top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 22, 2023


Taong 2018, sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang “Obstacles and Enablers of Internationalization of Philippine SMEs Through Participation in Global Value Chains

”, nabatid ang iba’t ibang hadlang na kinakaharap ng mga small and medium enterprises (SMEs) kung bakit napakahirap para sa kanila na makilala o maging competitive globally.


Mahalagang malaman ang mga suliraning ito ng sektor, lalo pa’t base sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021, ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang pinagmumulan ng 99.58% ng lahat ng negosyo sa bansa. Sa nasabi pa ring datos, nakalikha ng halos 5.5 milyong trabaho ang MSMEs o 64.67% ng overall employment sa buong Pilipinas.


Kaya nga’t sa loob ng maraming taon, mula nang sumikad ang MSME’s, patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na mapalakas ang nasabing sektor, hindi lang para sa kanilang patuloy na operasyon kundi para maakay ito sa mas malawak at malaking merkado.


Ilan sa mga hadlang na nabatid sa pag-aaral ng PIDS ay ang mga isyu sa pananalapi; kakayahang pang-teknolohiya; kakayahang makapasok sa mga pamilihan; business environment; ease of doing business, at marami pang iba.


Isa rin sa natuklasan ng PIDS ang kakulangan ng sektor sa isang national quality infrastructure (NQI) na mahalaga sa pagpapalago ng SMEs na magsisilbing daan upang sila ay maging export-ready businesses. Napakahalaga na maresolba ang mga usaping ito lalo pa’t patuloy ang paglaki ng papel ng bansa sa globalisasyon.


Kamakailan, sa 2023 National MSME Summit na pinangunahan ng Department of Trade and Industry o DTI, nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na kailangang siguruhing matutulungan ang MSMEs upang lumago ang kanilang mga negosyo at magkaroon ng pagkakataong makipagkompitensya sa pandaigdigang pamilihan.


Nakalulungkot ding malaman na base sa 2021 data ng International Trade Center, malaking oportunidad ang nasasayang ng Pilipinas na kung napagtuunan lamang anila ng pansin ay kakayanin nating makapag-export at kumita ng halagang $49 bilyon o tinatayang P2.6 trilyon. Napakalaking tulong sana nito sa ating ekonomiya.


Malaking bahagi ng kabiguang ito ay ang bagsak na kakayahan ng ating mga produkto at serbisyo na hindi pumapasa sa kinakailangang kalidad para makapasok sa malawakang pamilihan.


Bagaman taglay ng gobyerno ang iba’t ibang institusyon, bureau at laboratoryo na maaaring malapitan para sa accreditation, certification and testing, hindi pa rin nito napadadali sa SMEs ang makapag-avail ng mga nabanggit dahil sa iba’t ibang pahirap na nararanasan nila. Partikular na binanggit ng PIDS ang iba’t ibang regulatory bodies na hiwa-hiwalay ng departamento na nagpapahirap sa SMEs na makakuha ng kinakailangang akreditasyon o pagkilala.


Isa ito sa mga dahilan kung bakit naghain tayo ng isang panukalang batas, kasama si Majority Floor Leader Joel Villanueva, ang Senate Bill 628, habang inihain naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang SB 793 upang maresolba ang mga problemang ito ng SMEs, kung saan layunin nating bumuo ng isang National Quality Policy.


Sa ilalim ng panukalang ito, lilikhain ang Philippine National Quality Policy habang ang Philippine National Quality Infrastructure ay mas bibigyang linaw upang mas mahulma ang kalidad ng mga produkto at serbisyo na available sa ating domestic markets, gayundin ang mga produkto na nakalaan para sa eksportasyon. At para maisakatuparan ang mga layunin sa ilalim ng panukala, kailangan din ang paglikha sa isang Philippine National Quality Infrastructure Coordination Council (PNQICC) kung saan magiging co-chair ang mga kalihim ng DTI at ng DOST. Aatasan ang kanilang mga tanggapan na ipatupad ang mga nabanggit na polisiya.


Tiwala tayo na sa pamamagitan ng panukalang ito, mapalalakas natin ang kakayanan ng SMEs at magkakaroon sila ng pagkakataong maging export-ready sa mga darating na panahon.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 15, 2023



Nitong mga nakaraang linggo, naging maingay ang usap-usapan tungkol sa bagong campaign ad ng Department of Tourism. Maganda naman sana, kaya lang, natumbok na ‘yung ilang stock photos na ginamit sa advertisement ay hindi tourist spots dito sa Pilipinas kundi mula sa ibang bansa.


Kasabay ng pagpapalit ng DOT ng campaign slogan, mula sa 12-taon nang It’s More Fun in the Philippines na naging “Love the Philippines” ay inilunsad din ang campaign ad. At du’n na nga nagsimula ang ingay ng publiko dahil sa mga litratong hindi naman daw sa atin.


Totoo naman -- nakadidismaya. Totoo naman, parang nakakalungkot na umabot sa ganu’n. Pero ang mahalaga rito, hindi naman inupuan na lang ni DOT Secretary Christina Frasco ang pangyayari. Agad siyang umaksyon at pinutol ang kontrata ng DOT sa ad agency na siya naman talagang ugat ng pagkakamali.


Tungkol sa bagong DOT slogan, wala naman tayong nakikitang mali, sa totoo lang. Hindi lang naman tayong mga Pilipino ang hinihikayat na mahalin natin ang ating bansa, kundi maging ang mga turista o mga dayuhang bibisita sa atin. Marami tayong magagandang tanawin at walang dahilan para hindi tayo mahalin ng mga mamamangha sa ganda ng ating mga tourist destination.


May mga naririnig tayo na nagsasabing hiyang-hiya raw sila sa nangyaring ito sa DOT campaign ad bilang Pilipino. Sabihin na nating nakakahiya nga, pero mas may nakakahiya pa ba nu’ng ilang turista o dayuhan ang nahimpil sa ating paliparan nang ilang oras?


Kung ‘yung campaign ad lang ang sasabihin nating nakakahiya, paano na lang ‘yung paliparan na unang-unang destinasyon na lalapagan ng ating mga bisita? Kumbaga, “first impressions last.”


‘Yung gutom, antok, init at pagod nila nu’ng na-delay ang flights dahil sa kapabayaan sa paliparan, mas malaking kahihiyan ‘yun. ‘Yung makikita mong natutulog na lang sila sa sahig o kaya naman nakasalampak na lang dahil sa pagkainip -- nakakahiya talaga ‘yun.


Hindi naman campaign ad ang una nilang makikita paglapag nila sa airport, ‘yung pasilidad mismo. Dapat, doon pa lang, ma-impress na natin sila.


Liban pa r’yan sa flight delays na ‘yan, and’yan din ‘yung mga pagkawala ng kuryente sa airport.


Napapadalas ngayon ‘yan.


Kung matatandaan n’yo, nu’ng June 9, 2023, nag-blackout sa NAIA Terminal 3. Isang oras na walang kuryente. Ang resulta, napakahabang pila ng mga pasahero sa Immigration counters.


Malaki rin ang naging epekto nu’n sa napakaraming flights nang araw na ‘yun. Pang-apat na ‘yan mula pa noong Setyembre nang nakaraang taon. At kung matatandaan n’yo, bagong taon na bagong taon nitong January 1, 2023, nawalan ng kuryente ang central air traffic control system ng NAIA. Maraming flights ang na-delay at na-cancel at ang iba, na-divert. Umabot sa 56,000 pasahero ang lubhang naapektuhan ng naturang pangyayari. Paulit-ulit na lang ang mga sablay na ‘yan sa paliparan na talagang mas kahiya-hiya.


Sa tingin natin, kung meron mang bagay na magpapabawas sa tourist arrivals natin, ay itong mga problemang nangyayari sa ating paliparan. Kaya dapat, maging alerto ang mga awtoridad natin d’yan para masigurong ligtas at hindi na daranas ng kapalpakan ang mga bisita o ang mga kababayan nating lalapag sa paliparan.


Sa totoo lang, napakaganda ng takbo ng turismo natin sa kasalukuyan lalo na at kababangon lang natin sa pandemya. Sa datos mula sa DOT, lumalabas na 2.7 milyong turista ang pumasok sa bansa sa unang bahagi ng taon. Kaya nga malaki ang tiwala ng DOT at ng mga tourism stakeholder na lalampasan pa natin ang 4.8 million international tourist arrivals bago magtapos ang 2023.



Batid naman siguro nating lahat na isa ang turismo sa mga aspetong nagpapalakas sa ekonomiya ng isang bansa. Marami sa mga lalawigan natin, nakasandig sa kanilang turismo dahil sila ang dinarayo ng mga bisita dahil sa ganda ng kani-kanilang lugar.


Isa pa, turismo rin ang nagiging daan upang magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin at nakalilikha rin ito ng mga negosyo. Sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, mahigit 5 milyong indibidwal ang nagkatrabaho sa tourism industry nu’ng nakaraang taon (2022).


Lumalabas na 9.3% na mas mataas kaysa 4.9 million na narehistro noong 2021 kung saan humahagupit pa sa atin ang pandemya. Sa total employment sa bansa, kinakatawan ng turismo ang 11%, at may 6.2% total economic output sa Pilipinas. Kaya malaking bagay talaga ang turismo sa ating pag-unlad.


Hindi naman natin sinasabi na walang dahilan para malungkot o madismaya tayo du’n sa nangyari sa DOT campaign ad, pero ang punto lang natin dito, kung mayroon tayong mas dapat problemahin ay ang ating imprastraktura. Ito ang dapat na mas pinauunlad dahil ito ang sentro ng turismo.


Tiwala po tayo na sa ilalim ng administrasyong Marcos, mas marami pang infra projects ang matatapos dahil base sa ating 2023 GAA o national budget, nakapaglaan tayo ng P17.7 bilyon sa Tourism Road Infrastructure Program (TRIP). Tayo po ay patuloy na susuporta sa programang ito lalo na sa ilalim ng 2024 national budget na tatalakayin na ng Kamara at Senado sa mga darating na buwan.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 8, 2023


Tuwing ika-30 ng Hunyo, simula noong taong 2002, sa bisa ng Republic Act 9187 ay ipinagdiriwang na natin sa bansa ang Philippine-Spanish Friendship Day o Phil-Span. Ito ay bilang pag-alala sa cultural at historical ties ng dalawang bansa at ipagdiwang ang nabuong pagkakaibigan, higit isang siglo na ang nakararaan.


Ang Phil-Span Friendship Day ay naisabatas dahil sa panukala ng ating yumaong ama, si dating Senador Edgardo Angara, na mas pinahalagahan ang positibong aspeto kahit pa nasadlak sa digmaan ang Pilipinas at ang España noong Ikalawang Digmaan.


Mababasa sa kasaysayan ng ating bansa na imbes parusahan ang mga sundalong Kastila na kumubkob sa simbahan ng Baler, hinayaan silang mabuhay ng noo’y pinuno ng Pilipinas na si Pangulong Emilio Aguinaldo.


Tatlumpu’t tatlong sundalong Kastila ang nanahan sa Baler Church sa loob ng 11 buwan, na matapos makamit ng ating bansa ang kalayaan, binigyan pa sila ng pagkilala ng ating dating pangulo sa pamamagitan ng isang presidential decree at hinayaang ligtas na makauwi sa kani-kanilang pamilya sa España.


Sa ating paggunita sa mahalagang araw na ito nitong nakaraang Hunyo 30 sa ating bayan ng Baler, naging panauhin natin si Budget Secretary Amenah Pangandaman na makailang ulit ding naging bahagi ng mga nakaraang selebrasyon, noong siya pa ang pinakamataas na opisyal sa tanggapan ng ating ama. Sabi nga niya, malaking karangalan sa dalawang bansa na mas mapalakas pa ang pagiging magkaibigan sa pagdaan ng panahon.


Minsan pang pinatunayan ng Spain ang kanilang pagpapahalaga sa Pilipinas sa panahon ng pandemya, matapos nilang tulungan ang bansa na magkaroon ng access sa COVID vaccines sa pamamagitan ng COVAX initiatives.


Sa paglalarawan naman ni G. Javier Salido Ortiz, director general ng Ministry of Foreign Affairs para sa North America, Eastern Europe at Asia, sinabi niyang ang relasyon ng Pilipinas at ng Spain, kumbaga sa pagmamahalan ay talagang meron nang lalim dahil sa koneksyon ng ating kultura at kasaysayan. Malaki ang paniniwala ni G. Ortiz na sa mga darating pang taon, mas lalakas ang bilateral relations ng dalawang bansa. Sa katunayan, sabi niya, pinag-uusapan na ng dalawang panig ang economic at financial agreements na sisiguro sa kalakalang mamamagitan sa Pilipinas at Spain.


Liban sa komemorasyon sa Phil-Span Day at sa Siege of Baler, mas naging maigting ang pagdiriwang dahil kasabay nitong inilusad ang Senator Edgardo J. Angara Convention Center at ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng Philippine-Spanish National Museum.


Ang Convention Center, ang pinakamalaking infrastructure project sa Baler nitong nakalipas na 20 taon. Ito ay magsisilbing venue para sa mga mahahalagang pulong, exhibitions na siguradong magiging isa ring pang-akit sa mga turista, lokal man o dayuhan na nais makita, hindi lamang ang Baler kundi ang kabuuang ng lalawigan ng napakagandang Aurora.


Ito naman pong Philippine-Spanish National Museum, na opisyal na tatawaging National Museum of Baler, ay daragdag din sa tourist destinations sa Aurora dahil makikita sa museong ito ang mga bagay na may kinalaman sa pagkakaibigan ng dalawang bansa, ang kanilang kultura at kasaysayan.


Malaking pasalamat natin sa sikat at napakagaling na arkitekto na si G. Ed Calma dahil siya po ang nagdisenyo ng nasabing museo.


Lubos din ang pasasalamat natin kay Budget Secretary Mina dahil sa pagbibigay din nila ng suporta sa pagpapatayo ng Baler museum sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program.


Dati, pangarap lamang ng aking yumaong ama na mapaunlad at makilala hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo, ang lalawigan ng Aurora at ang bayan ng Baler.


Ngayon, narito na ang katuparan ng kanyang pangarap. Batid natin, masaya siya sa kanyang kinaroroonan lalo pa’t unti-unti nang natutupad ang pangarap niyang pag-unlad para sa kanyang bayan at lalawigan.


Nagpapasalamat din tayo kina Chairman Andoni Aboitiz at Director Jeremy Barnes ng National Museum sa kanilang pagsuporta sa proyektong ito.


Maraming salamat din sa ating Spanish Ambassador to the Philippines Miguel Utray at Chargé ‘d Affaires Richard Espinosa Lobo ng Venezuelan Embassy sa Maynila sa kanilang pakikiisa sa selebrasyon. Asahan n'yo na tuluy-tuloy ang pagpapahalaga natin sa pagkakaibigang ito sa mga darating pang panahon at henerasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page