top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 6, 2023


Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang performance ni Always Impressive matapos manalo sa "National Aids Awarness Month" 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Hinawakan agad ni Always Impressive ang unahan paglabas ng aparato habang nasa pangalawang puwesto na may tatlong kabayo ang agwat na si Maayo Kaayo.


Naka-puwesto sa pangatlo si Beautiful Day pero humahangos si Hellguy para habulin ang namamayagpag sa unahan na Always Impressive.


Hindi naman pinansin ni Always Impressive ang pagremate ni Hellguy, nagpatuloy sa pag-arangkada kaya naman tinawid nito ang meta ng may siyam na kabayo ang bentahe sa katunggali.


Tersero si Beautiful Day habang pang-apat ang Maayo Kaayo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Nirendahan ni jockey Jomer Estorque, inirehistro ng Always Impressive ang 1:26.6 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Sandy Javier ang P20,000 added prize.


Dahil sa panalo, nagsaya ang mga liyamadista at mga nag- single bet sa unang Pick 5, para sa kanila ay nakatipid sila sa puhunan.


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya medyo masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 5, 2023


Kalmadong tinawid ni Every Sweat Counts ang finish line matapos angkinin ang korona sa Cool Summer Farm Juvenile Stakes race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Humarurot sa largahan si Every Sweat Counts upang sabayan sa unahan ang matulin sa alisan na Artsev, bigayan ang dalawa subalit sa papalapit ng far turn ay unti-unting kumakalas ang winning horse.


Kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nasa tatlong kabayo ang agwat ng Every Sweat Counts sa Artsev.


Patuloy ang pamamayagpag ni Every Sweat Counts, hindi nagbago ang puwestuhan sa rektahan at nanalo ito ng walong kabayo ang lamang sa pumangalawang Artsev, tumersero si Unli Burn.


Nirendahan ni jockey CL Advincula, inirehistro ni Every Sweat Counts ang tiyempong 1:26,4 minuto sa 1,400 meter race.


Hinamig ng connections ni Every Sweat Counts ang P600,000 premyo at napunta sa second placer na Artsev ang P300,000 habang P200,000 ang iniuwi ng pumangatlong si Unli Burn.


May walong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naging masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.


Isa sa hinangaan din ng mga karerista ay ang panalo ni Uncle Vhines sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangatlong karera.

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 30, 2023


Nakilatis ang tikas ni Crossing Bell matapos ang pahirapang pagtawid sa finish line nang manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Martes ng hapon.


Mabilis na lumabas sa aparato si Crossing Bell subalit kinapitan siya ni Star Of India para hawakan ang unahan.


Lamang ng leeg si Star Of India kay Crosing Bell habang nag-uubusan ng lakas sa unahan at nagpatuloy ang tagisan nila ng bilis na parang ayaw magpaiwan sa isa't-isa.


Balikatan ang labanan nina Crossing Bell at Star Of India na umabot hanggang far turn at sa huling kurbada ay halos magkapantay ang dalawang nabanggit na kabayo.


Hindi pa rin naghiwalay sina Crossing Bell at Star Of India sa rektahan, nag-ubusan ng lakas ang dalawa kaya naman pagdating sa meta ay close finish ang isinigaw ng race caller.


Idineklarang nanalo ang Crossing Bell na sinakyan ni Mark Angelo Alvarez makalipas ang ilang minuto.


Inilista ng Crossing Bell ang tiyempong 1:14.6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ng Bell Racing Stable ang P20,000 added prize.


Samantala, pitong races ang inilarga ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Martes, lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page