top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | August 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi simpleng kapilyuhan ang bullying. Isa itong lason sa murang isipan ng kabataan na unti-unting sumisira sa tiwala sa sarili, pagkatuto, at kinabukasan nila. Kaya marapat lamang na ang pagtugon dito ay hindi basta pakiusap kundi isang malinaw na paninindigan ng bawat institusyong pang-edukasyon. 


Dahil dito, opisyal nang nilagdaan ng Department of Education (DepEd) ang revised o binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act 10627. Layunin ng repormang ito na paigtingin ang kampanya laban sa pambu-bully sa mga paaralan, pampubliko man o pribado. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang paaralan ay para sa pagkatuto, at hindi sa pananakot o pananakit. Matatandaang, isa siya sa mga may-akda ng batas noong siya’y senador pa, at ngayon ay siya na ring lumagda ng mga patakaran para sa mas epektibong pagpapatupad nito. Lahat ng paaralan ay inaatasang gumawa ng konkretong hakbang laban sa bullying, kabilang na rito ang paglatag ng prevention programs, maagang interbensyon, at malinaw na proseso sa reklamo at apela. 


Nilinaw din ang responsibilidad ng mga guro, magulang, tagapamahala, at estudyante upang walang insidenteng mababalewala. Bahagi naman ng bagong IRR ang pagtalaga ng Learner Formation Officer na magsisilbing unang takbuhan ng mga biktima at tututok sa bawat kaso. Hindi rin kinakaligtaan ang mga hindi pisikal na pananakit tulad ng panlalait, pang-iinsulto, at social exclusion, dahil lahat ng anyo ng pambu-bully ay may epekto. 


Pinalalakas din ang anonymous reporting system para sa mga biktimang natatakot magsalita, at may 30 araw ang bawat paaralan para imbestigahan at resolbahin ang reklamo. Bukod dito, sisiguraduhin ng DepEd ang aktibong Child Protection Committee sa bawat eskwelahan, habang isasama naman ang anti-bullying protocols sa student handbooks. Sa panibagong IRR na ito, hindi lang basta pangako ang ipinapakita ng DepEd, kundi konkretong pag-aksyon at paninindigan. 


Gayunpaman, ang tunay na tagumpay nito ay nasa pagsasabuhay ng mga guro, magulang, at mag-aaral ng respeto, pakikiisa, at malasakit. Hindi pa rin sapat ang papel at pirma, kailangan ang disiplina, pag-unawa, at mabilis na pagkilos. 


Bilang isang mamamayan, naniniwala tayong responsibilidad ng bawat isa, hindi lang ng kagawaran ang pagkakaroon ng ligtas na espasyo para matuto. 


Marami na tayong istorya ng mga batang hindi na muling bumalik sa paaralan at ayaw nang mag-aral dahil sa pambu-bully at ito ay hindi na dapat ikibit-balikat lang. Sa bawat gagawing hakbang o reporma sa edukasyon, sana’y isunod ang tunay na pagbabagong may puso at malasakit. Dahil ang mga batang nag-aaral ng ligtas at maayos, ay mga batang may tinatanaw na magandang kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | August 7, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung pakonsuwelo lang ang libreng sakay sa MRT-3 para sa mga may National ID, baka naman mas marami pa tayong dapat ikonsidera bukod sa tatlong oras na benepisyo sa transportasyon tuwing Miyerkules? 


May silbi ang promo na ito upang hikayatin ang paggamit ng National ID, pero sapat kaya ang isang buwang free ride para sa isang sistemang dapat matagal nang naipatupad at pinakikinabangan ng bawat Pilipino? 


Simula nitong Agosto 6, tuwing Miyerkules ng buwan ng Agosto, partikular sa mga petsang 6, 13, 20, at 27 ay may libreng sakay sa mga commuter sa MRT-3 mula 9:00-11:00 ng umaga at 6:00-8:00 ng gabi. Ang kailangan lang para rito ay National ID, na puwedeng pisikal, printed paper, o digital copy. Basta’t maipakita ito sa security personnel sa service gate ng istasyon ay libreng makakasakay na. 


Ayon sa Department of Transportation (DOTr), layon nitong pasikatin o i-promote ang paggamit ng Philippine Identification System (PhilSys) ID para sa mga transaksyon sa gobyerno at pribadong sektor. 


Dagdag pa nila, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang hikayatin ang publiko na yakapin o gamitin ang National ID bilang pangunahing pagkakakilanlan. 


Sa unang tingin, maganda ang layunin, mas mapapabilis ang access sa serbisyo-publiko, maiiwasan ang double identity, at magiging inclusive umano ang sistema. Subalit, paano ang mga hindi pa nakakakuha ng kanilang ID o hindi pa nakakapagpa-register dito habang ang iba naman ay napakatagal nang naghihintay? 


Masaklap isipin na maraming Pinoy pa rin ang walang natatanggap na card, o ‘di kaya’y may printed copy lang pero hindi ina-accept sa ibang opisina o transaksyon. May mga pagkakataon ding hindi ito kinikilala sa mga bangko o ibang institusyon kahit na ito’y proyekto mismo ng pamahalaan. 


Kung tunay na intensyon ay itaguyod ang paggamit ng PhilSys ID, sana ay siguraduhin munang epektibo at tinatanggap ito sa lahat ng transaksyon, at hindi lamang para gamiting ticket sa libreng sakay. 


Ang promo ay limitado sa ilang oras kada linggo. Hindi rin lahat ng commuters ay may flexible na oras para makahabol sa libreng biyahe sa tren.  


Ang MRT-3 Free Ride promo para sa mga may National ID ay hindi solusyon sa mas malalim na problema sa transportasyon at ID system ng bansa. Kung gusto ng gobyerno na ipalaganap ang paggamit ng National ID, dapat sabayan ito ng transparency, efficiency, at pangmatagalang serbisyo.


Sa ganang akin, hindi sapat ang libreng sakay sa paghikayat sa publiko na gamitin ang naturang ID kung hindi naman effective at universally accepted ito sa mga transaksyon. 

Nawa ang problema sa transportasyon ay mabigyan ng matinong solusyon at hindi panandalian lamang, habang ang National ID law ay maipatupad ng tama at maayos.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | August 6, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala ang teknolohiya ngayon, dahil sa bilis at husay nito, at dahil na rin sa mga taong gumagamit sa maling paraan — para manlinlang, manira ng reputasyon, o gumawa ng pekeng endorsement. 


Kaya isinusulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Senate Bill No. 782 o Physical Identity Protection Act — isang panukalang batas na layong parusahan ang sinumang gagamit ng artificial intelligence (AI) upang kopyahin o gamitin ang pisikal na anyo ng isang tao nang walang pahintulot. 


Sa ilalim ng panukala, malinaw na ipinagbabawal ang paglikha, pag-generate, pag-upload, o pagkalat ng AI-generated content na ginamitan ng mukha o anyo ng ibang tao para sa layuning manloko, pagkakitaan, o simpleng paninira. Maging social media, digital ads, o AI-generated videos ay sakop ng batas. Ang sinumang lalabag ay papatawan ng mabigat na parusa, mula isang taong kulong at multang P200,000, hanggang 12 taong pagkabilanggo at P1 milyong multa, depende sa bigat ng ginawa. 


Mas lalong pinatindi ang parusa kung ang gumawa ng paglabag ay isang opisyal ng gobyerno, na hindi lang makukulong kundi tuluyan nang mawawalan ng karapatang manungkulan sa alinmang sangay ng pamahalaan. 


Ayon pa kay Escudero ang teknolohiya ay dapat gamitin para sa kaunlaran, hindi sa panlilinlang. May exemption naman ang panukala para sa mga gawaing nasa tamang paggamit — gaya ng makatotohanang ulat ng media, dokumentaryo, pananaliksik, o content na para sa pampublikong interes. 


Kung titingnan nating mabuti, hindi sinasakal ang malayang pamamahayag kundi pinoprotektahan ang pagkakakilanlan ng indibidwal sa gitna ng lumalalang AI abuse. 

Para sa akin, dapat ay matagal na itong naisabatas. Sa dami ng mga pekeng content sa social media — mula sa deepfake videos ng mga pulitiko hanggang sa investment scams na ginagamit ang mga mukha ng kilalang negosyante, sadyang nakakatakot na kung iisipin. 


Ang panukalang batas na ito ay hindi laban sa AI, dahil sa kabila nito sinasang-ayunan pa ang paggamit ng AI para sa edukasyon, negosyo, at siyensya. 


Marahil, sa pagbabago ng mundo kung saan puwedeng ipagawa sa AI ang mukha, boses, at pagkatao mo — hindi na makita ang hangganan ng totoo at peke. 

Habang ‘tumatalino’ ang teknolohiya, mas lalong dapat tumibay ang proteksyon sa ating pagkatao at maging sa araw-araw na buhay. 


At ang pagsasabatas ng nasabing panukala ay isang matalinong hakbang — hindi lang para labanan ang pekeng content kundi para ibalik ang dignidad ng bawat indibidwal sa cyberspace. Hindi sapat ang simpleng pag-report ng mga paglabag sa social media, kailangan natin ng konkretong batas upang maparusahan ang mga nagkakasala habang patuloy na magtiwala ang taumbayan sa teknolohiya. 


Gayundin, gamitin nawa natin sa mabuting paraan ang anumang modernong kagamitan at teknolohiya na magbibigay din naman sa atin ng maayos at kaaya-ayang pamumuhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page