top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 6, 2020




Kahit sino ay gustong mabuhay nang walang takot, pero ang naturang ugali ay higit na ibinibigay ng sikolohikal na pagsubok kaysa pisikal.


Ang takot ika nga ay maaaring mapaglabanan kung haharapin ito sa isang ligtas at tahimik na lugar. Ang pagkatakot ay nakakaugalian na, pero kailangang matutunan na makontrol.


1. Alamin ang sariling takot at dapat ma-realize na ang takot ay natural lamang at iba-iba ang ugaling ito sa bawat tao.


2. Makipag-usap sa mga kaibigan at mga mahal sa buhay hinggil sa iyong takot at lumakad sa positibo at negatibong pagdadala ng takot sa kalooban.


3. Isipin na matagal-tagal bago mawala sa iyo ang taglay na takot sa anumang bagay. Ang kalusugang pangkaisipan ay matagal bago makamtan, kung minsan ilang buwan bago maalis ito sa ugali, o kung hindi man ay habambuhay.


4.Magkaroon ng sariling paghahanapan ng comfort habang natatakot. Ang pinakamainam na paraan para malampasan ito ay hamunin ang takot sa isang ligtas at kontroladong paligid sa tulong ng mga trained professional at mahal sa buhay.


5.Kung minsan ang takot ay sikolohikal na mula sa mga naging karanasan sa buhay. Kailangang maisulat ang nakaraan at hamunin ang bumabagabag sa kalooban upang maalis ang takot.


6. Isiping ang buhay ay maigsi lamang para laging matakot. Ang takot ay nasa damdamin lamang, ang buhay ay panglabas at kaya nitong talunin ang anumang bagay.

ANO nga ba ang gagawin upang seryosong mawala sa iyong damdamin ang sobrang takot. Kung gusto ng bawat isa sa atin na makatulad ni Manny Pacquiao na walang kinatatakutan, heto ang dapat nating gawin:


1. Magkaroon ng oras na tipunin ang lahat ng kailangan para makapagsimula. Pumuwesto sa isang lugar na tahimik. Tanungin ang sarili ng mga katanungan: a.) Bakit ako nandito? b.) Ano ba ang aking layunin sa mundong ito? c.) Paano ko ba pagsisilbihan ang iba? d.) Ano ba ang talagang gusto ko sa buhay?


2. Simulang isipin ang lahat ng bagay na nagpapalikha sa iyo ng takot at pangamba. Isulat agad ang lahat ng bagay na iyong maiisip na nagbibigay sa iyo ng takot. Isulat ang lahat ng impormasyon na siyang nagpapagabag sa iyo nang husto.


3. Matapos mong magawa ang unang dalawang sampol, isipin ang dalawang rason kung bakit ang mga bagay na ito ang siyang nagpapabagabag sa iyo sa maraming taon. Ngayon ay tanungin ang sarili kung sapat bang ubusin mo ang iyong oras at lakas para damhin ang negatibong emosyon na ito, sa araw o gabi man.


Sagutin ang mga katanungang ito sa isang piraso ng paper at isulat lamang ang mga positibong sagot nang kumpleto. Tapos ay saka timbangin ang positibo kaysa sa negatibo at kung ano ang mabisa o umuubra para sa iyo.


4.Iyan ang kailangan mong sundin,magpraktis dahil hindi agad ito nababago sa isang gabi lamang. Marami pang taon bago mo maalis ang negatibong ugali.


5. Kung kailangang may mga bagay kang matutunan para mas maging positibo ay magbasa pa ng mga aklat o online advice o tips para tuluyang maalis ang takot.


6. Tandaan na ang takot ay maling ebidensiyang lumalabas na akala mo totoo. Matutunang kontrolin ang iyong isipan tungo sa mas positibo, hindi lahat ng iyong ikinatatakot ay magkakatotoo.


Kung paanong hindi natitinag si Pacquiao sa kanyang kalaban kahit malaki, matipuno at puro tattoo ang katawan, higit na umiiral sa 7-time world champion ang tapang na mananaig siya at may higit siyang kakaibang lakas, katangian at may pagka-bayaning Pinoy na kayang patumbahin ang matangkad na katunggali.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 5, 2020




Hindi na kasi natin namamalayan na araw-araw ay pare-pareho na pala ang ating ginagawa at paulit-ulit na lang dahil nga sa bawal lumabas habang may pandemic. Bakit hindi mo subukan ang mga sumusunod na hakbangin upang mas maging adventurous ang buhay kahit nariyan ka lang sa loob ng bahay, sa bakuran at sa inyong subdivision o kalye.


1. Kailangan mong pagsumikapan na maging simple lamang ang buhay at bawasan ang mga bagay nagpapadagdag sa iyong stress at nagpapa-komplika sa iyo. Ito ang unang hakbang upang mahanap mo ang kaligayahan sa mga bagay na iyong gusto-gustong gawin.


2.Kailangan mong pumili ng hobbies na gustung-gusto mo nang gawin pero hindi nagagawa kahit noon pa at ngayon mo na dapat gawin. O kaya ay gawin ang isang bagay na nagawa mo na noon subalit dahil sa kawalan ng oras at sa rami ng iyong commitments sa trabaho ay hindi ka na aktibo rito.


3.Maglakad-lakad o mag-jogging sa lugar at sumubok ng bagong bagay. Subukang magtanim ng halaman, gumawa ng mini-garden na hindi mo dati nagagawa. Maglinis ng buong bahay,magpalit-palit ng puwesto ng muwebles, magre-decorate, mag-drawing, magpintura ng pader, magrecycle ng mga plastik na kagamitan. Manahi ng mga damit, ilabas ang mga lumang tela at tingnan kung anong design ang magagawa. Magluto ng mga bagong resipe na gustung-gusto mong tikman. Ito na ngayon ang magbubukas ng bagong adventure sa iyong buhay.


4. Kung may sarili namang sasakyan puwede namang bumiyahe sa mga kalapit probinsiya o kung may panggastos kahit may pandemya at malakas ang loob mong sumakay sa eroplano para magpunta ng Visayas o Mindanao, go! Habang malakas ka pa ay gawin na ang pagbibiyahe at makapamasyal sa magagandang lugar na pangarap mong mapuntahan. Kailan mo pa ito gagawin, kapag matanda ka na at mahina na ang iyong tuhod?


5.Higit na maging bukas sa bagong mga ideya o kinauugalian at magkaroon ng bagong mga kaibigan sa buhay. Baka sa mga bagong kaibigan mo rin matututunan ang bagong mga pagkakaabalahan o hobby na magpapadagdag sa adventure mo sa buhay. Narito pa ang iba pang tips at payo kung paano magkakaroon ng dagdag na adventure sa iyong buhay at kaligayahan. 6. Kahit sino kasi ay may iisang ginagawa araw-araw, mula sa bahay hanggang sa trabaho. Kaya nga dapat ay hamunin ang sarili na magpokus sa pagsisikap na magawa ito at sikaping magkaroon ng at least isang kakaibang bagay araw-araw!


7.Ano ba ang iyong pananghalian?

Pansinin ang palagiang kinakain kapag tanghalian. Karamihan ay may paboritong karinderia at restaurant ang isang tao. Iisa ang napapansin niyang kanyang inoorder at kinakain. Bakit hindi subukan ang anumang bagay na bago. May posibilidad kasi na maaaring hindi mo na gusto ang nakasanayan at parang nais mong maiba naman.

8.Tumanaw-tanaw sa paligid.

Bakit hindi mo ibahin ang ruta ng iyong daraanan pauwi? Ilang beses ka na bang umuuwi ng eksaktong oras, araw-araw? Para maiba naman ang tanawin ng daraanan o lalakaran, bakit hindi ka umiba ng daan. Tanawin ang ibang paligid. Habang nasa dyip, FX o bus ka ay tanawin ang dinaraanan at tingnan ang tanawin sa labas kung commercial area ay ipamilyar na rin ang sarili sa mga establisimyentong makikita. Kung bukirin, ilog at bulubundukin ang daraanan ay hagurin ng tingin ang ganda ng paligid na dinaanan. Parang sulit na rin naman ang idinagdag mong P10 sa pamasahe kung nakaiinteres naman ang mga bagay na iyong nadaraanan.

9.Subukang gumising nang mas maaga.

Tingnan ang iba pang aspeto ng iyong araw-araw na ginagawa. Tanghali ka ba kung magising at nagmamadali sa pagpasok sa trabaho? Bakit hindi i-set ang alarm clock ng mas advance ng kalahating oras sa karaniwang gising para makapaglakad-lakad muna sa labas? Hindi naman kailangang nagmamadaling lakad, katamtamang paglalakad lang. Iyong mapalakas mo lang ang iyong baga at igalaw ang iyong mga masel ay ayos na. Muli, tandaan na ganyan ang gawing routine para maiba naman.

10. Bumati ng Hello.

Tingnan mo ang mga taong iyong nakakausap? Bakit hindi mo subukan na makipag-usap sa bagong mga tao ngayon? Bakit hindi mo nagagawa ito? Ano ba ang pumipigil sa iyo? Tutal, kung nakita mong may pareho kayong kinahihiligang gawin ay mas maganda. Kung nakikita mo siyang mahilig na mag-badminton ay sumama ka sa kanya. Puwede ninyong mapag-usapan ang tungkol sa ganyang sports, klima, at maging malikhain. Maaari kang masorpresa o magulat dahil kilala ka pala nila, alam nila ang iyong pangalan at friendly ka rin pala. Basta tandaan, mga kapitbahay mo rin at nakakasalubong mo sila.


11. Napakaraming paraan upang mas maging adventurous. Ilarawan ang mga bagay na ginagawa mo nang pare-pareho at subukan na gawin ito nang paunti-unti. Makikita mo, may magagawa ka palang kakaiba araw-araw! Malalaman mo rin na higit mong mae-enjoy ang iyong buhay! Congrats sa bago mong adventure!

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 4, 2020




Oo, ang ating bahay ang siya nating santuwaryo. Dito ka nakatira, nailalaan ang buong buhay mo rito, at ito ang tanging lugar sa mundong ito na dito ka nagpapakatotoo. Gaya ng isang kastilyo ng hari, ang iyong bahay ang siya mong nasasakupan. Diyan ka sa inyong tahanan nasusunod at naghahari. Pero paano kung may hindi nakikitang mga nilalang sa gabi na gumagala sa iyong nasasakupan.


Parang ang hirap na markahan ang linya sa pagitan ng pintuan na bigla na lang nagsara dahil sa lakas ng hangin at pintuan na ibinalagbag ng nagmumultong espiritu. Anuman sa mga pangyayari na gaya nito ay pihadong namumugad diyan ang mga multo, ang tunay na pamumugad ng mga multo ay bihira lang na mangyari. Ang katotohanan na ito ay bihira lang pero aktuwal na nakapapraning, maging ang tunog man na iyong naririnig, mga anyo na nakikita at bintana na bigla na lamang na nagsasara ay pawang mga senyales na ang iyong tahanan ay tinatahanan ng nakatatakot na mga nilalang sa gabi.


Upang matulungan ka na maalis ang pagkapraning mo, naglista tayo ng ilang senyales na dumedetermina kung ang bahay ay pinamumugaran ng mga espiritu. Basahin ito at pansinin kung nakadaranas ka nga ng mga ganitong bagay.


1. MGA ‘DI MAIPALIWANAG NA INGAY.

Nag-iisa ka lang, pero bakit nakadirinig ka ng kakaibang mga yabag sa labas ng iyong silid. Hindi lang iyan, boses pa ng mga bata na naglalaro sa hardin ang iyong naririnig. Ang weird lang dito kapag sinilip mo sa labas, wala namang tao. Ang mga ingay ay magkakaiba kung minsan. Hindi mo naman maipaliwanag kung saan ang ingay na iyon nagmumula at higit sa lahat, nanginginig ka na.


2. ANG MUWEBLES NA NAWAWALA SA PUWESTO.

Inilagay mo ang iyong coffee table sa tabi ng iyong paboritong sofa. Pero sa hindi maipaliwanag, bakit nawawala roon kinabukasan ang coffee table, kahit saan ka tumingin at hinahanap ito hindi mo makita ang coffee table. Pero kinabukasan, makikita mo na nasa ibang lugar na ito. Akala mo lang isang kapamilya ang naglipat nito, kaya binalewala mo na lang at hinahayaan mo na lang ang nangyari. At dahil tapos na iyon, nagising ka uli kinabukasan at naghahanap ka na naman ng ilang piraso ng muwebles sa lahat ng dako ng bahay. Maliwanag na isa sa nilikha na iyon sa gabi ang may kagagawan.


3. MGA NAGPAPAKITANG ANYO.

Itinutok mo ang camera at pinindot ang button. Perpektong lumabas sa kuha ang magagandang ngiti ng tatlo mong mga kaibigan pero tila isang medyo maulap na pigura ang kasama rin sa camera. Kung minsan sa pagharap mo sa salamin at nakakita ka ng isang parang maulap din na imahe tapos biglang nangatog ang tuhod mo at natakot ka, iyon na ‘yun. Kung ito ay nangyayari ng higit sa dalawang beses sa inyong tahanan, magpahanap ka na ng paranormal expert.


4. KAKAIBANG PAKIRAMDAM NA MINAMASDAN KA.

Wala ka mang nakikita o naririnig na anuman, pero parang lagi kang nakadarama na mayroong nagmamasid sa iyo. Ang bagay na iyon ay sapat na para manginig ka. Karaniwan itong nangyayari sa isang partikular na bahagi ng inyong bahay.


5. ANG KAKAIBANG UGALI NG HAYOP.

Bigla na lang may kakaibang ikinikilos ang iyong alagang hayop. Tumatahol ang aso sa isang lugar na wala namang tao pero naroong natatakot siya kaya kung minsan ay umaalulong. Ayon sa paranormal experts ang mga hayop ay may paraan ng kanilang pagkakaalam at pakiramdam kung may masamang espiritu na gumagala sa gabing iyon lalo na sa loob o paligid ng tahanan.


Ito na rin ang ilan sa senyales na haunted house ang bahay. Kung minamalas ka, ang mga kakaiba at mas marami pang pangyayari ang magaganap sa iyong nasasakupan. Iyon nga lang, hindi lahat ay sensitibo sa ganitong senyales ng nambubulabog na mga kaluluwa.


Kaya ano ang iyong gagawin kapag may multo sa bahay n’yo? Huwag mag-aksaya ng oras at tumawag ka na ng paranormal expert para masaway ang mga espiritu sa mas tamang paraan. Gawin na agad ito at huwag mo nang hintayin na ang multo ay makapanakit na. Oo’t parang aksaya sa oras, pero tiyak namang paraan ito para mapahinga na ang naturang kaluluwa at hindi na magpakita sa inyong bahay. Oras na para tanungin ang sarili, “May multo nga ba rito sa bahay ko?”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page