top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 22, 2022




KATANUNGAN

  1. Balak naming magnegosyo ng tindahan ng mga pagkain o merienda ngayong papasok na Oktubre. Halimbawa, mga lutong pagkain na may kaugnayan sa Pasko tulad ng puto bumbong at bibingka na siguradong magiging mabili pagsapit ng Simbang Gabi.

  2. Magpapautang kasi ng puhunan ‘yung kapatid ko na nasa abroad. Sabi niya, magtinda-tinda kami sa harap ng bahay para hindi lang kami umaasa pinapadala niya. Ano ang masasabi n’yo sa plano naming ito, Maestro, susuwertehin ba kami ng mister ko sa ganitong negosyo?

KASAGUTAN

  1. Tama at sobrang ganda ng naisip n’yo kaysa tumunganga lang kayong mag-asawa ngayong panahon ng Kapaskuhan na nag-aabang ng bonus o 13th month pay, gayung wala namang regular na hanapbuhay o trabaho ang iyong mister.

  2. Kung hindi kayo magnenegosyo kahit maliit lang at hindi mag-iisip ng mga bagay na pagkakakitaan, paano n’yo mabibilhan ng pamasko ang mga bata at saan kayo kukuha ng panghanda sa darating Noche Buena at Media Noche?

  3. Simulan mo na ang naisip mong negosyo na may kaugnayan sa pagkain at siguradong kikita kayo ng malaking halaga. Ito ang nais sabihin ng zodiac sign mong Libra, gayundin ang malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. b-b arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Tanda na sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, dagdag na sakripisyo at pagtitipid, hindi malayong mapalaki n’yo ang inyong tindahan, na sa bandang huli, bukod sa puto bumbong, bibingka at sopas, puwede rin kayong magtinda ng sari-saring uri ng barbeque, tulad ng bituka, ulo, paa ng manok, gayundin ang isaw ng baboy at puwede na ring samahan ng itlog at lugaw. Sa ganyang simple, pero mabili at masarap na negosyo, tulad ng naipaliwanag na, maaaring kayo ay umasenso, lalo na kung babaguhin mo nang bahagya ang iyong lagda, na sa halip na napakahaba at masyadong maliliit ang letra, gawin mong inisyal lang ng iyong pangalan at middle name pagkatapos ay ang iyong apelyido.

  5. Mas maganda rin kung tatapusin mo ang iyong lagda sa straight line upang magtuloy-tuloy ang pag-asenso ng kabuhayan, hatid ng negosyong may kauganayan sa pagkain.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa inyong mga datos, Maricar, tamang-tama at swak na swak ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan ang naisip n’yong negosyo na magtulong-tulong sa kalakal na may kaugnayan sa pagkain.

  2. Simulan n’yo na ngayon ang nasabing tindahan bilang “soft opening” upang pagsapit ng Nobyembre hanggang Disyembre, ilang araw na lang ay magpa-Pasko na, siguradong magiging patok at maunlad ang negosyong may kauganayan sa pagtitinda ng mainit-init at masarap na puto bumbong, sopas at bibingka.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 20, 2022




KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon, pero nagkakalabuan na kami nang makapagtrabaho siya at na-promote bilang supervisor. Mula noon, naging masungit na siya at nawalan na ng oras sa relasyon namin, at kapag tinatawagan ko ay sinasabi niya na palagi siyang busy.

  2. Totoo bang busy siya o baka may iba na siyang babae sa kanyang trabaho? Sa palagay mo, Maestro, magbabago pa ba siya at muli ba siyang magkakaroon ng oras sa aming dalawa?

  3. Nanghihinayang at parang naaasar tuloy ako dahil ako ang nagpasok sa kanya sa trabaho, gayung hindi ko alam na ‘yun pa pala ang magiging dahilan upang lumamig ang pagtitinginan namin sa isa’t isa. Gayundin, natatakot ako ngayon na baka tuluyan na kaming maghiwalay.

KASAGUTAN

  1. Para malutas ang iyong problema at magaan mong dalhin ‘yan, dapat bigyan mo siya ng “deadline” para hindi ka naman mainip sa paghihintay kung magbabago pa ba o hindi ang boyfriend mo. Isaalang-alang mo ang tanong na, “Hanggang kailan ako maghihintay sa boyfriend ko upang muli niyang ibalik ang dating init ng aming pagmamahalan? Hanggang Pasko ba, sa pagsapit ng 2023 o hanggang sa susunod na Araw ng mga Puso?”

  2. Ganu’n ang dapat mong gawin — bigyan mo siya ng ultimatum, deadline o babala kahit hindi mo sinasabi sa kanya. At sa loob ng panahong ‘yun, kung hindi pa rin siya nagbago, ‘yun naman ang tanda na puwede mo nang sabihin sa iyong sarili na, “Dahil dumating na ang taning na ibinigay ko sa iyo, pero hindi mo pa rin nagawang ibalik ang dating init ng ating pagmamahalan, dapat lang na itigil ang ating relasyon.”

  3. Kaya lang, ang maganda sa guhit ng iyong mga palad, hindi naman magaganap sa karanasan mo ang senaryong binanggit sa itaas dahil isa lang ang malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na sinuportahan pa ng maganda at maayos na Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Tanda na kung bibigyan mo ng ultimatum ang iyong boyfriend —hindi naman sa isang himala, bagkus ay kusang mangyayari— bago sumapit ang Pasko, muling iinit at magiging okey ang relasyon n’yo.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Palagi nilang sinasabi na kaya nag-aaway o hindi nagkakaunawaan ang mga tao ay dahil kulang sa komunikasyon o pag-uusap, ngunit indi naman nila nililinaw kung ano bang pag-uusap ang dapat gawin.

  2. Halimbawa, ang pag-aaway o samaan ng loob ng anak na babae at kanyang nanay, ano ba ang dapat pag-usapan at sabihin ng nanay sa makulit at tumimitigas na ulo na anak? ‘Yun ang problema sa ibang nagbibigay ng payo, magaling silang humugot ng salita, pero hindi naman aktuwal o malinaw na nagsasabi ng solusyon.

  3. Sa kaso mo, Imel, tanungin mo ang iyong boyfriend kung bakit parang kulang na ang oras niya sa inyong relasyon. Kapag sinabi niya na busy siya sa trabaho, tanungin mo kung kailan siya mananatiling busy o kailan matatapos ang kanyang pagiging busy. Ipaalala mo rin sa kanya na kung habambuhay ka siyang magiging busy sa trabaho ay may hanapbuhay nga siya, pero nawalan siya ng mabait at magandang girlfriend. Kailangang masabi mo ito sa kanya upang hindi ka magsayang ng panahon sa kakahintay na magkaoras siya sa iyo, pero hindi na pala ‘yun mangyayari.

  4. Habang, ayon sa iyong mga datos, posibleng totoo ang alibi ng iyong boyfriend, maaaring dahil sa bago niyang posisyon sa trabaho kaya busy siya. Kaya tulad ng nasabi na, basta’t kinausap mo siya nang malinaw, tulad ng nabanggit, sa taon ding ito, bago sumapit ang Pasko, mare-realize niya na kapwa kayo mahalaga ng kanyang trabaho. Kaya sa nasabing panahon, magagawa niyang i-manage ang kanyang oras para sa iyo at sa kanyang trabaho. Mararamdaman mo ‘yan sa susunod na mga buwan bago sumapit ang Pasko, kung saan muling iinit at magiging maligaya ang inyong relasyon.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 18, 2022




KATANUNGAN

  1. Nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko. Gusto kong malaman kung ano’ng buwan magandang magpakasal sa susunod na taong 2023? Halimbawang naikasal na kami, magiging masaya ba ang papasukin naming pag-aasawa?

  2. Isinilang ako noong September 2, 1995, habang ang boyfriend ko ay isinilang noong May 16, 1993.

KASAGUTAN

  1. Maganda at maayos naman ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kung matagal na kayong magkarelasyon ng boyfriend mo at nagmamahalan naman kayong dalawa, puwede na kayong magpakasal.

  2. Sapagkat ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at maayos na Marriage Line (arrow a.) ay kinumpirma rin ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter, na tinatawag din nating Bundok ng Tagumpay (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ang mga datos na nabanggit ay malinaw na tanda na ang papasuking pag-aasawa ay siguradong maging matagumpay at maligaya.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Aira, ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing, mapalad at okey kayong magpakasal sa susunod na taong 2023, na nagkataong taon ng Rabbit o Kuneho, na kilala sa pagiging maraming manganak sa buwan ng Mayo hangang Oktubre, sa mga pili na petsang 1, 10, 19 o 28.

  2. Itapat lamang ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa langit. Sa ganitong paraan, tulad ng papabilog at papabulas na buwan, magiging papabulas at papaunlad din sa kasaganaan ang inyong itatayong pamilya, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page