakbang upang maisalba ang mga kabuhayan at turismo ng mga apektado at maaapektuhan pang mga lalawigan at bayan.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page