- BULGAR
- Jul 10, 2020
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 10, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Loida na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Sumakay ako ng jeep papunta sa Cubao. Nagtataka ako dahil ang jeep ay hindi sumunod sa regulasyon na may mga plastic divider sa mga upuan. ‘Yung jeep sa panaginip ko, ‘yung dating hitsura ng jeep.
Bumaba ako dahil kinabahan ako at sabi ko, baka holdaper ‘yung driver, pero nang bababa na ako, nabosesan ko siya. Taga sa amin pala siya at mabait na tao, kaya lang, nasa baba na ako kaya hindi na ako sumakay ulit.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Loida
Sa iyo Loida,
Masyadong kang nainip dahil sa matagal na hindi paglabas ng bahay o matagal-tagal ka na ring hindi nakakapunta sa Cubao. Ito ang dahilan kung bakit napanaginipan mo na nasa jeep ka papunta sa Cubao.
Labanan mo ang iyong pagkainip. Baka hindi makabuti sa iyo na pumunta sa Cubao dahil mas maraming may sakit sa Cubao kaysa sa mga ibang bayan o siyudad.
Kung hindi naman gaanong mahalaga ang gagawin mo, mas magandang sumunod ka pa rin sa utos ng mga awtoridad na “stay at home” kahit na parang niluwagan ang pagpapatupad ng quarantine sa mga bayan.
Ang niluwagan o nagluwag ay para lang sa mga maghahanapbuhay dahil kailangan nang mabuhay ang ekonomiya. Ibig sabihin, ang stay at home pa rin ang dapat na gawin.
Ang kapitbahay mong mabait na sa panaginip mo ay naging driver ng jeep ay nagsasabi na ang relasyon ng magkakapitbahay sa inyong lugar ay nasa magandang kalagayan.
Ibig sabihin, maraming mababait at isa na rito ang driver sa iyong panaginip.
Mapalad ka dahil sa ibang lugar, ang mga tao ay nabubuhay nang kani-kanya at parang hindi magkakakilala. Sa barangay na mababait ang mga tao, kakaunti ang krimen dahil ang gumawa ng hindi maganda ay nakararanas ng “isolation.”
Hindi ito ‘yung ia-isolate tulad ng may COVID-19 para hindi makahawa, ito ay ang hindi nakikitang sistema sa mga komunidad na kapag hindi matino ang isang tao, walang kumikibo sa kanya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




