top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | December 2, 2022




Maitutulad sa isang naglalakbay sa daan ang tinatahak na landas ng BULGAR. Pakay lumayo at umakyat pa ng matagumpay sa matataas na lugar, pero ang mga susuungin na daan tungo sa mas malayo pang mararating ay pawang may iba't ibang mapanubok na sitwasyon.


Sa unang dalawang taon ng BULGAR (Pahayagan ng Katotohanan), matrapik dahil hindi basta makausad sa mga karibal na tabloid at magasin na unang humarurot sa kalye.


Subalit sa husay ng pagmamaneho ng publisher na si Gng. Leonida B. Sison at yumaong mister na si G. Rainier Sison, sinabayan nila ang harurot kahit makitid ang daan.


Pagsapit sa ika-5 kilometrong taon na daan, naroon na tuwing bubusina ang kopya ng Bulgar sa bawat kanto, nililingon ng masa, paparahin dahil makulay ang bawat kulurete ng kuwento. Nakikiliti ang marami kapag sinasakyan ang behikulong handog na istorya ng diyaryo. Natutuwa pa rin sila kahit nakababa na ang estribo ng pahina, parang gusto pa nila uling abangan sa kabilang dulo ng kalye ang Bulgar upang muling sakyan at tunghayan ang mga kuwentong kapana-panabik sa araw-araw na pagdaraan. Dito, ang biyahe ay nakaabang na ang mga terminal ng matitingkad na advertisement.


Sumasabay sila sa harurot ng pahinang walang pagod araw-araw ang biyahe sa mga lansangan.


Pagsapit sa ika-15 taon, nagka-aberya man ang biyahe dahil sa pagtagilid ng gulong ng ibang departamento bunga ng mga masalimuot, baha at maputik na daan, nailabas ang itinatagong reserbang magpapalutas sa mga problema. Kinumpuni ang mga parteng kinalawang, inalis at pinalitan ang mga nasira at nawalang turnilyo upang muling makausad ang bagong gulong sa nahihitik na kargang impormasyon ng Bulgar (Boses ng Masa, Mata ng Bayan).


Nasa ika-25 kilometrong taon na ang Bulgar (No. 1 sa pamilyang Pinoy) nang lumawak pa ang daang tinahak at maparaan sa tollgate ng online platform. Makabago ang daan, malawak ang mga linyang puwedeng maniobrahin ng mga balita at tsismis, mapa-streamline man o online, wala pa ring trapik na diretso lang ang buga ng tambutso ng diyaryo.


Subalit, bago pa makarating sa dulo ng ika-31 kilometrong taon, nabalahaw ang behikulo sa ika-29 na kilometro nang salubungin ng COVID-19. Gumarahe sandali ang Bulgar upang makaiwas sa kumunoy ng pandemya. Umabot ng halos 2 taon na walang biyaheng diretso. Tila mga mandirigmang nasukol ang nagmamaneho at sakay ng diyaryo sa isang 'zombieland.'


Salamat at naparaan ang rescue ng mga bakuna, naka-survive mula sa magubat at mabangis na daan ng ika-30 kilometro ang Bulgar. Natanaw na at narating ng mga nagkaisang sakay upang makabangon sa lugmok na pagsubok ng pandemya ang dulong yugto ng ika-31 taong landas na pinakaaasam! MALIGAYA ANG PAGDATING NG BULGAR SA 31-TAONG KILOMETRO!


 
 

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | April 7, 2022




Napakaliit na lang ng bilang ng mga impektado ng COVID-19 sa bansa at nasa 377 na lang noong isang araw kumpara sa patuloy na pagdami pa ng nagkakasakit sa Shanghai, China na umabot ng 13,354 sa nakaraang 6 na araw. Salamat sa patuloy na pag-iingat ng bawat Pinoy sa sarili upang makaiwas sa nakamamatay na virus. Nakakaugalian na ang tamang pagsusuot ng facemask, madalas na paghuhugas ng mga kamay at paga-alkohol kapag nasa labas ng bahay, sumusunod sa health and safety protocol kahit saan magpunta at higit sa lahat 60% ang fully vaccinated at 10% ang boosted na sa 'Pinas.


Ang patuloy na pagbalanse rin sa tamang nutrisyon, ayon sa isang top-US based immunology expert na si Dr. Emmanuel U. Sarmiento, ngayong 2022 ang makatutulong upang mapanatiling malusog, masaya, maging aktibo at nage-ehersisyo habang nagbabalik sa dating routine ang buhay sa new normal. Isiniwalat niya ang tamang edukasyon bilang dagdag kaalaman para mapanatiling ligtas sa COVID-19 sa forum ng Boosted and Fit in the Pandemic sa Estancia de Lorenzo, The Luxe Pavilion sa San Mateo, Rizal. Ang resistensiya ng katawan kontra viruses at iba pang sakit ay nakasalalay sa pisikal na kondisyon, "Ang supplements kasi ay 'di masabing safe kasi may tinatawag tayong micronutrient malnutrition. You can feel healthy, but if your body is not taking the right amount of micronutrients from the food you eat, then you can still get malnutrition," dagdag ng kinilala ring top allergist at immunologist sa South Carolina noong 2020.


Mahalaga raw sa chemotherapy patients ang supplements na may immunity boosters maging sa nagpapagaling mula sa operasyon. Mabisa rin sa matatanda ang tamang supplements lalo na't humihina ang immunity. Epektibo rin sa pagpapalakas ng immunity ang mga sangkap na Vit. A, C, D, E, Thiamine, B6, B12,Zinc, Selenium, ginger at turmeric. Manatili rin sa pagkain ng sariwang nilulutong gulay o isda kaysa sa mga processed at packed foods para lumakas ang immune system.


Sa katunayan, nakatulong sa medical frontliners sa U.S. noong pandemya ang pag-inom ng immunoboost at ipinagpasalamat na lahat ng gumawa ng diyeta na ito ay hindi tinamaan ng COVID-19 bago pa lang nauso ang bakuna, bagamat may ilang dinapuan ng virus ay mild lang ang naging sintomas.


Pagdating sa tamang pagkain at makaiwas na madagdagan ang timbang, ayon kay Ms. Julianne Malong, malaking challenge ang pagpili ng masustansiyang diyeta. Anuman ang edad at problema sa kalusugan, nakasalalay dito ang tamang kinakain na hindi makasasama sa kalusugan. Ang sustansiyang nakukuha sa pagkain ay susi sa malusog na buhay. Simulan nang magkakain ng gulay, prutas at protina para manatili ang tamang timbang, maiwasan ang sakit sa puso at hindi tumaas ang blood sugar.


Limitahan ang pagkain ng matatamis na meryenda, kendi at softdrinks dahil nakatataba ito at delikado sa katawan. "Ang pagpapalakas ng katawan ay nagsisimula sa cardiovascular system, habang nagkakaedad dapat pleksibol ang katawan, malakas at matibay ang mental health o positibo habang aktibo," mungkahi ni coach Nix Quejada. "Ang regular na ehersisyo kahit 30 minuto bawat araw, kahit busy o abala sa trabaho, anumang oras ka available ay gawin na, tulad ng push ups, weight training, yoga, zumba, cycling or running. Sikaping makilahok sa mga healthy competition o kaya gumamit ng electronic step tracking o fitness tracking gadgets para makita ang pagka-aktibo."


Bukod sa nutrisyon, supplements at ehersisyo, ang pisikal na kakayahan at kalusugan ng isipan, ang siyang pipili para magkaroon din ng sapat na tulog, maiwasang magkasakit, hindi malululong sa alak, masigla sa pakikisalamuha at nakokontrol ang stress levels.


Ika nga, ang dahan-dahang pag-iibayo ng kalusugan mula sa maliit na paraan, ang magbibigay motibasyon na makakasanayan na habang tumatandang malakas at naipagpapatuloy ang pisikal na aktibidad kasama ng pamilya, nakakalahok sa fitness challenges, nakapaglalaro outdoors, nakagagawa pa ng gawaing bahay upang di dapuan ng COVID-19. Tanging ikaw lamang sa iyong sarili ang magbibigay ng positibong pagbabago sa buhay.


Panghuli, sa rami ng dumaranas ng pag-aalala o anxiety tulad ng ilang celebrities, ang meditation na isang sinaunang praktis ang epektibo para pampakalma, mapayapa at mabalanse ang emosyon at isipan. Ang meditasyon o mind-body therapies ay nakatutulong kontra anxiety, stress, fatigue, nagpapaganda ng mood, pampasarap matulog at nagpapaibayo sa kalidad ng buhay.

 
 

patuloy na ipinagluluksa ng naiwang mga anak



ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | December 02, 2021





Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang isang anak na labis ngayong nangungulila dahil sa magkasunod na pagpanaw ng kanyang mga magulang gawa ng komplikasyon sa COVID-19.

“Nagsimula ang lahat the day after my Father's birthday. August 10, 2021 ang birthday ni Dad.


Kinabukasan, nagka-fever na siya, akala namin dahil lang naambunan siya. On and off na ang fever niya and napansin ko na yellowish na ang kulay niya. Maybe dahil may kidney failure siya, naging normal na kasi sa amin na ganu’n siya dahil sa sobrang dami ng iniinom niyang gamot for his kidney, HB, diabetes etc. August 13, pati ako nilagnat, then sunod ‘yung mommy ko naman,” bungad na kuwento ni Dixie Takahashi Sagusay, bunso sa tatlong anak nina Thomas Laongan Antonio, 67 at Maria Delia Takahashi Tano Antonio, 61, na tubong Nueva Ecija.

“We were tested positive in antigen test, nagka-mild stroke ako, pero siguro dahil malakas ang resistensya ko, naka-recover ako agad, but my parents did not. Dinala ko silang dalawa sa hospital knowing na pati ako in pain pa noong August 19. Both confined, not allowed ang bantay. My father’s doctor called us, telling na he needs an emergency dialysis, ang sabi raw ng daddy ko ay tawagan kaming mga anak para kami ang magdesisyon.”


“Pero alam ko from last year pa nagsabi na siya sa akin na he will never undergo on a dialysis… never! Sinabi lang niya siguro sa doctor ‘yun para may maisagot lang siya. So, we made the decision na, ‘Sige, doc, kung ‘yan lang ang way na mapagaan ang karamdaman ng daddy namin, do it!’, pero hindi pa rin pumayag si daddy. Nilabanan niya ‘yung sakit niya nang mano-mano. Walang armas, walang dialysis. Ang tapang niya, ang tapang-tapang niya.


August 23, we stayed outside the hospital, du’n kaming tatlong magkakapatid natutulog.


Habang ang mga magulang namin ay both confined, si mommy nasa 5th floor while daddy is in the 7th floor.


Kumpleto kami, hindi nga lang kami magkakatabi. August 24, 6:00 am, nagpunta kami ng kapatid ko sa kung saan namin puwede dalhin ‘yung mga gusto namin ipaabot na gamit sa magulang namin. Du’n na namin nalaman na August 23 pa lang nang 7:00 pm, expired na ang daddy namin. Walang tawag mula sa mga doctors o staff. We were outside of the hospital lang.”


“Bakit hindi nakarating sa amin na wala na ‘yung father namin? Gumuho ang mundo namin, hindi namin alam kung paano i-comfort ang isa’t isa. Sobrang sakit, umiiyak kaming magkakapatid habang ‘yung mommy namin nasa 5th floor at lumalaban pa rin, gustong-gustong mabuhay."


“We have no choice kundi ipa-cremate si daddy. We were hoping that time na makaka-survive ‘yung mommy namin, siya ang inaasahan namin na mag-decide, whether dalhin sa cemetery ang urn ni daddy or stay sa bahay.”


Idinagdag ng 34-anyos na si Dixie na lutang na lutang na ang kanilang isipan na magkakapatid sa ospital. Yumao ang kanilang ama na hindi nasabi sa kanilang ina dahil sa takot na puwedeng mangyari sa kanya. Walang kasama sa loob ng silid niya. “Because we were not allowed. Wala kaming communication to tell mommy na wala na si dad. Pero I know in my heart na ramdam na ni mommy ‘yun. Alam ko na alam na ni mommy. But after 15 days, pati siya tuluyan na ring namaalam. Can you imagine how we feel that time? And even up to now, ‘yung mawalan ka ng mga magulang, sobrang sakit na. How much more ‘yung mawala silang magkasunod, 15 days lang ang pagitan? Sobrang sakit, sobrang hirap!”

Sa puntong pinansiyal aniya, “Hindi kami pinabayaan ni Lord. May savings kami, may mga kaibigan, pamilya na tumulong sa amin. Pero sa panahong ‘yun, para sa akin, walang kuwenta ang pera. Walang nagawa ang pera para madugtungan ang buhay ng mga magulang ko.


Walang mayaman, walang mahirap sa COVID.”

“Dumating ako sa punto na natanong ko kung totoo bang may Diyos? Alam ko, kasalanan 'yun na matanong kung totoo ba Siya, natanong ko dahil sa sobrang sakit ng mga nangyari.


Patawad, Lord. Wala naman akong nakalimutang sabihin sa kanila, palagi ko naman sinasabi na mahal na mahal ko sila. Alam ko na ramdam nila ‘yun. Hanggang sa huling hininga nila, inilaban namin. Araw araw pa rin akong umiiyak, araw-araw iniisip ko ‘yung mga nangyari.”

Posible aniyang mula sa isang bisitang may virus nahawa ang kanyang ama noong kaarawan nito, “Yes, tinanong ko directly ‘yung tao. Siyempre, she will deny it, but no matter what, wala na, eh. Hindi na maibabalik ‘yung buhay ng parents ko. Sana lang, mas doble o triple ang naging actions niya bilang isang affected ng virus para hindi na nakahawa. Wala siyang konsensiya. Violator talaga siya, eh, hindi ko na naisip pa na mai-report siya kasi mas nauna siyang na-hospitalize after ng birthday ng dad ko, at saka naman na-confine ang parents ko. My dad has a lot of illness. My mom has her pneumonia and heart enlargement.”

Marami pa sanang plano silang magkakapatid para sa kanilang yumaong ama at ina, “May maayos naman kaming trabaho. Hindi man namin ma-afford ang mga mamahaling bagay na maibigay sa kanila dahil may mga kani-kanya rin kaming obligasyon sa sariling pamilya, pero ginagawan namin ng paraan lahat para sa mga magulang namin.”

Bilang isang sports enthusiast at marathoner, tibay ng puso at pagdarasal ang tanging kinakapitan ni Dixie upang maging matatag sa magkasabay na pagkawala ng kanyang magulang. “Being a survivor, walang ibang dapat gawin kundi ang magpakatatag.


Nangungulila ako, hinahayaan ko lang na maramdaman ko ‘yung sakit. Hindi ko pipilitin ang sarili ko na maka-move on dahil ang pagmo-move on, kusang mararamdaman ‘yan, hindi ‘yan puwedeng idikta sa sarili.


Dasal ko sa Diyos na gabayan ang mga magulang ko patungo sa lugar na dapat nilang kalagyan. Alalayan kaming mga naulila, bigyan ng lakas at panatilihing malusog at ligtas ang mga pangangatawan.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page