top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | June 18, 2025



Boses by Ryan Sison

Habang milyun-milyong estudyante ang muling nagsimula ng kanilang klase, ang seguridad ng mga bata at ang matagal nang krisis sa sistema ng edukasyon ay dapat nang isaayos at tugunan. 


Isa itong paalala na hindi sapat ang pagbubukas ng klase, kung hindi rin bubuksan ang mas malawak na usapan ukol sa ligtas, at maayos na pagkatuto ng bawat mag-aaral. 


Kasabay ng pagsisimula ng School Year 2025-2026 noong Hunyo 16, iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III sa lahat ng police commanders na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga krimen sa kalsada, at maging ang insidente ng bullying, lalo na sa paligid ng mga paaralan. Aniya, maaaring i-report ang mga kaso ng bullying sa 911 hotline, at agad namang kokontakin ng lokal na pulisya ang kinauukulang eskwelahan upang imbestigahan at tugunan ang sitwasyon. 


Sinabi ni Torre na nakikipag-coordinate na sila sa mga iskul at sisiguraduhin nila na walang bullying. 


Inatasan din ang mga pulis na bantayan ang mga batang estudyante upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw at manloloko, lalo na’t may dalang gadget o cellphone ang marami sa kanila. 


Ayon naman sa Department of Education (DepEd), naging handa ang lahat sa pagbubukas ng klase kung saan tinatayang nasa 27 milyong mag-aaral mula preschool hanggang senior high school ang nagbalik-eskwela. 


Gayunpaman sa kabila ng maayos na operasyon, hindi pa rin nawawala ang mabibigat na suliranin sa sektor ng edukasyon. Kabilang dito ang kakulangan sa silid-aralan, na umabot na sa 165,000. 


Paliwanag ng DepEd, aabutin pa ng hanggang 55 taon upang tuluyang matugunan ang backlog kung hindi mababago ang kasalukuyang bilis ng konstruksyon. 


Napakahalaga para sa lahat na matiyak ang seguridad ng mga estudyante ngayong nagsimula na ang kanilang pag-aaral. Importante ring pagtuunan ng pansin ang mga batayang isyu tulad ng kakulangan at kalinisan sa mga pasilidad, kalidad ng edukasyon, at suporta sa mga guro. 


Marahil, ang pagkakaroon ng mga pulis sa paligid ng paaralan ay isang hakbang upang kahit paano, hindi man agad masugpo ang bullying ay mabawasan at mapigilan ang anumang karahasan sa pagitan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng kanilang silid-aralan.


Sa ganito ring paraan, magkakaroon ng malawak na kamalayan ang pamunuan ng bawat paaralan upang alamin ang mga nangyayari sa mga mag-aaral nang sa gayon ay higit silang mapangalagaan at maproteksyunan. 


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 17, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahong nagsisimula na ang klase ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa kanilang magandang kinabukasan, nararapat lamang na isabay dito ang pangangalaga sa kanilang kalusugan sa pagbabalik-eskwela. 


Ang edukasyon ay hindi nagiging buo kung ang katawan ng mag-aaral ay hindi handang matuto. Bilang bahagi ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2025-2026, naglunsad ang Department of Health (DOH) ng libreng medical check-up para sa mga unang beses na papasok sa paaralan. 


Layunin nitong tiyakin ang maayos na kalagayan ng kalusugan ng mga bata, partikular sa nutrisyon, paningin, at pandinig. 


Ipinahayag ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang inisyatibong ito ay gaganapin sa iba’t ibang pampublikong paaralan, na sinimulan na noong Hunyo 14 sa Pasay City. 

Ayon sa kanya, matapos bigyang pansin ang kalusugan ng mga guro, panahon na upang ituon ang pansin sa mga pinakabata at pinakabagong miyembro ng ating edukasyon. 


Bukod sa medical screening, nakatakda ring simulan ng kagawaran sa Oktubre ang school-based immunization program. Tampok naman dito ang pagbabakuna kontra tetanus-diphtheria at Human Papillomavirus (HPV), na partikular na itinuturok sa mga

batang babae upang maprotektahan sila laban sa cervical cancer. 


Hinimok din ni Herbosa ang Department of Education (DepEd) na tiyaking masustansya ang pagkaing ibinebenta sa mga canteen. Iminungkahi pa niya na maaari nating gayahin ang sistema ng Japan, kung saan may aprubadong meal plans mula sa mga nutritionist upang tiyakin ang balanseng pagkain ng mga bata habang nasa paaralan. 


Marahil ang pagsisimula ng klase ay hindi lamang tungkol sa pagbubukas ng libro o pagbili ng bagong uniporme. Isa rin itong pagkakataon para masiguro ang kabuuang kabutihan ng mga mag-aaral. 


Ang planong ito ng DOH ay nagpapakita ng mas malawak na pananaw sa edukasyon — isang sistemang hindi lamang nakatuon sa kaalaman, kundi pati sa kalusugan at pangmatagalang kapakanan ng bawat mag-aaral. Dahil ang isang batang malusog ay mas handang matuto at mas may tsansang magtagumpay sa buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 16, 2025



Boses by Ryan Sison

Ang tunay na reporma sa edukasyon ay hindi nasusukat sa dami ng plano, kundi sa konkreto at napapanahong aksyon na direktang nararamdaman agad ng mga guro at mag-aaral sa loob ng silid-aralan.


Bago pa magpasukan, naghatid kamakailan ang Department of Education (DepEd) ng libu-libong smart TV, laptop, at aklat sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa — isang hakbang na nagsisilbing senyales ng matagal nang hinihintay na pagbabago sa sistema ng edukasyon. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kapag dumating na sa mga paaralan ang mga kinakailangang kagamitan ay doon na mararamdaman ang tunay na pagbabago. Higit pa sa simpleng pamamahagi ang naturang proyekto, sapagkat nagpapakita ito ng seryosong hangarin ng kagawaran na ihanda ang mga mag-aaral para sa makabagong panahon. 


Sa ilalim ng Early Procurement Activities (EPA) para sa Fiscal Year 2025, umabot na sa 33,539 laptop ang naipamahagi para sa mga guro at 5,360 para sa non-teaching staff. 

Sa Metro Manila, 1,340 laptop ang idi-distribute sa 268 public schools mula Hunyo 16 hanggang 26. Kasama rin dito ang halos 26,000 smart TV package na may external hard drive. 


Sa Region VII (Gitnang Visayas), mahigit 2,300 units ng smart TV package ang matatanggap, habang nagpapatuloy ang pagbili para sa Region IX (Zamboanga Peninsula) at Cordillera Administrative Region (CAR). 


Kasabay nito, minadali na rin ng DepEd ang pagbili ng mga aklat na batay sa bagong K to 10 curriculum. Halos kumpleto na ang mga libro para sa Grade 1, 4, at 7, (99% ang na-procure), habang nasa kalahati o 50 percent na para sa Grade 2, 5, at 8. Ang textbooks para naman sa Grade 6, 9 at 10 ay inaasahang susunod na i-procure ngayong taon at nakaiskedyul na ipamahagi pagsapit ng 2026. 


Bukod sa mga kagamitang ito, patuloy ding ginagamit ang mga karagdagang learning resources tulad ng activity sheets, modules, at digital content mula sa DepEd Learning Management System, Learning Resource Portal, at Likha App. 


Ang mga makabagong kagamitang ito ay hindi lamang maituturing na pisikal na tulong, kundi simbolo ng pagbabago sa pananaw ng pamahalaan sa ating edukasyon. Mas magiging buhay ang pagkatuto, mas maaabot ng mga mag-aaral ang nararapat na kaalaman at mas gaganahan ang mga titser sa pagtuturo dahil sa mga kagamitang ito.  


Gayunman, ang totoong tagumpay nito ay nakasalalay sa wastong paggamit ng mga naturang learning tools — mula sa pagsasanay ng mga guro, pagkukumpuni, hanggang sa aktuwal na pagtuturo sa klase. Ang modernong teknolohiya ay makapangyarihang kasangkapan, pero dapat sa kamay ng mahuhusay na educator at sistemang suportado, dahil ito ang magiging sandigan ng mas inklusibo at kalidad na edukasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page