- BULGAR
- Jul 29, 2020
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 29, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Oneck na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nasa tabing-dagat ako, tapos namumulot ako ng shells at isda. Nag-iisa lang ako at ‘yung ibang isda ay iniihaw ko. Tapos, muli akong pupunta sa dagat, sisisid, tapos may mga octopus akong nakukuha. Hindi man karamihan, pero iniisip ko na matutuwa si misis ‘pag inuwi ko ang mga nakuha ko dahil sariwa at masarap na ulam.
Malayo ako sa dagat ngayon at nasa Nueva Ecija ko. Rito ako nag-stay at ang negosyo ko ay ang mamili ng mga gulay tapos ibebenta ko sa mga traders. Maliit lang ang kita pero okey naman. Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Oneck
Sa iyo Oneck,
Ang dagat ay simbolo ng paglayo kung saan namamalagi ang nanaginip. Mahirap ang malayo sa mga mahal sa buhay. Minsan kahit naman nag-iisa, ang lumayo sa sariling bayan ay mahirap din matanggap ng kalooban.
May mga bagay sa mundo na sadayang mahirap pero kailangang gawin para sa ikabubuti ng buhay o kalagayan.
Sabi ng iyong panaginip, kung nasaan ka ngayon, may suwerte ka. Kaya ang iyong panaginip ay nagpapayo rin na talasan mo ang iyong isipan nang sa gayun ay mapakinabangan mo nang husto ang pagiging malayo mo sa inyo.
Ang pahabol na payo ay maging mapagpahalaga ka sa mga biyayang napasasaiyo.
Huwag kang tutulad sa iba na dahil mahirap sa malayo at malungkot, inuubos ang kinita dahil sinasabing sila ay nagsasaya lang naman.
Palagi mong iisipin na kaya ka nasa malayo ay para maghanapbuhay, kaya dapat lang na ang paghahanapbuhay ang iyong tutukan. Huwag mo ring kaliligtaan na kaya ka naghahanapbuhay ay para magkaroon ng magandang kinabukasan ang iyong mga minamahal.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




