ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 7, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Meriam na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Tuwing ala-1:00 ng hapon, natutulog ako kasabay ng mga anak ko. Noong mga nakaraang araw, dalawang beses akong nanaginip na nagising ako sa aking pagtulog na madilim ang langit. Kakaiba sa panaginip ko dahil alam kong hapon nu’n, kaya nagtataka ako kung bakit madilim ang langit. Ano’ng ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Meriam
Sa iyo Meriam,
Kapag ang tao ay nabubuhay sa panahon ng matinding agam-agam o sobrang pag-aalala dahil sa mga nakakatakot na kaganapan, na walang nakikitang kaliwanagan kung kailan magtatapos ang mga araw ng pag-aalala, siya ay mananaginip ng tulad ng panaginip mo na madilim ang langit kahit tanghaling-tapat.
Ibig sabihin, masyado kang naaapektuhan ng COVID-19. Hindi mo man aminin, ito ay masasalamin na nasa iyong kalooban. Bagama’t nakakatakot ang panahon ngayon dahil sa pandemya, panatilihin mo ang iyong katatagan dahil may mga anak ka at kailangan ka nila.
Sa panahon ng pagkabagabag o ang mga tao ay ninenerbiyos, magandang maalala ang nakasulat sa Banal na Kasulatan na nagsasabing, “There are three that bear in heaven, Hope, Faith and Love.”
Kaya, panatilihin mong buhay ang ningas ng iyong hope o pag-asa nang sa gayun ay hindi ka maging negatibo. Ang pag-asa ay ang nakatingin ang tao sa dako pa roon ng kanyang landas na tinatahak ay may positibong kapalarang naghihintay.
Alam mo rin, ayon sa mga sikolohista, kapag ang tao ay positibo, lumalakas ang kanyang immune system na higit kailanman ay kailangan ng lahat ng tao.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




