top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Oct. 22, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay 26 years old, at kasalukuyang empleyado sa isang national government agency. Ako ay inyong masugid na tagasubaybay.


Dahil ang aking mga magulang ay parehong may sakit na diabetes ay minabuti ko na regular na magpa-check ng aking blood sugar level. Ang payo ng isang nutritionist ay uminom ako ng kape dahil ito ay makakatulong na mapanatiling mababa ang aking blood sugar. May basehan ba ang payo na ito? May pag-aaral na ba tungkol sa epekto ng kape sa blood sugar?


– Alisandro



Maraming salamat Alisandro, sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ayon sa pinakabagong pananaliksik, nakakatulong magpababa ng blood sugar level ang kape (coffee), at iba pang inumin na may sangkap na caffeine katulad ng tsaa (tea). Ito ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa pangunguna ni Dr. Xujia Lu mula sa Suzhou Medical College of Soochow University sa bansang China na inilathala nito lamang September 17, 2024 sa Journal of Clinical Endocrinology and Metabolism.


Sa pag-aaral na nabanggit, ang mga indibidwal na umiinom ng tatlong tasang kape sa isang araw, na may katumbas na 200 milligrams (mg) hanggang 300 mg ng caffeine, ay mas mababa ng mahigit sa 48 porsyento ang risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke kumpara sa mga indibidwal na hindi umiinom ng kape o sa mga umiinom ng isang tasang kape o katumbas ng mas mababa sa 100 mg ng caffeine.


Ayon sa mga dalubhasa, ang pagbaba ng risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke ay dahil sa epekto ng kape (o sa sangkap nito na caffeine) na pagbaba ng blood sugar level. Ito ay dahil sa pinapaigting ng caffeine ang epekto ng insulin sa ating katawan, dahilan kung bakit mas bumababa ang blood sugar level. Dahil dito bumababa ang risk na tayo ay magkaroon ng diabetes.


May anti-inflammatory effect din ang kape kaya’t bumababa ang risk ng mga coffee drinker na magkaroon ng sakit sa puso (coronary heart disease). Bukod dito, sa tulong ng caffeine, na sangkap ng kape, ay mas mahusay ang paggamit ng ating katawan ng taba (fat) bilang source of energy. Ito ay nakakatulong upang maging mas malusog ang ating katawan at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng diabetes, sakit sa puso at stroke.


Tandaan lamang na ang mga mabubuting epekto ng kape na nabanggit ay nakikita lamang sa mga “moderate coffee drinkers” o doon sa mga umiinom ng 2 hanggang 3 tasa ng kape. Ito ay katumbas ng 200 mg hanggang 300 mg ng caffeine. 


Ayon sa Food and Drug Administration (FDA) ng bansang Amerika dapat limitahan ang pag- inom ng kape hanggang 4 o 5 tasa lamang sa isang araw upang makaiwas sa mga negative effects ng kape, katulad ng insomnia, depresyon, sakit ng ulo, pagtaas ng blood sugar at pagsakit ng sikmura.


Sana ay nakatulong sa inyo ang mga impormasyon na nabanggit. Kumonsulta sa inyong doktor, kumain ng katamtaman, mag-ehersisyo, at sapat na pagtulog at pahinga ang inyong kailangan upang mapanatili ang kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 30, 2024



Sabi ni Doc


Dear Doc Erwin,


Dahil sa matagal nang namamaga ang aking gums ako ay nagpasyang kumonsulta sa isang dentista. Nabanggit ng dentista na may koneksyon ang dental health sa mga sakit ng ating katawan, partikular daw dito ang kanser. 


Ako ay nag-alala sa sinabi ng dentista dahil napabayaan ko ang aking mga ngipin. Sa mga nakaraang taon ay marami ng nasira akong ngipin. Nais ko sanang malaman kung ano ang maaaring epekto ng pagkasira ng ngipin at gum disease sa ating kalusugan, at ano ang puwedeng gawin upang mapangalagaan ang ating dental health. Maraming salamat. — Michael



Maraming salamat, Michael sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganoon din sa iyong pagbabasa ng column at ng Bulgar newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa.


Marami ng mga pag-aaral na isinagawa ang mga dalubhasa sa maaaring epekto ng pagkasira ng ngipin at pagkakasakit sa ating gums o gum disease. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga epidemiologists mula sa Harvard T.H. Chan School of Public Health kung saan sinundan nila ng mahigit 20 taon ang kalusugan ng halos 150,000 na kababaihan at mga kalalakihan. Ayon sa pagsasaliksik na ito, ang mga indibidwal na nagkaroon ng gum disease ay mas mataas ng 52% ang chance na magkaroon ng stomach cancer kumpara sa mga indibidwal na hindi nagkaroon ng gum disease. 


Ayon din sa pananaliksik na nabanggit, mas mataas ng 33 porsyento ang tsansa ng mga indibidwal na nasira ang 2 o higit pa na ngipin na magkaroon ng cancer sa stomach (sikmura). Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa international scientific journal na Gut noong July 2020.


Sa isang pananaliksik na inilathala sa journal na Cancer Prevention Research noong August 2020, ang pagkakaroon ng gum disease ay may mas mataas (17 porsyento) na chance na magkaroon ng serrated polyp, isang uri ng sakit na maaaring maging colon cancer. Mas mataas din ng 20 porsyento na magkaroon ng serrated polyp ang mga indibidwal na nasira ang 4 o higit pang ngipin. 


Sa mga pag-aaral na nabanggit, nakita natin ang kahalagahan ng pag-aalaga ng kalusugan ng ating ngipin upang makaiwas sa posibleng sakit na cancer na maidudulot ng gum disease at pagkasira ng ngipin.


Ayon kay Dr. Mingyang Song isang propesor sa Harvard T.H. Chan School of Public Health kinakailangan na pangalagaan natin ang ating dental health sa pamamagitan ng pag-practice ng oral hygiene. Ipinapayo ni Dr. Song na mag-toothbrush tuwing matapos kumain, gumamit ng dental floss isang beses sa isang araw, gumamit ng mouthwash at kumonsulta ng regular sa dentista.   


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa Bulgar newspaper at sa Sabi ni Doc column.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Abril 9, 2024



ree


Dear Doc Erwin,


Ako ay 39 years old at isang titser sa elementary school. Noong nakaraang taon ay nagkaroon ako ng mga mapupulang patches na may parang kaliskis (scales) sa aking ulo, sa siko at sa tuhod. Matapos kumonsulta sa doktor ay na-diagnose ako na may plaque psoriasis. 


Ano ba ang psoriasis at ano ang dahilan sa pagkakaroon nito? May mga kondisyon ba na magpapalala nito? May mga komplikasyon ba ang psoriasis? Ano ang anti-inflammatory diet? Makakatulong ba ito sa akin? Maraming salamat. Sana ay masagot ninyo ang aking mga katanungan. -- Angelo


Maraming salamat Angelo sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganoon din sa inyong pagbabasa ng column at ng BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga dalubhasa sa sakit na psoriasis.


Ayon sa Mayo Clinic, isang sikat na medical institution sa larangan ng research at panggagamot, ang psoriasis ay isang sakit sa balat kung saan nagkakaroon ng makakating rashes at mga patches sa balat na may kaliskis. Madalas ito sa tuhod, siko, sa likod at sa noon o anit.


May kinikilalang iba’t ibang uri ng psoriasis ang mga dalubhasa. Pinaka-common dito ay ang nabanggit mo na plaque psoriasis. Ang iba pang uri ay ang nail psoriasis, at guttate psoriasis. Mayroon ding pustular, inverse at erythrodermic psoriasis.


Ang psoriasis, ayon sa mga dalubhasa, ay sakit sa immune system na maaaring may genetic at environmental components. Ayon sa paniniwala na ito, inaatake ng immune cells ang balat. Dahil dito mabilis ang pagpapalit ng balat kaya’t nagkakaroon ng mga patches na may kaliskis (scaly patches). Hindi nakakahawa ang psoriasis.


Kung ikaw ay may magulang o ninuno na may psoriasis ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Ang paninigarilyo ay nagpapataas din ng risk, gayon din ng severity nito. 


May mga panahon na maaaring mag-flare up o lumala ang psoriasis, gaya ng malamig na panahon. Ang paninigarilyo, pag-inom ng alak at ilang gamot ay maaaring mag-trigger ng atake ng psoriasis.


Anu-ano ang puwedeng maging komplikasyon ng psoriasis? Ang pagkakaroon ng sakit na psoriasis ay maaaring magpataas ng risk na magkaroon ng ibang sakit, katulad ng obesity, diabetes, high blood pressure, at ang kondisyon na tinatawag na psoriatic arthritis. Maaari ring magkaroon ng sakit sa puso, mata at ibang uri ng autoimmune diseases katulad ng inflammatory bowel disease, sclerosis at celiac disease.


Sari-sari ang mga gamot na ginagamit ng mga dalubhasa upang i-manage ang mga sintomas ng psoriasis. Kasama rito ang costicosteroids, Vitamin D analogues, retinoids, salicylic acid, at coal tar. Ginagamit din ang light therapy katulad ng pagpapa-araw, at pag-expose ng balat sa ultraviolet light. Maaari rin gumamit ang mga doktor ng mga biologics, methotrexate at cyclosporine sa mga moderate at severe cases ng psoriasis.


May mga makabagong pamamaraan din upang makontrol ang mga sintomas ng psoriasis. Isang makabagong paraan ay ang paggamit ng anti-inflammatory diet laban sa psoriasis. Bagama’t ito ay makabagong pamamaraan at kakaunti pa lamang ang mga pananaliksik, naniniwala ang mga dalubhasa na makakatulong ito upang mabawasan ang sintomas ng psoriasis. 


Sa isang pananaliksik sa paggamit ng anti-inflammatory diet laban sa psoriasis na inilathala ang resulta noong 2017 sa scientific journal na Dermatology and Therapy kung saan lumahok ang 1,206 pasyente na may psoriasis. Naniwala ang may 70 porsyento ng mga pasyente na epektibo ang diet katulad ng vegan diet at paleolitic diet upang makontrol ang psoriasis. Ayon din sa kanila, ang pag-iwas sa alcohol, gluten, nightshades at pagdagdag ng fish oil o omega-3 supplement, gulay at vitamin D supplement ay epektibo laban sa sintomas ng psoriasis. Ang mga nabanggit ay kasama sa mga tinatawag na “anti-inflammatory diet”.


Dahil sa nabanggit na pag-aaral, maaaring makatulong ang anti-inflammatory diet sa iyo. Bagama’t iba-iba ang reaksyon ng ating katawan sa mga pagkain, karamihan sa mga sumubok ng anti-inflammatory diet ay nagsasabing ito ay epektibo sa kanila.  


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page