- BULGAR
- Dec 23, 2020
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 23, 2020

Paskong pandemya ngayon pero kahit sa gitna ng krisis at kalungkutan, iba pa rin ang Pinoy, nagagawa pa ring maging masaya ang kanilang Pasko, pero tila yata iba ang nangyayari sa iyo ngayon. Namatayan ka ng mahal sa buhay at hirap ka ngayon sa pera o kaya naman ay sobra kang busy sa trabaho, nag-aaway-away pa kayo sa pamilya pagkatapos ay gumawa pa ng kalokohan ang anak mo at talagang bigung-bigo ka sa buhay. Feeling mo bagsak ang mundo mo ngayon.
Naku, kalimutan mo na muna ‘yan. Sa halip na feeling sad ka ngayong Pasko, isipin mo ang mga masasayang alaala. Iyong mga alaala na sobrang nagpapataba ng iyong puso at hindi ang alaalang dumudurog sa puso mo. Oras na para mag-enjoy ka ngayon sa buhay.
1. Hala, yakapin mo ang saya ng Pasko. Dahil kapag naglungkut-lungkutan ka ngayon, lalo ka lang malulungkot at hindi maganda iyan sa pagpasok ng Bagong Taon. Ang dapat mong gawin ay gawin ng normal ang dapat kapag sumasapit ang Pasko. Kung nag-iisa ka ngayong Pasko, magpadala ng Christmas cards o masasayang messages sa mga kaibigan at katrabaho. Kung sumagot naman sila, ipa-print mo ang kanilang Christmas cards at idisplay mo ito. Mapapangiti ka kapag nababasa mo hindi ba, dahil naalala ka nila.
2. Magpaka-busy ka ngayong Pasko. Huwag kang mag-isip nang kung anu-anong negatibo. Kung wala kang kapera-pera at hindi mo kayang bumili ng regalo, baka may iba pang paraan na makagagawa ka ng mga personalized gifts. Magpinta ka ng larawan o sumulat ng tula. Salansanin mo lahat ng pictures at saka mo i-scan at ipadala sa FB sa mga kaanak. Gumawa ng ornaments para sa mga kaibigan.
3. Umiyak. Kung talagang feel mong iyak, siya, sige, umiyak ka! Kung gusto mo ng kausap, tawagan sila. Huwag mong hayaan na hindi mo makausap ang pinakamabuti mong kaibigan. Hindi ka dapat malungkot. Ang mga kaibigan ay nariyan para suportahan ka.
4. Kung feel mong makipag-diskusyon sa announcer sa radyo o kaya ay maki-share ng sarili mong awiting Pamasko at iparinig sa buong bayan ang iyong boses ay tumawag ka sa isang radio show o kaya naman ay mag-videoke ka. Kung hindi mo alam ang lyrics ng kanta, sige lang, kanta lang, hanggang sa matawa ka sa ginagawa mo. Hindi ba’t ang pagtawa mong ay gamot na para sa kalungkutan ngayong Pasko.
5. Gumawa ng kabutihan. Kapag inisip mo ngayon ang positibo at may maibibigay kang lumang mga damit, kumot, mga hindi nagamit na laruan ay ipagkaloob na sa ito sa mga dapat pagbigyan. Imbes na malungkot ka, gawin itong isang kalakasan. I-donate ang oras na makipag-ugnayan sa mga charity organizations at makipag-usap sa mga hikahos at palakasin din sila kahit walang-wala sila at least makagagawa ka ng kakaibang kabayanihan at masayang damdamin sa iyong kapwa ngayong Pasko.






