top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 23, 2022




KATANUNGAN


  1. Noong nakaraang buwan, dumating ang tiyahin ko na galing Japan at kasama na niya ‘yung kaibigan niyang Hapon na matagal nang nirereto sa akin. Gusto kasi nila na isang Hapon ang mapangasawa ko upang maiahon ko sa kahirapan ang aming pamilya.

  2. Pero natatakot ako dahil hindi ko pa masyadong kakilala ‘yung Hapon at isa pa, wala naman akong gusto sa kanya. May manliligaw ako na hindi nila alam na mahal na mahal ko at malapit ko nang sagutin. Kaya lang, tiyak na tutol sila sa kanya dahil wala siyang trabaho at hindi nakatapos ng kolehiyo.

  3. Naguguluhan ako kung ano ba ang dapat kong sundin, ang puso o isip? Gayunman, minsan ay naiisip kong hindi naman ako ang may hawak ng aking kapalaran at bahala na kung ano talaga ang nakaguhit sa aking mga palad.

  4. Sa palagay n’yo, Maestro, sino ang aking mapapangasawa, ito na bang Hapon na ito o ang manliligaw ko na parang mag-MU na kami ngayon?

KASAGUTAN


  1. Ang nangyari ay sadyang napakalawak at napakaganda ng Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na darating sa iyong buhay ang isang pangyayari o sitwasyon na makakapag-abroad ka, at hindi lang ito basta-basta pangingibang-bansa, bagkus, posible rin itong paninirahan o pamamalagi sa ibayong-dagat.

  2. Habang, ang pag-aanalisa na posibleng ‘yung Hapon na nirereto sa iyo ng tiyahin mo ang iyong makakatuluyan ay madali namang kinumpirma ng sobrang haba na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na kung pipihitin ang iyong kamay, makikita pa rin ang nasabing Guhit ng Pag-aasawa (arrow b.) sa kabila ng iyong palad o harap ng iyong kamay.

  3. Ibig sabihin, sigurado nang hindi taga-Pilipinas ang iyong mapapangasawa kundi magmumula sa isang malayong lugar. At sa bandang huli, sa malayong lugar na pinanggalingan ng lalaking iyong napangasawa, ru’n ka na rin mamamalagi. Gayundin, du’n ka dadalhin ng kapalaran upang habambuhay na manirahan at lumigaya.

DAPAT GAWIN


Tama ka, Ma. Victoria, hindi mo na mahahadlangan ang tinatakbo ng iyong kapalaran sa kasalukuyan. Ayon sa iyong mag datos, hindi mo dapat sundin ang utos ng puso o damdamin. Sa halip, sa pagkakataong ito, sumunod ka sa utos ng iyong tiyahin dahil sa ganu’ng paraan, sa panahong ikaw ay nag-asawa, mas makakatiyak ka ng mas maligaya at masaganang pag-aasawa na magaganap sa bansang Japan.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 21, 2022



KATANUNGAN


  1. Sa kasalukuyan ay may trabaho ako sa BPO company, pero hindi ako masaya, kaya balak kong mag-resign next month at lumipat sa ibang kumpanya. Kung lilipat ako, gusto kong malaman kung papalarin ba ako sa lilipatan kong kumpanya? Marami na akong mga kasamahan na nagsilipatan at maganda na ang suweldo nila ngayon.

  2. Bukod sa kasalukuyan kong trabaho, may nais din akong malaman tungkol sa aking love life. Ano ang nakikita n’yo at kailan ba ako magkaka-boyfriend nang seryoso at pangmatagalan?

KASAGUTAN


  1. Tama ang desisyon mo, Menchie, dahil ‘yan talaga ang uso ngayon, lalo na sa mga trabahong may kaugnayan sa services, tulad ng BPO o Business Process Outsourcing at call center-related work. Tunay ngang uso ang magpalipat-lipat ng kumpanya kung saan mas malaki ang suweldo at ito ay masasabing isang kalakaran nang umiiral sa kasalukuyang panahon. Sabagay, ito rin naman ang nais sabihin ng nagbago, ngunit kumapal at lalo pang gumanda na Fate Line, na tinatawag din nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Tulad ng nasabi na, tama ang iniisip mo, kung hindi ka na masaya sa kasalukuyan mong kumpanya at kung sadyang may mas malaking offer na suweldo, mas papalarin at uunlad ka sa lilipatan mong kumpanya kaysa sa kasalukuyan mong pinapasukan. Kaya tulad ng nasabi na, tama lang na lumipat ka.

  3. Dagdag pa rito, makalipas ang tatlo o apat na taong pagtatrabaho sa lilipatan mong kumpanya, kapansin-pansin din ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Ito ay tanda na kung 2023 ang taon sa susunod na buwan, lilipas ang humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong taon, sa 2025 o 2026 at sa edad mong 31 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran. Sa nasabing trabaho sa abroad na may kaugnayan din sa kasalukuyan mong trabaho, lalo pang uunlad ang buhay mo hanggang sa tuloy-tuloy nang umalwan at yumaman ang aspetong pangkabuhayan.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyon mga datos, Menchie, nakahanda na ang isang magandang futrure para sa susunod na taong 2023 hanggang 2027.

  2. Pagpasok ng taong 2023, sa buwan ng Enero o Pebrero, magre-resign ka sa kasalukuyan mong trabaho upang sa bagong kumpanya na lilipatan mo, higit kang magiging masaya, lalo na sa sandaling lumaki ang iyong suweldo.

  3. Dagdag pa rito, tulad ng naipaliwanag na, paglipas ng dalawa hanggang tatlong taon, sa kumpanyang nilipatan mo, maipapadala ka sa abroad. Sa naturang pangingibang-bansa, mas magiging asensado ang career at kabuhayan mo, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at sumagana. Pagkatapos nito, sa ibang bansa ka na rin magkaka-boyfriend at magtatayo ng asensado at maligayang pagpapamilya habambuhay (Drawing A. at B. t-t arrow b at 1-M arrow c.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 19, 2022




KATANUNGAN


  1. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang alamin kung totoong mayaman ang mapapangasawa ko. Ito kasi ang sabi ng lolo ko noong nabubuhay pa siya. Matagal n’yo rin siyang naging tagasubabay, pero wala na siya ngayon.

  2. Nais kong ipabasa ang aking mga palad para makasigurado kung mayaman ba talaga ang mapapangasawa ko at kung mag-aasawa na ako, magkakaroon ba ako ng panghabambuhay at maligayang pamilya? July 23, 1997 ang birthday ko.


KASAGUTAN


  1. Malinaw na nakikita sa kaliwa at kanang palad kung makakapag-asawa ng mayaman ang isang tao kapag ang Guhit ng Lalaki (Drawing A. at I-I arrow a.) na tinatawag ding Influence Line (I-I arrow a.) na sumabay at sumama sa Career Line o Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) at nang lumaon ay ganap na pumatong at nakiisa (arrow c.) sa nasabing Fate Line (arrow c.) sa kaliwa at kanang palad.

  2. Ito ay tanda na gaganda ang career, hanapbuhay o aspetong pang-materyal at pampinansyal ng nasabing indibidwal dahil sa kanyang pag-aasawa. Ang nasabing tanda ay maaari ring ipaliwanag na siya ay makakapag-asawa ng isang sikat, nakapag-aral, may kaya sa buhay o may sinasabing lalaki.

  3. Kung maganda rin ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow d.) at Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow e.) at nakatuntong pa ang Heart Line (arrow f.) sa Mount of Jupiter (arrow f.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda ng maligaya at successful na pag-aasawa, hindi lamang sa materyal na bagay kundi sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay pagpapamilya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Ang lahat ng tinurang tanda sa itaas, Kat, ay presente sa kaliwa at kanan mong palad, na binanggit at ipinaliwanag na sa itaas (arrow a, b, c, d, e, at f). Ibig sabihin, maaaring tama ang hula ng iyong lolo.

  2. Makakapag-asawa ka ng mayaman at sa nasabing pag-aasawa, hindi lang uunlad at magiging maalwan ang iyong buhay, bagkus, may pangako rin ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, na nakatakdang mangyari sa taong 2025 at sa edad mong 28 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page