- BULGAR
- Sep 9, 2020
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 9, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Zelly na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Kausap ko ‘yung hinahangaan kong manghuhula. Sabi ko sa kanya, “‘Di ba, lahat ng hula mo ay nagkakatotoo?” Sagot niya, “Oo.” Inulit ko pa, pero iisa lang ang sinasabi niya.
Dumating na ‘yung bisita ng dati kong amo. Nag-impake ako at paalis na sa bahay. Nakakita ako ng malaking itim na maleta, pero hindi ko ‘yun dinala dahil kaunti lang naman ang dadalhin ko. Pinakita ko ‘yung laman ng bag ko sa katulong.
Nakita nu’ng katulong na may pulang bulaklak at singsing na puti. Sabi niya, sa kanya raw ‘yun, sagot ko naman, “Akin ‘yan.” ‘Yung pendant ‘yung sa kanya at parang kristal na puti ‘yung singsing.
Pakiramdam ko, aalis talaga ako sa bansa, pero hindi ko matiyak kung kailan. Sana ay ma-interpret n’yo ang panaginip ko dahil mas mahusay kayo sa ganitong larangan. Salamat at God bless!
Naghihintay,
Zelly
Sa iyo, Zelly,
Magkakatotoo ang pangarap mong makapag-abroad dahil ito mismo ang sinabi sa iyo ng hinahangaan mong manghuhula. Kaya mo siya hinahangaan ay dahil ang kanyang mga hula ay tama at nagkakatotoo.
Pero hindi pa ito mangyayari ngayon, kaya ‘yung pakiramdam mo na aalis ka at malapit na malapit na ay wish mo lang. Ibig sabihin, kung puwede ay makaalis ka na ngayon din.
Ang bakuna kontra COVID-19 para sa mga Pilipino ay sa susunod na taon pa darating. Hindi lahat ay sabay-sabay na mababakunahan, kumbaga, unti-unti lang ang pagbabakuna.
Kaya ang karamihan ay sa 2022 pa matuturukan. Ikunsidera pa ang nakasanayan dito sa atin na palakasan—mauuna ang mga namumuno o opisyales ng gobyerno.
‘Yung mga nasa korte, payag kaya sila na mahuli? Siyempre, hindi!
Ang mga magbabakunang taga-health department, papayag din ba sila na hindi sila ang mauna? Siyempre, hindi!
Sinabi na uunahin ang mga militar at pulis, ibig sabihin, mahuhuli ang mga pangkaraniwang mamamayan. Baka nga maubusan pa sila at sabihin na lang ng gobyerno na may paparating pa.
Hindi naman kayang pigilan ng gobyerno na mauna sa pagkuha ng bakuna ang mayayaman. Kung iiral ang nakasanayan na palakasan, siyempre, kasama sa mauuna ang kaanak at empleyado ng mga opisyal ng pamahalaan.
Dahil dito, hindi dapat umasa ang mga pangkaraniwang mamamayan na sila ang uunahin, kahit ang dahilan ay mag-aabroad na siya. Sa new normal, hindi gugustuhin ng mga bansang papasukan ng mga Pinoy na hindi nabakunahan ang tatanggapin nilang manggagawa, lalo na ang mga caregiver at domestic helper.
Ayon sa iyong panaginip, makapag-aabroad ka, pero muli, hindi pa sa malapit na hinaharap.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




