top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 30, 2020




Sumusunod na sa U.S. ang mga bansa sa Europa tulad ng Britanya na nagsisimula nang pumalaot ang pagbabakuna laban sa coronavirus.


Ang mabilis na development at approval ng bakuna ay nangyayari na sa buong mundo, pero marami pa ring mga katanungan kung epektibo ba talaga at kung anu-ano ang mga side effects nito sa katawan ng tao. Narito ang hinalaw na balita mula sa Japan Times.


Ilan ba ang bakunang maaring mapagpilian? Karaniwan na tumatagal ng hanggang 10 taon bago madebelop ang isang bakuna at maibenta sa merkado ang new vaccine, pero ang proseso ay minadali laban sa COVID-19.


Ang vaccine na dinebelop ng American company Pfizer at ng German company BioNTech ay aprubado para gamitin sa Britain noong Dis. 2. Libu-libong matatanda roon ang tinurukan ng unang dose.


May 16 na mga bansa at sa European Union ang binigyan ng go signal para sa Pfizer-BioNTech vaccine. Ang U.S. Food and Drug Administration ay binigyan ng emergency authorization ang Pfizer-BioNTech drug at ang American company Moderna.


Nagsimula nang magbakuna ang Russia noong Dis. 5 gamit ang domestic drug na Sputnik V, na nananatiling nasa 3rd phase ng clinical trials. Nagbakuna na rin ang China para sa emergency use ng ilan nilang vaccines, bagamat wala pa sa mga ito ang pormal na aprubado. May kabuuang 16 vaccines ang nasa final stage ng development, kabilang na ang nasa merkado, ayon sa World Health Organization.


Ano ang roll-out timetable? Nagsimula ang pagbabakuna noong Linggo kasunod ng approval ng Pfizer-BioNTech shot ng European Medicines Agency. Ang mga bansang Germany, Hungary at Slovakia ay nagsimulang magbakuna noong Sabado na may nag-viral pang fake news na isang nurse na umano'y 'namatay,' 6 na oras matapos mabakunahan.


Anong bakuna ang mas epektibo? Mula noong Nob. 9, apat na manufacturers ang nag-anunsiyo na ang kanilang bakuna ay epektibo: Pfizer-BioNTech, Moderna, ang British alliance AstraZeneca-University ng Oxford at ang Russian state institute Gamaleia. Ang anunsiyo na ito ay base sa Phase 3 clinical trials kung saan naturukan ang 'tens of thousands of volunteers.\ Gayunman, ang mga detalye at validated data ay available lamang para sa Pfizer-BioNTech at AstraZeneca-Oxford drugs.


Kinumpirma ng scientific journal na The Lancet noong Dis. 8 na ang AstraZeneca vaccine ay 70% effective on average.


Kinumpirma ng FDA na ang Pfizer-BioNTech vaccine ay 95% na epektibo habang ang Moderna ay may 94.1% na effective. Sinasabi ng Russia na 91.4% na epektibo ang kanilang Sputnik V vaccine.


Pinakamura ang AstraZeneca-Oxford vaccine na may halagang €2.50 per dose. Ang vaccines mula Moderna at Pfizer-BioNTech ay dapat mailagak sa mas malamig na temperatura (minus 20 degrees Celsius sa una, at minus 70 degrees ang huli).


Anu-ano ang side effects? Sinasabi ng mga eksperto na ang tens of thousands of volunteers na naturukan ay ilan lamang ang nakaranas ng matinding side effects.

Ayon sa FDA, ang Pfizer-BioNTech vaccine ay maaring magresulta sa 'painful reactions' sa mga kamay at braso na naturukan. Ang iba pang undesirable side effects ay fatigue, headaches, cramps at may nilalagnat.


Ano pa ba ang isyu na dapat sagutin? Ang pinakamahalaga ay ang long-term efficacy. Ayon sa Penny Ward of King’s College sa London, ang pinakaimportanteng tanong ay kung gaano katagal magbibigay proteksiyon ang bakuna sa katawan at kung ang proteksiyon na iyon ay sasangga sa mutated strains.


Isa pang krusyal na tanong ay kung ang vaccines ay magre-react sa mga iba't ibang populasyon, lalo na sa mas matatanda na mas madaling mahawahan ng COVID-19. Makakaiwas nga ba ang nabakunahan na mahawa pa ng virus o mabawasan ang paglala ng sakit ng mga naturukan na?


May laban ba ang vaccine sa bagong strain ng COVID-19? Naniniwala ang European Union experts na ang current vaccines laban sa COVID-19 ay nananatiling epektibo laban sa bagong strain ng virus na na-detect sa Britain at Japan na sinasabing mas mabilis makahawa.


Dito sa Pilipinas, sa pinakahuling ulat ang pinakamurang bakuna ayon sa lumabas sa Inquirer.net ang Novavax (366), sumunod ang Astrazeneca (610), Covax facility (854), Gamaleya ( 1,220), sumunod ang Pfizer (2,379) habang ang Sinovac (3,629.5) at ang Moderna (3,904- 4,504) na may tig-2 doses. Kabilang na rito ang 12% VAT at 10% inflation rate.


Ang estimated na presyo ay hindi pa kabilang ang iba pang logistical requirements tulad ng vaccinators at PPE's at supplies para sa storage requirements. Kasama sa gastusin ang cost of training ng vaccinator - P1,200 (1 vaccinator kada 350 katao). Halaga ng iba pang peripherals ng vaccinators tulad ng masks, face shield, alcohol at cotton balls P962 (for 1 dose) or P1,924 (for 2 doses).

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 29, 2020




Kung nais mong maabot ang iyong ambisyon partikular na sa pinansiyal na aspeto bago matapos ang krisis ng 2020, heto ang ilang mga hakbang upang magkaroon ng financial makeover ang buhay:


1. Pagpasyahan ang malaking layunin sa taong 2021, kung kailangan ng tulong para makatipid at kung paano makapag-iipon sa taon na iyan, hingin ang payo ng kapamilya o kaibigan.


2. Ibahagi ang layunin na iyan sa ibang tao, lalo na kung makatutulong sa iyo na makatipid. 3. Pigilan ang sarili na galawin ang savings kada buwan. 4. Magkaroon ng oras na isiping mabuti ang mga nakaraang good at bad decision hinggil sa paggasta. 5. Itapon na rin ang mga brochures na nag-aalok ng mga ibinebentang mga kagamitan.

6. Ihinto na ang notification bell sa pagtanggap ng sales alerts sa social media. 7. Bigyang pansin ang discounted na presyo, makakatipid ka sa ganito. 8. Badyetin na ang pera sa buong isang taon, hindi sa isang buwan, mas mainam kung ganito ang gagawing pagbabadyet.


9. Maglaan lagi ng listahan o diary para sa mga gastusin. 10. Tsekin ang insurance kung sapat na ito para sa iyo. 11. Sumulat na ng will of fortune o kung kanino mo ipamamana ang iyong mga ari-arian o salapi. 12. Proteksiyunan ang iyong pagkapribado, huwag mong basta ibibigay kahit kanino ang mga personal na impormasyon at social security number o account number.


13. Isulat kung magkano ang dapat mong iimpok hanggang sa pagtatapos ng taon. 14. Maging mahusay na tagapagluto. 15. Bawasan na rin ang mga utility bills. 16. Magtipid sa kuryente maging sa paggamit ng iba pang appliances. 17.Gumamit lang ng pinakamahalagang household products at personal hygiene.


18. Simulan na ang paggawa ng mga craft materials, homemade food bilang sisimulan mong ekstrang trabaho. 19. Humanap ng mga babasahing inspirasyon hinggil sa tamang paggastos at wais na paghawak ng salapi.


20. Maglaan na rin ng impok para sa emergency fund. 21. Hingin ang tulong ng pamilya para makapaghati-hati ng gastusin sa loob ng bahay. 24.Pagpasyahan kung anong uri ng kapital ang nais mo, kung online bisnis o pisikal na pagnenegosyo.


25. Magsimula nang mamuhunan. 26. Unahing bayaran ang pinakamalaking utang. 27. Pumili ng pinakamainam na credit card para sa iyo. 28. Iwasan na ang mangutang. 29. Gumawa ng plano para mabawasan ang mataas na interes ng utang. 30. Kumuha na rin ng retirement savings upang umibayo ang iyong impok.


31. Konsiderahin na rin ang pag-iimpok sa bangko. 32. Paglaanan na rin ang pag-iipon para sa iyong pagreretiro. 33. Gamitin ang iyong prebilehiyo sa Social Security System at iba pang seguro mula sa gobyerno. 34. Matuto ng maraming bagay sa iyong trabaho upang ma-promote pagdating ng araw. 35. Gumamit ng social media upang umibayo ang iyong career.


36. Maglaan ng creative time para sa sarili. 37. Hingin na rin ang dagdag na suweldo. 37. Makipag-usap sa iyong mga magulang at kapatid hinggil sa anumang suporta na iyong inaasahan para sa kinabukasan.


38. Pumili ng isang kawanggawang lalahukan na pinaniniwalaan mo. 39. Hanapin ang tatlong paraan para makapagkawanggawa, gaya ng blood donation o volunteer work. 40. Magbigay ng mainam na regalo, marami ang sobra-sobrang gumagastos para lang makapagbigay ng regalo, mas mainam na kung ipapasyal mo ang iyong loveones at isasama sa isang pagkakape, puwede nang regalo iyan.


41. Linisin ang closet, mag-donate ng mga luma nang mga gamit at damit, mga aklat o CDs sa kawanggawa. 42. Makipagtulungan sa mga kaibigan kung nais mong matuto nang hinggil sa tamang paghawak sa pera.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 28, 2020




Ang bilis ng mga araw, bilang isang Overseas Filipino Worker ay parang kailan lang ang dalawang taon na kontrata ay pangalawang Pasko mo na pala riyan sa ibang bansa na pinagtatrabahuhan mo at heto nga Pasko na naman, kaya lamang ay panahon ng pandemya.


Kung naalala mo man iyong dating simpleng pagsasalu-salo ninyo ng loveones sa Noche Buena, pamamasyal kahit sapat lang ang budget, nagsisimba nang sabay-sabay ng buong pamilya habang suot-suot ninyo ang mga bagong damit na binili pa sa Divisoria ay hindi ba talagang nakaka-miss nang sobra lalo na’t nakasanayan mo na iyan noon pa bago ka nagtungo diyan sa ibang bansa?


Pero paano kung isa ka nang contract worker na kung hindi man mapayagan ng employer na magbakasyon ngayong Pasko o kaya ay dahil nag-aaral ka at marami ka pang dapat tapusin para makasama ang pamilya ay mas pipiliin pang manatili roon na mag-isa at idaos ang Pasko na puro tawag lang sa telepono, text at chat ang matatanggap mula rito sa Pilipinas.


Pambihira ka rin naman, ano, tiniis mo ang lahat na hindi makasama ang mga mahal sa buhay na naghihintay sana sa iyong pag-uwi dahil sobrang nami-miss ka nila, lalo na ang mga magulang mong may edad na at sabik na sabik kang makita, maging ng asawa at anak mo na mayakap ka pero nariyan ka pa rin.


Mas pinili mong unahin ang trabahong hindi puwedeng iwanan na bukod diyan ay nariyan din ang panghihinayang mo na gumastos nang malaki lalo’t alam mong ‘di lang ang mga anak mo ang naghihintay sa’yo kundi maging ang iba mo pang mga kapatid na kalabit-penge rin ang ugali.


Hayyy, anong lungkot naman na sa kabila ng kanilang kasabikan na makasama ka at alam naman nilang may naipon ka naman ay may sapat kang halaga para makauwi at makapag-ambag man lang sa kanila ng konting pasalubong para sa noche buena ay hindi mo pa nagawa.


Kunsabagay, naiintindihan ka na namin sa isang banda dahil may pandemya na talagang para sa pag-iipon nang malaking pera ang pakay mo kaya ka nag-abroad at nagtrabaho sa bansang iyan para mapaginhawa mo ang iyong pamilya.


Marahil ay hahayaan mo na lang siguro na malungkot ang mga anak at asawa mo na habang sa ilang magkakasunod na Pasko ay hindi ka man lang nila nakakasama. Manikip na lamang ang kanilang mga dibdib sa inggit sa ibang pamilya na nakikita nilang kumpletong nagsisimbang-gabi, nag-aawitan sa karaoke, nagki-christmas party, kahit na hindi masamahan ang mga anak papunta sa kanilang mga ninong at ninang at magkakatulong na sumasalubong at hinahandaan ng makakain ang mga bisita sa araw ng Pasko dahil bawal pa rin ang sama-sama dahil sa COVID-19.


Sakripisyo ka na lang ba na damhin ang lamig ng mga niyebe sa ganitong Kapaskuhan at tanawin ang mga kumukutitap na Christmas lights mula sa nagyeyelong Christmas tree ng iyong kapitbahay, na hindi maka makalabas dahil sobrang lamig at kapal ng yelo sa kalye at tanging si Santa Claus na nakatayo sa isang gilid ang kasama mo sa Bisperas ng Pasko?


Sige, naiintindihan ka na namin. Kung nalulungkot man ang pamilya mo rito sa Pilipinas, higit na doble ang ganyan mong nararamdaman dahil diyan sa ibang bansa ay lockdown din at kahit ang mga kaibigan ay hindi rin nakakalabas ng bahay, may sarili silang mga pamilyang gusto bilang lang sa daliri ang makapiling sa araw ng pagmamahalan, pagbibigayan at pagsasama-sama.


Alam din namin kung gaano kahirap ang kalooban mo sa araw-araw na iyong pagtatrabaho ay iniisip mo kung paano pagagandahin ang buhay ng iyong mga anak, mapagtapos mo sila sa kanilang pag-aaral, mapaayos mo ang inyong bahay na kubo lamang at nasa gilid pa ng riles ng tren, ang mabigyan ng sapat na puhunan ang iyong asawa para makapagsimula ng kanyang pangarap na negosyo at ang makapag-ipon ng malaking halaga para sa mas magandang kinabukasan ng iyong pamilya.


Kunsabagay, sa totoo lang, mahirap din na basta ka na lang gagastos habang hindi pa naman gayon kalaki ang iyong naiipon. Alam mo naman dito sa atin, kapag may galing abroad, akala ng kaanak o kaibigan ay marami nang dalang pera kaya ka binibisita at kinukulit ng pasalubong.


Ang hindi nila alam, kaya biglang napapauwi rin ang isang OFW ay dahil may problema sa trabaho o kaya ay nagsara ang kumpanyang pinapasukan.


Kung makauuwi ka naman ay konting tipid din dahil kapag pinuntahan ka ng isang kakilala, tiyak na may kasama iyan, kung hindi pinsan, pamangkin, tiyuhin o tiyahin at mga kaibigan. Masarap na medyo stressful dahil alam mo na kailangan mong paghandaan ang ganyang senaryo.


Pero kung talagang hindi ka uuwi, lunukin mo na lang ang pait ng eksenang ganyan talaga ang kinakaharap na buhay at lungkot ng mga overseas workers. Iyong marinig mo kasi ang mga awiting Pamasko na talaga namang nagpapaalala ng iyong buhay na masaya kasama ng buong pamilya sa Pilipinas, tapos ay heto’t nag-iisa ka, nakatanaw lang sa bintana habang umuulan ng niyebe, tinitingnan lang ng may paghanga ang isang di naman kumikibong Christmas tree at mga dekorasyon diyan, kahit gaano pa kakulay ang kapaligiran ay parang walang buhay at walang saysay ang mga makikinang na kutitap ng ilaw sa buong bahay kung wala namang init ng pagmamahalan, halakhakan at tawanan ang umiibabaw.


Pipilitin mo na lang siguro na burahin sa isipan mo na masarap ang pagkaing Pamasko na tinitikman mo habang iniisip mo kung kumusta na kaya sila sa Pilipinas? Nakakakain din kaya sila ng masarap na tulad ng kinakain mo? Sana’y natitikman din nila ang pagkaing ganito kung nandoon ka lang sana.


Kung sakripisyo ang pinairal mo na hindi ka umuwi, how much more ang nadarama ng loveones mo rito. Ang halaga ng Pasko ay pagmamahalan, iyong pag-aalala nila sa iyo at panalangin ay sapat nang gawin nila dahil wala ka rito. Malayo ka man sa iyong mga mahal sa buhay, punuin mo na lamang ang iyong isipan at damdamin na kasama mo ang mga taong mahalaga sa iyong buhay kahit wala sila sa tabi mo, ligtas sila at maayos ang kanilang kalusugan ang mahalaga.


Iyang kasabikan mo rin at kalungkutan na makasama sila ay sapat nang tanda ng iyong pagmamahal sa kanila at unti-unting maunawaan ang sariling buhay bilang isang OFW.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page