top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 21, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May girlfriend ako ngayon at inaaya niya na akong magpakasal. Sa August kasi ay magti-32 na siya habang ako naman ay magti-34 na sa December. 

  2. Pero, hindi niya alam na may isa pa akong girlfriend, na kasalukuyang nasa abroad. Bihira lang kami mag-usap, ngunit hindi pa naman kami nagbe-break.

  3. Maestro, gusto ko lang malaman kung sino sa dalawang babaeng ito ang makakatuluyan ko? Ito bang nakakasama ko ngayon o ang girlfriend ko na nasa abroad? Ang nobya ko na nasa abroad ay isang beses sa isang buwan ko lang nakakausap, ang palagi niyang kinakatuwiran ay busy at maraming siyang trabaho sa abroad.

 

KASAGUTAN

  1. Makipag-break ka muna nang maayos sa girlfriend mong nasa abroad, bago ka magpasyang magpakasal d’yan sa girlfriend mo na kasalukuyang nandito sa Pilipinas.

  2. Sa ganu’ng paraan, kapag kinausap mo nang maayos ‘yung girlfriend mo na nasa abroad, ‘di ka na makokonsensya sa gagawin mo at wala ka na ring magiging problema kung sakali mang ikasal kayo ng girlfriend mo. 

  3. Samantala, ayon sa pag-aanalisang pang-Astrology, ang zodiac sign mong Capricorn ang nagsasabing kung sino sa dalawang girlfriend mo ang isinilang sa zodiac sign na Virgo o Taurus, siya ang posible mong mapangasawa, na madali namang kinumpirma ng mas mahaba at mas makapal na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa maikli at medyo malabong unang Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, ang “second girlfriend mo” na siyang narito sa Pilipinas, ang sure mong mapapangasawa sa ayaw at sa gusto mo. Sa bandang huli, siya na ang iyong makakasama sa pagbuo ng isang simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Jerald, hindi naman maganda kung magpapakasal ka na sa kasalukuyan mong girlfriend na narito sa Pilipinas at pagkatapos ay hindi ka pa nakikipagkalas sa girlfriend mo na nasa ibang bansa.

  2. Sa madaling salita, ang pinakamainam mong dapat gawin ngayon ay kausapin ang girlfriend mong nasa abroad, at makipag-break. Nang sa gayun ay matupad at maganap na ang nakatakdang mangyari na sa susunod na taon, sa buwan ng Disyembre at sa edad mong 34 pataas, ang nobya mong narito sa Pilipinas ang siya mo na ngang mapapangasawa.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 19, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon, at magli-limang taon na rin ang relasyon namin. Nangako kami sa isa’t isa na walang iwanan, at kapag dumating ‘yung time na may mangingibang-bansa sa amin, dapat magkasama pa rin kami. 

  2. Isa pa, nangako rin kami na walang mag-a-abroad o aalis  sa amin, ayokong magkalayo kami at natatakot din ako na baka hindi kami ang magkatuluyan.

  3. Actually, magkasama kaming nagtatrabaho sa private hospital. Kaya lang nagkaroon ng problema, tawag nang tawag sa akin ang ate ko, at gusto niya akong pasunudin sa Australia. Naroon kasi ang sarili niyang pamilya, kasama ang mga kapatid ko, kinukulit nila ako na ayusin ko na umano ang aking mga papeles.

  4. Maestro, paano naman ang pinangako namin na walang aalis sa amin? Ine-encourage ko naman siyang mag-apply sa abroad, ngunit ayaw niya at hindi pa raw niya priority ang pangingibang-bansa dahil may inaayos pa siya sa pamilya niya.

  5. Ano ba ang nakaguhit sa palad ko at ano ba ang dapat kong gawin? Kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko o mauuwi rin sa hiwalayan ang relasyon namin?

 

KASAGUTAN

  1. Kung minsan, wala naman talagang nagagawa ang mga pangako o pangarap. Dahil kapag nakatakda na ang isang kaganapan, tanggihan mo man o hindi, hindi natin ito matatakasan. Tandaan mo na kapag nakatakda na ang isang pangyayari, kahit makapangyarihan ka pa, hindi mo ito mapipigilan.

  2. Ayon sa malinaw at malawak mong Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tiyak na makakapag-abroad ka. Ito rin ay senyales na hindi mapipigil ng pangako n’yo ang nakatakda. Kaya naman sa ayaw at sa gusto mo, matutuloy ka sa abroad at doon ka na rin maninirahan. 

  3. Pero ang nakakatuwa, dahil iisa lang naman ang makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung matagal na kayong may relasyon ng boyfriend mo, kahit na magkalayo kayo ng boyfriend mo, sa bandang huli ang takdang kapalaran ang kusang gagawa at gagawa ng paraan upang muli kayong pagtagpuin ng tadhana, at para muling pagdugtungin ang inyong naunsyaming suyuan. Kapag dumating ang panahon na ‘yun, hindi na kayo magkakahiwalay, dahil tuluyan na kayong magsasama at bubuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.  

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ang buhay at kapalaran ng isang tao ay parang telenovela. Maraming kadramahan. May nakakaiyak at nakakatawang sitwasyon, pero nasa husay ng manunulat o nobelista kung paano ito patatakbuhin na siyang nagpapaganda ng isang palabas o istorya ng ating buhay.

  2. Ganundin ang bawat kapalaran ng tao, hindi mo alam ang ending pero isa lang ang alam mo, ikaw ang bida ng istorya at buhay mo ang script.

  3. Pero sa totoo lang, anuman ang gawin ng bawat tao, tulad ng nasabi na, hindi kayang iwasan ang nakatakda. Kaya naman lilipas ang mga tatlo hanggang apat na taon, sa taong 2027 hanggang 2028, muling magkikislapan ang ilaw ng entablado habang paisa-isang naglalaglagan ang mga dahon sa iyong paligid, saang lupalop ka man ng mundo, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana para tuparin ang ipinangako n’yo sa isa’t isa – ang magmahalan, magsama ng wagas at magkaroon ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 15, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May kaibigan ako na may pagka-adik, kaya kung sinu-sinong lalaki na rin ang nakagalaw sa kanya. Pero bago siya naging ganu’n, crush ko na siya at para pa ngang naging kami, pero bigla siyang nag-asawa. Ang napangasawa niya ay isang adik din, kaya naghiwalay sila. Nang maghiwalay sila, lalong gumulo ang buhay niya.

  2. Nanghihinayang ako sa nangyari sa buhay at pamilya niya dahil hindi naman siya ganu’n dati. Kaya lang, nahiwalay siya sa amin at sumama sa iba.

  3. Ang totoo nito, gusto ko pa rin siya hanggang ngayon, pero hindi naman ako adik. Gusto ko siyang tulungang magbago at magpakatino. Ano ba ang dapat kong gawin?

  4. May posibilidad bang maging kami o magkaroon man lang kami ng relasyon kung sakaling ligawan ko siya? Pero, hindi ko alam kung paano magsisimula dahil magkaiba na kami ng mundo ngayon.


KASAGUTAN

  1. Parang imposible nang mangyari ang iniisip mo, sapagkat kung tutuusin, tila ikaw ay matinong lalaki o hindi ka naman nag-aadik, habang ang kursunada mong babae ay may masamang bisyo.

  2. Kaya kung ibabalik mo pa ‘yung pagkakataong magkaibigan kayo at matino siya, malabo na itong mangyari, maliban na lang kung makibarkada ka sa mga nag-aadik para muli kang mapalapit sa kanya na malabo mo namang gawin o siya naman ang magpakatino at makibarkada sa iyo.

  3. Samantala, ganito ang sinasabi ng iyong kapalaran. Hindi siya ang makakatuluyan mo, sa halip, isang babaeng nakapag-aral at matino ang itinakda sa iyo ng kapalaran. Ito ay kinumpirma ng Guhit ng Babae (Drawing A. at B. B-B arrow a.) na sumabay at dagling pumatong sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), hanggang ang nasabing Guhit ng Babae at Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) ay naging matatag at makapal na guhit. Tanda na kung hindi man mas mayaman, edukado at magaling sa iyo ang mapapangasawa mo, tiyak na ka-level o may katulad ding katayuan mo sa buhay. Sa madaling salita, tulad mo rin siya na may matino at maayos na pamilya. Ibig sabihin, matino rin siya, hindi kaladkarin at hindi aadik-adik tulad ng pinagpapantasyahan mong babae ngayon.

 

 

 

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Jhomar, sa taong 2025, magkaka-girlfriend ka na. Ang babaeng ito ay matino, mas angat sa iyo ang level ng pamumuhay, na sa bandang huli ay siya na rin ang mapapangasawa mo at makakasama sa pagtatayo ng isang matino, maunlad at maligayang pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow d.). Habang ang dati mong crush ay magiging bahagi na lang ng alaala ng nakaraan mo na hinding-hindi na babalik kailanman.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page