- BULGAR
- Aug 18
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 18, 2025
Photo: FP
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang ama ng tahanan, nasa kalagitnaang edad (middle age) na ako. Awa ng Dios ay malusog ang aking pangangatawan, wala akong sakit at walang maintenance medications. Maingat ako sa aking mga kinakain at katamtaman din kung ako ay kumain. Isa pa sa aking pamamaraan upang mapanatili ang aking kalusugan ay ang pagtulog ng sapat, 7 hanggang 8 oras gabi-gabi.
Isa sa aking mga regular na exercise ang madalas na paglalakad. Ayon sa aking pagbabasa, upang makuha ang mga health benefits ng walking exercise ay kinakailangang maka-10,000 steps kada araw. Bagama’t pinipilit kong maabot ito, dahil sa kakulangan ng panahon ay hindi ko ito nagagampanan. May health benefits ba ang walking exercise kahit hindi maabot ang 10,000 steps? Anu-ano ang health benefits nito?
Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. Regular akong nagbabasa ng BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Josephine
Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Marami na ang mga pag-aaral tungkol sa walking exercise at health benefit nito na pagbaba ng risk ng pagkamatay sa iba’t ibang kadahilanan (all-cause mortality). May mga pag-aaral na rin na ito ay may mabuting epekto sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng sakit.
Ayon sa mga nasulat na, noong 1960s habang naghahanda ang Japan sa 1964 Tokyo Olympics ay tumaas ang awareness ng Japanese population sa pag-e-exercise bilang paraan upang maging malusog ang pangangatawan. Kasabay din nito ang pag-introduce sa Japanese market ng modern pedometer. Ito ay isang gadget na maaaring isabit sa beywang upang mabilang ang numero ng steps sa paglalakad o pag-jogging. Unti-unting naging popular ang pedometer at ang walking at jogging bilang ehersisyo. Naging rallying slogan ng mga dedicated walkers ang “Manpo-Kei” o “10,000 steps” at dumami ang mga walking clubs sa Japan kung saan ang daily goal ng mga miyembro ay 10,000 steps. Mula sa Japan ay kumalat na sa buong mundo ang 10,000 steps bilang daily exercise goal.
Katulad ng tanong ninyo, ang tanong ng marami ay kinakailangan ba na makumpleto ang Manpo-Kei o 10,000 steps upang makamit ang health benefits ng walking exercise?
Ito ay isa sa mga katanungan ng mga scientist sa kanilang pinakabagong pag-aaral. Ito ay isang systematic study at meta-analysis ng mga scientific research mula January 2014 hanggang February 14, 2025. Isinagawa ito at pinangunahan ng mga scientist mula sa Sydney School of Public Health ng Faculty of Medicine and Health sa University of Sydney. Nasa 57 research studies ang isinama sa systematic review at 31 studies naman ang kasama sa meta-analyses.
Ayon sa nabanggit na study, 7,000 steps per day ang nakakapagpababa ng risk sa lahat ng mga health outcomes na kasama sa pag-aaral. Sa madaling salita, upang bumaba ang iyong risk sa lahat ng mga sakit na kasama sa pag-aaral katulad ng sakit sa puso, diabetes, dementia, cancer, depression at all-cause mortality, 7,000 steps ang nararapat na maging daily number of steps goal ninyo.
Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang health benefits ang paglalakad na mas mababa sa 7,000 steps. Ayon sa pag-aaral na ito, may mga health benefit sa mas mababang steps at ang risk reduction sa iba’t ibang uri ng sakit ay tumataas habang tumataas ang number of steps per day. Kahit sa 2,000 steps per day ay may mga nakitang health benefits na. Kaya’t anuman ang total number of steps na inyong naisagawa sa isang araw ito ay makakatulong upang makaiwas sa sakit.
AnG pag-aaral na nabanggit sa itaas ay na-publish nito lamang August 2025 (Volume 10, Issue 8) sa The Lancet-Public Health, isang scientific journal na sikat sa buong mundo.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com










