top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | September 2, 2023


Magandang balita para sa mga kababayan nating may malulubhang karamdaman at nakatira sa malalayong bayan o probinsya. Pinirmahan na kasi ni Pangulong Bongbong Marcos ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng specialty health centers sa mga kanayunan – ang Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act. At ang inyong lingkod, isa sa mga author ng batas na ito.


Nagpapasalamat tayo sa Pangulo sa kanyang pagpirma sa batas na ito, dahil napakalaking tulong nito sa mga mamamayang hirap na hirap makakuha ng mahahalagang healthcare dahil sa napakalayo ng kanilang kinaroroonan sa mga specialty hospitals.


Ano ba ang mga specialty hospitals na ito? Kasama r’yan ang Heart Center, Lung Center, Kidney Institute at ang Children’s Medical Center o PCMC.


Ngayong isinabatas na ito ng Pangulo, libre o murang gamutan na ang lalapit sa tao at hindi na sila kailangan pang lumuwas sa lungsod at mamasahe ng napakaraming kasama sa kanilang pagpapagamot o pagpapa-check up.


Nang i-file natin ang ating sariling bersyon kaugnay sa batas na ito noong 2022, isa sa mga naging basehan natin ang isang ulat mula sa University of the Philippines National Health Institute.


Sabi kasi sa report, 6 sa kabuuang 10 Pinoy ang namamatay sa kanilang karamdaman nang hindi man lang nakapagpasuri o nakapagpatingin sa doktor. Ang pinakamatinding dahilan --- kawalan ng perang panggastos.


Sa totoo lang, ang mga kababayan nating mahihirap, mas gagastusan ang pagkain kaysa gamot o pagpapadoktor. Dito nangyayari ang paglala ng kanilang karamdaman na nauuwi sa pagkasawi dahil hindi nga sila nakapagpasuri sa mga dalubhasa. Isa pa, napaka-inconvenient din sa mga kababayan natin sa malalayong probinsya o nayon na bumiyahe pa pa-Maynila o papunta sa kani-kanilang kabisera para makapagpagamot.


Napakahaba ng biyahe at kailangang isama rin ng pasyente sa pamasahe ang mga aagapay sa kanya sa kanyang pagpapaospital. Karamihan ng mga pasyenteng ito, kidney patients o mga batang may sakit o mga kaso ng pediatric diseases.


Nakakalungkot na gustuhin man ng mga kababayan natin na makapagpagamot at gumaling sa matinding karamdaman, hadlang naman ang kahirapan. Sa pamasahe pa lang kasi, ubos na ang pera nilang naitatabi. Paano pa ang pagkain nila sa kanilang paghimpil sa lungsod?


Mas pinipili kasi nila ang government o public hospitals dahil wala naman din silang panggastos sa mga pribadong ospital. Kaya, napakalaking bagay itong batas na ito. Malaking kaginhawahan sa mga kababayan natin.


Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Department of Health na magtatag ng specialty centers sa mga government hospitals sa bawat rehiyon. Ang ibig sabihin, parang satellite centers ng PCMC, NKTI, Lung Center, at Heart Center.


Ang mga pasyente na ipa-prioritize sa specialty centers ay ‘yung mga talagang malubha na ang karamdaman at walang-wala sa buhay.


Ayon pa rin sa bagong batas, sa loob ng limang taon simula nang malagdaan ito ng Pangulo ay kailangang nakapagtatag na ang DOH ng at least tig-iisang specialty center sa mga rehiyon.


Napakatagal na nating adbokasiya ito – ang pagkakaroon ng specialty centers sa malalayong probinsya o sa mga kanayunan.


Taun-taon naman, bilang tayo ang chairman ng Committee on Finance sa Senado, sinisiguro natin na tumataas ang pondo ng ating specialty hospitals upang maibigay sa mga pasyente ang kaukulang healthcare. At ngayon ngang batas na ito, titiyakin ng ating komite na sa ilalim ng General Appropriations Act o taunang pambansang pondo ay mailalagak ang kinakailangang badyet para sa implementasyon ng bagong batas na ito.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 26, 2023


Sa nakaraang briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado, kaugnay ng P5.768 trilyong 2024 national budget, naibulong sa atin ng kasamahan at kaibigan natin na si Sen. Nancy Binay ang tungkol sa ginagamit na toilet paper ng kanyang opisina.


Natatawa niyang sinabi na ‘yung imported nilang tissue paper, konting basa lang, nagkakapunit-punit na at dumidikit sa kamay dahil sa sobrang kanipisan. At ang presyo, murang-mura sa 7 pesos.


Sabi nga niya, malayung-malayo raw ang kalidad ng toilet paper natin kumpara sa mga imported tissue paper. Mas mahal man ang produkto natin, mas may tibay ka namang maaasahan. Mas makapal, at hindi basta-basta nagpupunit-punit. Totoo naman. ‘Yung imported tissue papers, akala mo nakamura ka, pero maya-maya ubos na dahil sobra nga kasing nipis. Pero ‘yung sa atin, dahil makapal, kahit tatlong folds lang ang kunin mo, tipid ka pa rin.


Naalala ni Sen. Nancy ‘yang tungkol sa tissue dahil gusto niyang malaman kung ano ba ang umiiral na polisiya ng gobyerno tungkol sa pagtangkilik natin sa mga produktong sariling atin. At maiuugnay din natin ang bagay na ‘yan sa isinusulong nating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy.


Katunayan, may proposed bill na tayo rito, na nakatutuwa namang binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA nitong nakaraang buwan. Isa ang Tatak Pinoy bill sa priority measures ng kanyang administrasyon.


Sa totoo lang, may punto naman si Sen. Nancy. Dapat talaga, tayo mismong mga Pilipino, tangkilikin natin ang sarili nating mga produkto. Karamihan naman talaga ng mga bansa, tumatangkilik sa sariling produkto nila, bakit hindi rin natin gawin? Dapat, manguna ang gobyerno o maging ehemplo sa ganitong sistema – sumuporta nang todo sa Pinoy products.


Simulan natin sa pagsunod sa iniaatas ng ating procurement laws. Sa umiiral na implementing rules and regulations ng RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act, makikita rito ang isang probisyon na nag-aatas sa procuring entities na mas bigyang prayoridad ang mga materyal at supplies na gawang Pilipinas. At ibigay ang pagkakataon sa lowest domestic bidder, sa kondisyong hindi hihigit sa 15% ang bid nito sa foreign bid. At para maipaalala natin sa mga ahensya ng gobyerno ang probisyong ito, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagtangkilik at pagsuporta natin sa mga lokal na industriya sa ilalim ng taunang General Appropriations Act.


Madalas na itinuturong dahilan ng Government Procurement Policy Board at ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) kung bakit hindi napapabilang sa government bidding process ang mga local companies ay ang kawalan nila ng domestic bidders certificate na ibinibigay ng Department of Trade and Industry o DTI.


Habang nasa DBBC briefing tayo nitong nakaraang linggo, binanggit sa atin ng PS-DBM na kabilang sa mga requirement para sa prospective bidders ang ‘karanasan’. Ibig sabihin, kailangang napabilang na sila sa ganitong proseso nang mga nagdaang panahon at matagal na rin sila sa kalakalan na mapatutunayan ng procuring entity.


Dapat ay may tatlo hanggang limang taon na sila sa operasyon.


Ang sistemang ito ang malaking problema kung bakit marami sa mga supplier ang hindi makapasok sa bidding, lalo na ang small and medium entrepreneurs, at ang start-ups o ‘yung mga negosyong nagsisimula pa lang.


Bilang sagot, nagpanukala tayo na kung maaari ay gawing gradated o classified ang pagpapatupad ng nasabing requirement. Kailangang isaalang-alang din ang uri ng kanilang negosyo. Ang complex services tulad ng construction of power plants ay pasok sa longer track record, pero ang mga simpleng pagsu-supply ng common products tulad nga ng toilet paper, dapat iklasipika sila bilang smaller at newer suppliers.


Ang ating Tatak Pinoy bill ay naglalaman ng probisyon na pumapabor sa local industries. Isinasaad natin dito na mas unahin o gawing prayoridad ang local or domestic manufactured products, supplies and materials.


Hiling natin sa ating government procuring entities, tulungan ang maliliit at mga nagsisimulang negosyo sa bansa na makalahok sa supply contracts. Sa pamamagitan kasi nito, magkakaroon sila ng kaukulang karanasan sa sistema.


Sa mga ganitong pagkakataon, nararapat lang naman na manguna ang gobyerno sa pagbibigay ng oportunidad sa mga negosyanteng Pinoy. Sa totoo lang, nag-level up na ang mga consumers, nag-level up na ang local producers, hinihintay na lang ang aksyon ng gobyerno.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 19, 2023


Nitong mga huling araw, sinimulan na ng Senado ang deliberasyon sa panukalang P5.768 trillion national budget para sa taong 2024. Pinasimulan ito sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee o DBCC kung saan ipinaliwanag nila ang mahahalagang punto ng proposed budget.


Base sa batas, mauuna ang Mababang Kapulungan sa pagdinig sa panukalang national budget.


Pero para lamang mas mapabilis ang nakatakdang pagdinig ng Senado ukol dito, pinasisimulan na rin natin ang hearings ng National Expenditure Program (NEP) sa pangunguna ng ating komite, ang Committee on Finance.


Mula nang maupo tayong chairman ng Finance Committee ng Senado, ito na ang panlima nating budget measure na pangungunahan natin. Sa totoo lang, napakabigat ng usaping ito. Sino ba naman ang magsasabing madali? Limitado ang pondo na dapat mapagkasya natin sa napakaraming mahahalagang programa ng gobyerno.


Napakahirap, lalo pa’t bumabangon pa lang ang ekonomiya natin sa dagok ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang nakikita nating nagpapalakas sa 2024 proposed budget ay ang pagkaka-focus nito sa mga darating na panahon na naaayon sa Medium Term Fiscal Framework. ‘Yan din naman ang sinabi ni Pangulong BBM sa kanyang nakalipas na SONA, na ayon sa Department of Finance ay magsisilbing ‘blueprint’ o plano ng gobyerno sa muling pagpapalusog sa ekonomiya ng bansa na titiyak sa tuluy-tuloy na pagbangon nito.


Matatandaan na kabilang sa mga prayoridad ng gobyerno para sa susunod na taon ang food security – seguridad sa pagkain. Siguro naman, batid nating lahat kung paano pinasasakit ng pagsirit ng presyo ng iba’t ibang pangangailangan tulad ng pagkain ang mga ulo natin. Pati presyo ng gulay, karne, isda, nagtataasan nitong mga huling araw.


Ano nga ba ang dahilan?


Pinagpatung-patong na problema tulad ng low production, high transport costs at siyempre – ang palaging pagdating ng bagyo. ‘Di nga ba, dalawang bagyo ang sumalakay sa atin nitong nakaraan lang? Malawakang baha ang inabot ng napakaraming lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsya.


Dahil d’yan, inabot ng kamalasan ang agrikultura, lalo na sa Central Luzon at iba pang mga lugar.


Partida pa, El Niño tayo ngayon, na akala natin ay magiging dahilan ng matinding tagtuyot sa bansa sa mga darating na buwan.


Sa ilalim ng bagong 2024 national budget, isa ito sa tututukan, gayundin ang mga programang susuporta sa ating mga magsasaka at mangingisda. Kasama sa susuportahan ang programang tutulong kung paanong mapatataas ang kanilang produksyon na magiging paraan din upang maging panatag ang dami ng suplay, gayundin ang presyo ng mga bilihin.


Isa rin sa mga prayoridad ng 2024 national budget ang pagpapababa sa transport and logistics cost sa pamamagitan ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura na kabilang sa proyektong Build Better More ng kasalukuyang administrasyon. Malaking halaga naman ang nais ilaan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng kanilang Rail Transport, Land Public Transport, Aviation Infrastructure, and Maritime Infrastructure Programs. Karamihan sa mga proyekto, posibleng hindi naman agad matatapos, pero ang mahalaga, may nakalaan nang pondo para sa mga ito, at posibleng kakayaning abutin sa target dates.


At isa pang magandang nilalaman ng proposed 2024 budget, tuluy-tuloy na popondohan ang pagpapalakas sa ating health system. Kabilang dito, ang health facilities enhancement program at ang pagpapalakas sa operasyon ng mga DOH-run hospitals. Pangatlo ang health sector sa pinaglaanan ng malaking budget sa ilalim ng 2024 proposed budget, na pinangunahan ng education at public works. Kailangang-kailangang palakasin na talaga natin ang health system natin upang hindi na mangyari noon na para tayong ginulantang ng pandemic ng COVID-19 dahil hindi talaga tayo nakahanda nang mga panahong ‘yun. Pero ngayon, natuto na tayo.


Tututukan din ng 2024 budget ang digital economy, kung saan, matatandaan na nagpanukala ang administrasyong Marcos ng 60 percent increase sa mga pondong ilalaan sa ICT at digitalization.


Kasama sa programa ang improvement ng internet, na problema natin ang kabagalan, sa pamamagitan ng National Broadband Plan, ang National Government Data Center Infrastructure at ang National Government Portal.


Sa promosyon ng sustainability sa ilalim pa rin ng bagong national budget, kasama ang mga programang magsusulong sa flood control, water sufficiency, coastal and marine resources management, gayundin ang pangangalaga sa ating mga kagubatan. At para masiguro rin ang kaligtasan ng mga komunidad, sisiguruhin ng gobyerno na lahat ng mga residente ay may sapat na suplay ng malinis na tubig.


Alinsunod naman sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Pinoy advocacy, isinasaad pa rin sa proposed budget ang pagpopondo sa mga programang magpapalakas sa research and development (R&D) and innovation. Kabilang d’yan ang patuloy na pagsuporta sa Innovation Fund, R&D sa ating state universities and colleges, ang Small Enterprises Technology Upgrading at ang Science for Change Programs sa ilalim ng Department of Science and Technology.


Sa mga darating na buwan, mangunguna ang ating komite – ang Senate Finance Committee, katuwang ang ating napakagagaling at maaasahang vice chairpersons sa pagdinig sa mga panukalang budget para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Tulad ng mga ginawa na rin natin noong mga nakaraang taon, tuluy-tuloy ang ating gagawing pagdinig upang matiyak na maaaprubahan ang national budget sa takdang panahon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page