top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 1, 2023


Sa katatapos na International Trade Forum sa Taguig City, inilunsad ng administrasyong Marcos ang kanilang Philippine Export Development Plan 2023 to 2028 (PEDP).


Ito ay isang komprehensibong paraan kung paanong mas mapalalakas o mas mapalalago ang ating exports upang makapatas sa exports ng mga karatig-bansa ng Pilipinas.


Nagpahayag din si Trade Secretary Alfredo Pascual na chairman ng Export Development Council na higit na kailangan natin ngayon na mapalakas ang ating export potential.


Kung meron tayo nito, posible ang paglago ng ating kalakalan at mas may kakayahan ang mga producer na mapataas ang kanilang produksyon at magawang mas epektibo ang kanilang serbisyo. Ito rin ang magiging daan para lumago ang mga industriyang Pilipino na maaaring maisabak sa pandaigdigang kompetisyon, at malaki rin ang posibilidad na mas marami pang investment ang papasok sa bansa.


Sa pahayag ni Pangulong Marcos sa launching ng PEDP, sinabi niyang kung maisasakatuparan natin nang maayos ang mga istratehiyang ito, masisiguro ang paglusog ng ating export sector at ang lalo pang paglago ng ating ekonomiya.


Sa ating pakikinig sa pahayag ng Pangulo, napagtanto natin na kahit pa sabihing bumabangon na nga ang ating ekonomiya, malaki pa rin ang dapat na punan.


Gayunman, malaki ang tiwala natin sa PEDP dahil konektado ito sa ating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy na matagal na nating isinusulong.


Nabuo natin ang adbokasiyang ito dahil sa nakita nating inspirasyon sa Atlas of Economic Complexity nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Dr. Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology. Sila ang nagsabi na nakabatay sa lakas ng eksportasyon ng isang bansa ang galaw at kalusugan ng kanyang ekonomiya.


At sa nakalipas na tatlong taon, ilang masusing pananaliksik ang ginawa ng ating tanggapan para makita ang productive capability ng ating bansa. Sinaliksik din natin kung ano ang mga produkto na ating ini-export, at kung gaano kalaki ang potensyal ng mga ito sa atin.


At kabilang sa mga nakita natin, nakapagpo-produce ang Pilipinas ng iba’t ibang materyal na nagagamit natin sa paglikha ng complex products tulad ng mga sasakyan, eroplano at itong mga robotics. Pinatunayan lamang ng mga ito ang sinabi ng Pangulo na kayang punan ng kahit isang sektor lang ang ating export basket. Malaki ang potensyal natin basta lang mabigyan ng kaukulang suporta. Naniniwala tayo na kung may solidong suporta, malaki rin ang posibilidad na mas marami tayong ma-produce at mapupuno natin ang ating basket of goods. Mula riyan, aakyat tayo sa eksportasyon ng mga complex at high-value products. At kung tayo ay maging ganap na exporter ng complex products, d'yan din magsisimula ang totoong paglakas ng ating ekonomiya.


Kapag malakas ang ekonomiya, ang ibig sabihin, marami tayong magagandang trabaho at disente ang suwelduhan natin.


Sa ngayon, ang una nating gagawin ay suriin itong PEDP para malaman natin kung ano ang mga tulong na maaaring magawa ng Senado para mapagtagumpayan ng administrasyon ang layunin nitong mapalakas ang ating exports.


Kapag nagtagumpay tayo rito, milyun-milyong high-quality jobs ang malilikha natin dito, at ang Filipino talents at scientists, ‘di na kailangang magtrabaho sa abroad. Ganitung-ganito ang nilalaman ng isinusulong nating Tatak Pinoy – ang mapaunlad natin ang sariling atin – maiangat ang mga negosyanteng Pinoy at mapatatag ang iba’t ibang industriyang Pilipino. Sa pamamagitan nito, mas lalakas ang ating produksyon, at mas malaki ang tsansa nating maging competitive sa pandaigdigang kalakalan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 24, 2023


Lagi natin sinasabi, “tangkilikin ang sariling atin”. Hindi lamang para sa promosyon ng mga produkto o serbisyong Pinoy kundi para tulungan din ang ating mga kababayan at ang mga lokal na industriya. At para mas maipalaganap sa sambayanan ang ganitong panuto, dapat ay manguna ang gobyerno at maging ehemplo. Sila ang manguna sa pagtataguyod sa industriyang Pilipino.


Pinakamainam na paraaan para matulungan ng pamahalaan at ng iba’t ibang ahensya ang local industries ay bumili sila ng mga produkto mula sa mga ito na magagamit nila sa kani-kanilang tanggapan.


Pangunahing kagamitan na maaaring mabili ng gobyerno sa mga lokal na produkto ay office furniture. Ang sabi nga nila, ang Pilipinas daw ay itinuturing na “Milan of Asia” dahil sa mga mabibiling dekalidad na muwebles mula sa atin.


Ang masakit lang, sabi ng sikat na furniture designer na si Kenneth Cobonpue, itong mga bagong hotels and offices daw sa ibayong-dagat pa bumibili ng mga muwebles nila dahil mas mura.


Kaya nanawagan ito na kung puwede umano ay matulungan ang local manufacturers katulad niya na makapag-establish ng strong ecosystem kung saan makagagawa sila ng mas nakamumurang produkto na papatok at talagang bebenta.


Kamakailan, pinangunahan natin ang pagdinig sa Senate Bill 2218 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act at isa sa mga layunin natin dito ay ang mahikayat ang gobyerno na maging ehemplo sa pagtangkilik sa mga produktong lokal.


Dapat lang na sila mismo ay ipakitang mas pinapaboran nila ang industriyang Pinoy – na mas prayoridad nila ang local manufacturers sa procurement process.


Sa ilalim po ng Government Procurement Act, pinapayagan na ibigay sa lowest domestic bid ang procurement award, sa kondisyong hindi bababa sa 15% ng pinakamababang foreign bid.


Maganda naman sana ito, pero sa totoo lang, hindi ito sapat para lubusang matulungan ang lokal.


Mas mainam din kasi kung pati pribadong sektor ay susuporta sa local industries. Ito nga ‘yung sinasabi ni G. Cobonpue na sana’y maging patrons din ng local furniture business ang mga hotel owners and company owners dito sa bansa.


At liban sa SBN 2218, inihain din natin ang SBN 319 o ang panukalang naglalayon na gawing institutionalized ang Certificate of Domestic Bidders program ng Department of Trade and Industry para matulungan ang local industries.


Isa ang creative industry sa mga dapat bigyan ng kaukulang suporta ng gobyerno para mas mapalago ito. Sa ngayon, merong 10 domains ang ating creative industries tulad ng audiovisual media; digital interactive media; creative services; design; publishing and printed media;


performing arts; visual arts; traditional cultural expressions; cultural sites; at iba pang domains and industries na kinikilala ng Philippine Creative Industries Development Council. Kabilang sa creative industries ang pelikula, telebisyon, musika, software, video games, fashion and design, musical theatre, paintings, arts and crafts, museums at cultural exhibitions.


Dito sa ating Tatak Pinoy advocacy, isa sa mga ipinaglalaban natin ay magkaroon tayo ng design identity – isang Philippine brand para makilala tayo kahit saan. Kapag nagawa natin ‘yan, mas magiging competitive talaga ang ating mga produkto at makakapasok na sa international market. Tataas ang antas ng ating mga industriya. Kung matutupad natin ito, marami ang makikinabang. Una, ‘yung mga industriya, ang mga produkto at siyempre, mas makalilikha na tayo ng mga dekalidad at permanenteng trabaho.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 17, 2023



Ngayong Pebrero ng kasalukuyang taon, bilang chairman ng Senate Subcommittee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, pinangunahan natin ang pagdinig sa isang panukalang batas na magbibigay ng Protected Geographical Indications (GIs) sa ating mga lokal na produkto, ito man ay agrikultural, natural, processed o maging ang mga mula sa handicraft o anumang industriya.

Layunin natin dito na mapangalagaan ang quality of manufacturing and craftsmanship ng ating local producers, at aksyunan ang mga pekeng produkto na gumagaya sa original products.

Sa deklarasyon ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), ang geographical indications ang nagpapatunay sa originality ng isang produkto – ang orihinal na pinagmulan nito tulad ng rehiyon, teritoryo o lokalidad, kung saan batid ang reputasyon nito bilang dekalidad.


Inihalimbawa ng IPOPHL bilang potential GIs ang mga produktong Pinoy tulad ng Heirloom Rice ng Cordillera; ang T’nalak hand-woven cloth mula sa T’boli people ng South Cotabato, ang Sabutan weave ng lalawigan ng Aurora at ang ipinagmamalaking kape ng Kalinga.

Noong nakaraang taon, inilabas ng GIs ang mga panuntunan upang mas mapalakas ang proteksyon at promosyon ng local products. Ang totoo n’yan, narehistro na kamakailan ang Guimaras mangoes bilang GI – ang kauna-unahan para sa Pilipinas. At dahil dito sa panukalang ito, naniniwala tayo na magiging permanente na ang GI system para naman maprotektahan ang sariling produkto ng ating mga komunidad. Isa pa, mapagtitibay ang region of origin ng produkto sa pamamagitan nito at maiiwasang maangkin ng iba.


Marami ang mga ganitong reklamo sa kasalukuyan. Ang produkto na nagawa sa isang espisipikong lugar ay naaangkin ng iba dahil walang proteksyon laban dito. Ihalimbawa natin ang isang pangyayari noong 2019 kung saan, ang Coffee Heritage Project founder na si Margaret Watanabe ay nagsabing lahat ay ginawa ng kanilang organisasyon upang protektahan ang Sagada coffee. Marami raw kasi ang namemeke sa kanilang produkto sa kabila ng cease and desist orders na isinampa nila laban sa mga ito.

Nito namang 2022, inireklamo ng pamahalaang lokal ng Sagada ang pagpasok ng mga pekeng Sagada oranges sa Baguio City. Marami sa mga turista ang naloloko at ang masakit, pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga tiwaling sellers. Isa pang napakalaking problema, kapag ibinenta na online ang mga fake goods and products, walang kalaban-laban ang mga online buyers. Hindi naman din kasi nila mapapansin kung peke o tunay ba ‘yung nabili nilang produkto dahil nga ang sinasabi ng binilhan nila, original product ‘yun. Sa katapus-tapusan,

makikita na lang nila na substandard ang mga produktong nabili nila.

Sa ilalim po ng panukala, bibigyang proteksyon ang mga registered GIs laban sa mga direct or indirect commercial use sa mga nakarehistrong pangalan ng produkto. Ito ay para maiwasan ang pamemeke, panggagaya o imitasyon na nagreresulta sa pangit na produksyon. Sa mga ganitong pangyayari kasi, naaapektuhan pati ang mga original products dahil nasisira ang kanilang reputasyon nang hindi nila nalalaman.

Sa nasabi nating pagdinig noong Pebrero, nagbigay ng buong suporta ang IPOPHL sa ating panukala. At sakaling tuluyang maging batas, ito ang mangangalaga, magsusulong at magpe-preserve sa cultural heritage and practices ng ating indigenous cultural communities at ng iba pang mga lokal na komunidad. Isa pang maganda sa panukalang ito, mas mapatataas nito ang productivity at ang financial stability ng ating local producers, at siya ring mangangalaga at tutulong sa kanila para mas mapalakas nila ang kanilang produksyon.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page