- BULGAR
- Jan 4, 2024
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 4, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lauro ng Bataan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na uminom ako ng wine habang nakadungaw sa aming bintana, at Natanaw ko ‘yung kaibigan kong naglalakad sa kalsada na malungkot at para bang maysakit.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,Lauro
Sa iyo, Lauro,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakadungaw ka sa bintana ay labis kang nag-aalala sa mga kaibigan mo. Iniisip mo na hindi sila tapat sa iyo at akala mo ay puro pagkukunwari lang ang kanilang ipinapakitang kabutihan sa iyo. Pero sa katunayan, mali ang iniisip mo, sila ay handang tulungan ka sa iyong mga pangangailangan.
Ang umiinom ka ng wine ay nagpapahiwatig ng kasaganahan at kaunlaran sa buhay.
Sasagana at uunlad na rin ang mga negosyo mo. Ang wine ay simbolo din ng magandang kalusugan at kaligayahan. Maliligtas ka sa anumang sakit o karamdaman, at lahat din ng mga alalahanin mo sa buhay ay matatapos na.
Samantala, ang natanaw mo ang friend mo sa kalsada na malungkot at para bang maysakit ay nangangahulugan na kailangan niya ang tulong mo. Lalapit siya sa iyo upang humingi ng pabor. Huwag kang mag-atubili, at tulungan mo siya sa abot ng iyong makakaya. Tandaan mo, ang taong mapagmahal sa kapwa ay pinagpapala.
Matapat na sumasaiyo,Maestra Estrellia de Luna




