top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 19, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Bernadette na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Sumakay ako sa jeep at pumunta sa kaibigan ko dahil siya ay may sakit, pero may nakabantay sa bakuran nila at hindi ako pinapasok. Ngayon ay nag-aalala ako, as in, naiisip ko na baka magka-covid ‘yung kaibigan ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Bernadette

Sa iyo Bernadette,

Sa kasalukuyang itinatakbo ng COVID-19 pandemic, ang lahat ay puwedeng magkasakit—ikaw, ako at maging ang iyong kaibigan. Ibig sabihin, wala gaanong kinalaman ang iyong panaginip sa kung ang kaibigan mo ay tatamaan ng sakit.


Ang panaginip mo ay may kinalaman sa iyo na nagsasabing masyado kang naaapektuhan ng mga balita na araw-araw ay libu-libo ang nadaradag sa bilang ng nagpopositibo sa COVID-19.


Sa biglang tingin, nagiging negatibo ka, pero hindi ka naman masisisi dahil malaking negatibong kaganapan sa Pilipinas na hindi kontrolado ang virus. Kumbaga, totoong walang powers ang pamahalaan na hadlangan ang pagdami ng mga nagkakasakit.


Wala rin naman tayong magagawa, pero may mga bagay na puwede nating isabuhay tulad ng pagkain ng maraming prutas, pag-inom ng vitamins at food supplements.


Puwede rin naman tayong magpasikat sa init ng Haring Araw dahil free naman ito.


Gayundin, puwede tayong pumunta sa lugar na mataas kung saan mahangin. Libre rin ito kaya puwedeng-puwede nating gawin. May paglilinaw, kaya sa lugar na mataas tayo dapat magpahangin ay dahil maaaring hindi maganda na magpahangin sa mababang lugar.


Ito ay dahil na rin hanggang ngayon ay pinagdududahan pa ng mga scientist ang mga pahayag ng ahensiya ng pamahalaan na ang COVID-19 ay hindi airborne.


Sa mababang lugar, kung nagkataong airborne, magkaka-COVID tayo, kung sa mataas na lugar o sa itaas ng building, kung airborne o hindi, mas malaki ang tansa na walang virus ang hangin.


Dahil ang airborne na COVID ay ang virus na mula hininga o bibig, ilong at iba pang bahagi ng katawan kung saan ‘pag ito ay tinangay ng hangin, maaaring mapunta sa atin ang virus.


Sa mataas na lugar, tiyak naman na ang COVID-19 ay hindi kikilos pataas kahit pa nasa hangin at lilipad paitaas. Kaya nakatitiyak tayo na sa itaas ng building na walang ibang tao kundi ikaw ay walang mikrobyo o virus.


Ito ay kung nasa urban area ka, pero mas maganda kung nasa probinsya sa bukid o ekta-ektaryang taniman ng mga halamang pagkain o sa maraming halaman na hindi gaanong pinupuntahan ng mga tao tayo dapat magpahangin.


Muli, makikitang nagiging negatibo ka dahil pati ang iyong panaginip ay negatibo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 18, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ester na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Napanaginipan ko si papa, pero sa totoong buhay ay limang taon na siyang patay. Bakit dalawang beses ko na siyang napanaginipan sa magkasunod na gabi?

Naghihintay,

Ester

Sa iyo Ester,

Para sa ating mga Pinoy, ang ama ay haligi ng tahanan. Kaya ang pamilya ay matibay at hindi basta nabubuwal dahil si tatay ang nagmamahal sa atin.


Kapag ang ama ay napanaginipan, ipinaaalala sa anak na nanaginip na siya ay dapat maging matapang at handang harapin ang mga hamon ng kapalaran tulad ng ginagawa ng kanyang ama nang siya ay nabubuhay pa.


Kaya madali lang naman malaman kung bakit ang ama na patay na ay napanaginipan dahil ibig sabihin, ang nanaginip ay naduduwag sa buhay.


Ester, maging matapang ka dahil inaasahan ng papa mo na hindi masasayang ang mga ipinakita niyang tapang sa iyo nang siya ay nasa lupa pa.


Lakasan mo ang iyong loob dahil ito ang gusto ng papa mo. Hindi puwedeng mamalagi kang duwag at mahina dahil kapag ito ay nagpatuloy, matutulad ka sa mga dahon na tinatangay ng malalakas na hangin at walang kakayahang labanan ang ihip nito.


Kapag ganu’n ang nangyari, dadalhin ka lang kung saan-saan, masasaktan ka at makikitang ikaw ay nag-iisa at luhaan.


Ayaw ng papa mo na maging ganu’n ka, kaya muli, lakasan mo ang iyong loob. Tapang ang kailangan mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 17, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Regine na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Bakit napanaginipan ko na umaani ako ng pechay na tanim ko? Sa totoong buhay, wala na akong tanim na pechay dahil tinamad na ako kasi hinihingi lang mga tao.

Naghihintay,

Regine

Sa iyo Regine,

Nakatutuwa ang sinabi mo na hinihingi lang ng mga tao ang tanim mong pechay kaya hindi ka na nagtanim. Magtanim ka ulit dahil mas maganda ang nagtatanim kaysa sa nanghihingi.

Damihan mo ang iyong tanim dahil mas maganda ang mas maraming itatanim. Sa pagtatanim, papawisan ka dahil isang klase ito ng ehersisyo.

Pansinin mo ang mga nagja-jogging, naka-uniform pa sila at ang gusto ng bawat isa, ‘yung uniform niya ay mas maganda at mas mahal kaysa sa suot ng kapwa niya. May terno pa nga itong sapatos na mamahalin din.

Balewala lang sa kanila ang mahal na uniform dahil ang mas importante ay pawisan sila at habang pinapawisan sila, mas sumasaya sila.

Kapag pinawisan ka habang nagtatanim, masaya ka. Kaya magtanim ka lang nang magtanim at sa tuwing papawisan ka, muli, dapat ay masaya ka. Kumbaga, hindi naman na mahalaga kung ano ang nangyari sa tanim mo dahil nakuha mo na ang pinakamahalaga at ito ay ang pinagpawisan ka. At kung gumanda o namunga, ito ay dagdag na saya lang dahil muli, nang pinawisan ka, natumbasan na ang hirap at pagod mo.

Kung namunga at hihingin ng mga tao, eh ‘di nakatulong ka pa dahil tiyak din na may iuulam na sila. Kung ikaw naman ang umani at iniluto mo, muli, ito ay dagdag na saya lang para sa iyo.

Sabi ng iyong panaginip, kailangan mong mag-ehersisyo. Mahal ang uniform sa pagja-jogging at kung ibang paraan naman ng pag-e-ehersisyo, mas mahal ang mga gastusin.

Kaya mas magandang magtanim kaysa sa regular na pag-e-ehersisyo dahil wala namang gastos pagtatanim. Kapag pinaiwasan ka, nakuha mo na ang layunin mo at kung may umani na iba o ikaw ang umani, muli, ang mga ito ay dagdag-saya.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page