top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 5, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo riyan sa BULGAR. Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa aking in-laws, ang hirap pala talagang makisama ‘no?


Ang tinutukoy ko ay ang magulang ng asawa ko. Akala ko magiging masaya kami ng anak ko na maka-bonding sila, pero konsumisyon pala.



Bawat kilos namin ay napupuna, maski sa pagluluto ng pagkain, dapat daw ay isama silang lahat. Eh maliit lang ang budget namin dahil maliit lang naman ang pinapadala ng asawa kong nasa abroad. Kung tutuusin, kulang na kulang iyon sa pag-aaral ng mga bata at panggastos namin. 


Napilitan kami ng mga anak ko na magbakasyon muna rito sa in-laws ko dahil bakasyon din ng mga bata.


Gusto ng asawa ko maka-bonding ng mga anak namin ang in-laws ko. Hirap na hirap talaga ako kung paano pakikisamahan ang in-laws ko. 


Doon ko na-realize na sobrang hirap pala talaga makisama, balak ko na sanang umuwi sa bahay namin. May sarili naman kaminb bahay sa Batangas habang sa

Laguna naman nakatira ang in-laws ko. Hindi ko naman maikuwento sa asawa ko na nahihirapan akong pakisamahan ang magulang niya. Kaya sinarili at kinikimkim ko na lang ang konsumisyong nararanasan ko.


Tama bang umuwi na kami ng mga anak ko sa sarili naming bahay? Hindi ko na kasi kaya ang ugali at pagtrato nila sa akin. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Dolor ng Batangas



Sa iyo, Dolor,


Lawakan mo pa ang pang-unawa mo, maging broad minded ka at matutong makisama sa ibang tao lalo na sa in-laws mo.


Kung hindi mo na talaga kaya ang ugali at pagtrato nila, tama lang na bumalik kayo sa sarili n’yong bahay kaysa mamatay ka sa konsumisyon dahil sa hindi magandang pagtrato nila sa iyo. 


Gaano na ba kayo katagal d’yan? Kung 2 weeks na kayo riyan, sapat na ‘yun upang maka-bonding ng mga anak mo ang mga kamag-anak nila. 


Huwag ka rin magpakita ng attitude sa kanila, pakisamahan mo pa rin sila, dahil ganyan talaga ang buhay.


Ang taong marunong magtiis at makisama  ay ginagantimpalaan ng langit.


Huwag kang mag-alala dahil nakatingin sa iyo ang  Diyos. May gantimpala kang makukuha kapag nalampasan mo ang pagsubok na iyan sa buhay mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



File Photo

 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-28 Araw ng Abril, 2024





KINABAHAN si Via sa sinabi ng kanyang ama. Kung hindi kasi siya nagkakamali, matinding galit ang nararamdaman nito ngayon. Nanlilisik ang mga mata nito na para bang gusto siyang sunugin ng buhay. 


“Ibig kong sabihin, sinaktan na niya ang kalooban mo, hindi ko na hahayaan na masaktan ka pa niya. Narito naman ako, tutulungan kita para buhayin ang apo ko,” mariin nitong sabi na para bang napaka-simple lang ng sinasabi nito. 


“Kahit gustuhin kong bumalik sa kanya, hindi ko magagawa. Paano kung sila na talaga ni Mariz?”


“Eh ‘di very good.”


Kumunot ang noo niya sa isinagot nito sa kanya. Para kasing may laman ang bawat katagang binibitawan nito. 


“Makakahanap ka pa naman ng ibang magmamahal sa iyo. Gaya na lamang ni Jake,” wika nito pagkaraan. 


“Hinding-hindi ko siya papatulan,” buong diing sabi niya. 


“Ang sakit naman nu’n,” wika ng isang tinig na galing sa kanyang likuran. 


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang makita niya si Jake, at agad na kumulo ang kanyang dugo. 


“Pero, mas masakit pa rin ito.”


Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Jake. Para kasing masaya ito sa kung ano’ng nalaman. Lalong nagsalubong ang kilay ni Via nang ilabas nito ang cellphone at sabay play ng recording. 


“Sawa na ako kay Via kaya puwede mo na siyang makuha!”


Awtomatikong tumulo ang luha ni Via, dahil hindi siya maaaring magkamali kung sino ang nagsalita. Ito ay si Nhel na kanyang asawa. 


Nakagat niya ang kanyang pang ibabang labi dahil sa sakit na kanyang naramdaman.


Gusto na sana niyang humagulgol, ngunit nahihiya siya. Ayaw niyang ipakita kina Jake at sa kanyang ama ang sakit na kanyang nararamdaman. Pakiwari niya kasi ay nilalapirot ang kanyang puso. 


So, ibig sabihin, tama lang ang kanyang naging desisyon na hindi ipaalam kay Nhel ang katotohanan?



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-27 Araw ng Abril, 2024





MATAGAL ding pinangarap ni Via na magkaroon sila ng bonding ng kanyang tunay na ama. Pero, wala siya maramdaman na kasiyahan ngayon, at para bang hungkag na hungkag ang kanyang puso. 


Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil napagtanto na niya ang dahilan, ‘yun ay dahil kay Nhel, muli na naman kasi niyang naalala ang kanyang asawa. 


“Hindi mo na ba ako kayang patawarin?” Malungkot na tanong ng kanyang ama. 


Hindi man sila nagkasama ng matagal na panahon, para pa ring nilamutak ang kanyang puso dahil sa sakit na naaaninag niya sa boses nito. 


“Ho?”


“Naalala mo na naman ba ‘yung asawa mo?” Tanong nito sa kanya pagkaraan. 


“Mahal ko siya.”


“Pero, bakit mo siya iniwan?”


“Eh, hindi niya naman ako mahal,” matabang niyang sabi kaya bigla siyang napapiyok. 


“Paano ka nakakasiguro? Hindi mo ba nararamdaman ang pagmamahal niya sa iyo kahit kaunti?” Tanong nito. 


Hindi niya magawang sagutin ang tanong ng kanyang ama dahil alam niya sa sarili na ‘di nagkulang si Nhel upang ipinaramdam iyon.


“Ang dahilan kaya niya ako pinakasalan ay para makapaghiganti siya,” matabang niyang sabi. 


“Siya nga pala ang tunay na ama ni Pedro Pedral.” Wala sa loob nitong sabi pagkaraan. 


Bigla siyang natigilan nang makita niyang nagbago ang hitsura nito. Naningkit ang mga mata nito na para bang binalot ng pagkamuhi ang puso. 


“Oho,” sabi niya pagkaraan ng ilang sandali. 


“Mas maigi pang huwag mo na siyang balikan.”


‘Yun naman talaga ang gagawin niya, pero hirap na hirap siyang panindigan ito.

“Parang hindi ko na ho kaya.”


Naningkit ang mga mata nito pagkaraan at sabay sabing, “At sa palagay mo ba pahihintulutan kita?” Mabalasik na tanong nito.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page