top of page
Search

ni Rohn Romulo @Run Wild | Nov. 18, 2024



Photo: Chelsea Manalo - IG


Nabigo ang pambato ng bansa na si Miss Universe Philippines Chelsea Manalo na maiuwi ang korona sa ginanap na 73rd Miss Universe sa Arena CDMX in Mexico City. 


Si Miss Denmark Victoria Kjær Theilvig ang nagwagi bilang Miss Universe at nangabog sa 120 delegates, na ikinagulat ng marami. Ito ang unang pagkakataon na nanalo ang Denmark sa naturang pageant. 


Ipinatong kay Miss Denmark ang first-ever Filipino-made crown ng international jewelry brand na Jeweler, kung saan masisilayan sa “Lumière de l’Infini” (Light of Infinity) crown ang South Sea Pearls na mula sa Pilipinas.  


Ang mga runners-up niya ay sina Miss Nigeria Chidimma Adetshina (1st); Miss Mexico María Fernanda Beltrán (2nd); Miss Thailand Opal Suchata Chuangsri (3rd) at Miss Venezuela Ileana Márquez (4th).


Umabot naman si Chelsea sa Top 30 semi-finalists, pero nalaglag na nga siya sa Top 12 na labis na ikinalungkot ng mga Pinoy fans, na maagang gumising at tumutok sa naturang beauty pageant.  


Shout-out nga pala sa socmed (social media) influencer na si Madam Kilay sa pagse-share ng kanyang Facebook (FB) live, na sobra ring na-disappoint sa nangyari.


Pero sa ginanap na presscon after ng competition, nakagugulat na may ia-announce pa pala na winners ng four Continental Queens. At dahil dito ay gumawa nga ng history si Chelsea dahil siya ang nakakuha ng title bilang first Miss Universe Asia.


Ang first runner-up na si Miss U Nigeria ang napiling MU Africa and Oceana.


Si Miss U Finland Matilda Wirtavuori naman ang MU Europe and Middle East at si Miss U Peru Tatiana Calmell ang nagwaging MU Americas. 


Makakasama ang four Continental Queens sa pag-iikot ni Miss Universe Victoria sa iba’t iibang panig ng mundo, na kanilang ire-represent.


Sey tuloy ng mga netizens, parang mas bongga pa ang responsibilities ng apat, kumpara sa mga runner-ups ng Miss Universe. Mas bet nga nila ito at tinawag pa nilang ‘the real Top 5’ at sana raw ay binigyan din ng small crown.


Anyway, wala pang binanggit kung saang bansa gaganapin ang 74th Miss Universe next year, pero may pahiwatig si Miss Universe CEO Anne Jakrajutatip, dalawa ang Costa Rica at Thailand sa mga pinagpipilian. 


Magkakaroon naman daw ng botohan sa MU page kung saan nga ang next destination ng annual beauty pageant.



Naglabas ng announcement ang Topakk na entry sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na pinagbibidahan ni Arjo Atayde.


Caption sa socmed (social media) post, “The internationally acclaimed Pinoy action film—first shown in Cannes and premiered in Locarno—is coming home this December. Ang lakas ng #Topakk, mararamdaman n’yo ngayong Pasko! 


“Stay tuned for the poster drop on November 19 and full trailer release on November 20. Damay-damay na ‘to.”


Samantala, matagal na hinintay ng cast na mapanood ang hard-action movie dahil hindi pa nila napanood matapos na dalhin ito sa ibang bansa at doon nag-world premiere.


Kaya sa ginanap na cast screening last November 16 ay nagdatingan ang buong cast na excited mapanood ang kabuuan ng pelikula. 


Noong nagsimula na ang movie ay bigla raw tumahimik lahat at walang tumatayo, dahil maraming puwedeng ma-miss. 


At pagkatapos mapanood ang Topakk ay nagkamayan silang lahat at ‘yung iba, nagyakapan. Kitang-kita sa mga mukha nila na kuntento sila sa napanood, lalo na sina Julia Montes, Sid Lucero at Arjo Atayde, na puring-puri sa kani-kanilang pagganap.


Inamin din ng cast na excited na silang mag-promote ng movie at sumakay sa pasabog na float. 


Mapapanood na ito nationwide, simula sa December 25.

 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | Nov. 16, 2024



Photo: Rhian at Sam - IG


Sinagot na ni Rhian Ramos ang tungkol sa ibinalitang hindi raw nila natapos ang NYC Marathon ni Rep. Sam Verzosa. 


Kaya bilang patunay ay nag-email ang Kapuso actress sa New York Road Runners. 

“I emailed to ask why 3 of our splits were missing... here’s their response (Yup! Fact checking is THAT easy!)”


Sumagot naman ang NYRR Runner Services sa pamamagitan ng isang letter:  


“Rhian, It looks like both you and Samuel fell behind the sweep and the timing points at 30km, 20 miles and 35 km were removed from the course as the streets reopened before you passed through. In Central Park, we can stay open longer, so you were picked up again at 40 km.  


“We certainly are not holding those timing points against you; you are both still listed as official finishers - Tom,” paliwanag sa reply. 


Kaya’t nakapagbigay ng mahabang mensahe si Rhian para sa mga pahayagang nagpapakalat ng fake news na diumano ay nandaya sila ng kanyang dyowa sa marathon.


Samantala, ito naman ang buwelta ng mga netizens sa post ni Rhian:  

“You go, girl! Don’t let haters win.”  


“Ang nega ng mga tao! ‘Di na lang maging masaya na ginawa n’ya ‘yun for charity. Talagang crab mentality pinaiiral, tsk…tsk...”  


“Napaka-OA ng mga reactions ng mga nega comments without verifying facts. Ito talaga ‘yung crab mentality na ‘pag may bad na nangyari sa kapwa, mas masaya pa. Wala naman silang sinaktan na tao.”  


Komento pa ng isa, “Ah ok, joined the marathon for a photo op, noted,” na sinagot naman ng netizens na, “Now, this comment is crab mentality. Feeling superior.”


“Nakalagay po nag-raise ng funds for charity. Para sa mga children with clefts to get proper treatment.”


Pagtatanggol pa sa pag-post ni Rhian sa email mula NYRR…  


“Eh, ‘di ba, kinukuwestiyon ‘yung pagtapos ng marathon nila? Kaya need n’ya talaga ng proof. Gagawa ng fake news, itatama, pero in the end, ‘di rin naman papaniwalaan ‘yung fact check. Hay, kakaloka, kaya ang dami nang nauuto ‘pag eleksiyon. I know you have to qualify for this - meaning participating in other marathons to accumulate points needed to qualify. Maybe Rhian & partner just didn’t post their previous runs?” 


Pahabol pa ng netizens, “Snaps of them while on the track is a more believable proof, impossible naman na walk lang sila to take pictures as it is an achievement to finish a marathon.”

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 16, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang aking dating live-in partner ay pumanaw noong nakaraang buwan. Naulila niya ang aming anak na ngayon ay 4 taong gulang. Sinabihan ko ang nanay ng aking dating live-in partner na kukunin ko sa kanila ang aming anak subalit sinabihan ako na hindi ko maaaring makuha ang aking anak at ito ay mananatili sa poder ng lola niya. May karapatan ba ang nanay ng aking yumaong dating live-in partner sa kustodiya ng aking anak? -- Ponsee



Dear Ponsee,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 176 at Artikulo 214 na may kaugnayan sa Artikulo 216 ng Family Code of the Philippines.


Nakasaad sa nasabing batas na:


“Article 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. Xxx.” 


Sa kasong Grande vs. Antonio, G.R. No. 206248, February 18, 2014, sinabi ng Korte Suprema sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Presbitero J. Velasco, Jr., na: 


“Parental authority over minor children is lodged by Art. 176 on the mother; hence, respondent’s prayer has no legal mooring. Since parental authority is given to the mother, then custody over the minor children also goes to the mother, unless she is shown to be unfit.”


Dagdag pa ng Korte Suprema sa kasong Briones vs. Miguel, G.R. No. 156343, October 18, 2004, sa panulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Artemio V. Panganiban, Jr., na:


“Moreover, Article 214 in relation to Article 216 of the Family Code provides that, ‘Art. 214. In case of death, absence or unsuitability of the parents, substitute parental authority shall be exercised by the surviving grandparent. In case several survive, the one designated by the court, taking into the same consideration mentioned in the preceding article, shall exercise the authority.’


Art. 216. In default of parents or a judicially-appointed guardian, the following persons shall exercise substitute parental authority over the child in the order indicated:

(1) The surviving grandparent, as provided in Art. 214;

(2) The oldest brother or sister, over twenty-one years of age, unless unfit or disqualified; and

(3) The child’s actual custodian, over twenty-one years of age, unless unfit or disqualified.

Whenever the appointment of a judicial guardian over the property of the child becomes necessary, the same order of preference shall be observed.”


Base sa mga nabanggit sa itaas, ang buhay na maternal grandparent o ang ina ng inyong yumaong dating live-in partner ang may karapatan para sa substitute parental authority at kustodiya sa illegitimate ninyong anak. Mahalaga rin na malaman na ang biological na ama ng illegitimate child ay hindi kasama sa listahan sa Article 216 ng Family Code bilang isa sa mga puwedeng mag-exercise ng substitute parental authority sa illegitimate na anak maliban na lamang kung siya ay actual custodian ng mismong bata kung saan pangatlo siya sa listahan na nakasaad sa batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page