patuloy na ipinagluluksa ng naiwang mga anak
ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | December 02, 2021
Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang isang anak na labis ngayong nangungulila dahil sa magkasunod na pagpanaw ng kanyang mga magulang gawa ng komplikasyon sa COVID-19.
“Nagsimula ang lahat the day after my Father's birthday. August 10, 2021 ang birthday ni Dad.
Kinabukasan, nagka-fever na siya, akala namin dahil lang naambunan siya. On and off na ang fever niya and napansin ko na yellowish na ang kulay niya. Maybe dahil may kidney failure siya, naging normal na kasi sa amin na ganu’n siya dahil sa sobrang dami ng iniinom niyang gamot for his kidney, HB, diabetes etc. August 13, pati ako nilagnat, then sunod ‘yung mommy ko naman,” bungad na kuwento ni Dixie Takahashi Sagusay, bunso sa tatlong anak nina Thomas Laongan Antonio, 67 at Maria Delia Takahashi Tano Antonio, 61, na tubong Nueva Ecija.
“We were tested positive in antigen test, nagka-mild stroke ako, pero siguro dahil malakas ang resistensya ko, naka-recover ako agad, but my parents did not. Dinala ko silang dalawa sa hospital knowing na pati ako in pain pa noong August 19. Both confined, not allowed ang bantay. My father’s doctor called us, telling na he needs an emergency dialysis, ang sabi raw ng daddy ko ay tawagan kaming mga anak para kami ang magdesisyon.”
“Pero alam ko from last year pa nagsabi na siya sa akin na he will never undergo on a dialysis… never! Sinabi lang niya siguro sa doctor ‘yun para may maisagot lang siya. So, we made the decision na, ‘Sige, doc, kung ‘yan lang ang way na mapagaan ang karamdaman ng daddy namin, do it!’, pero hindi pa rin pumayag si daddy. Nilabanan niya ‘yung sakit niya nang mano-mano. Walang armas, walang dialysis. Ang tapang niya, ang tapang-tapang niya.
August 23, we stayed outside the hospital, du’n kaming tatlong magkakapatid natutulog.
Habang ang mga magulang namin ay both confined, si mommy nasa 5th floor while daddy is in the 7th floor.
Kumpleto kami, hindi nga lang kami magkakatabi. August 24, 6:00 am, nagpunta kami ng kapatid ko sa kung saan namin puwede dalhin ‘yung mga gusto namin ipaabot na gamit sa magulang namin. Du’n na namin nalaman na August 23 pa lang nang 7:00 pm, expired na ang daddy namin. Walang tawag mula sa mga doctors o staff. We were outside of the hospital lang.”
“Bakit hindi nakarating sa amin na wala na ‘yung father namin? Gumuho ang mundo namin, hindi namin alam kung paano i-comfort ang isa’t isa. Sobrang sakit, umiiyak kaming magkakapatid habang ‘yung mommy namin nasa 5th floor at lumalaban pa rin, gustong-gustong mabuhay."
“We have no choice kundi ipa-cremate si daddy. We were hoping that time na makaka-survive ‘yung mommy namin, siya ang inaasahan namin na mag-decide, whether dalhin sa cemetery ang urn ni daddy or stay sa bahay.”
Idinagdag ng 34-anyos na si Dixie na lutang na lutang na ang kanilang isipan na magkakapatid sa ospital. Yumao ang kanilang ama na hindi nasabi sa kanilang ina dahil sa takot na puwedeng mangyari sa kanya. Walang kasama sa loob ng silid niya. “Because we were not allowed. Wala kaming communication to tell mommy na wala na si dad. Pero I know in my heart na ramdam na ni mommy ‘yun. Alam ko na alam na ni mommy. But after 15 days, pati siya tuluyan na ring namaalam. Can you imagine how we feel that time? And even up to now, ‘yung mawalan ka ng mga magulang, sobrang sakit na. How much more ‘yung mawala silang magkasunod, 15 days lang ang pagitan? Sobrang sakit, sobrang hirap!”
Sa puntong pinansiyal aniya, “Hindi kami pinabayaan ni Lord. May savings kami, may mga kaibigan, pamilya na tumulong sa amin. Pero sa panahong ‘yun, para sa akin, walang kuwenta ang pera. Walang nagawa ang pera para madugtungan ang buhay ng mga magulang ko.
Walang mayaman, walang mahirap sa COVID.”
“Dumating ako sa punto na natanong ko kung totoo bang may Diyos? Alam ko, kasalanan 'yun na matanong kung totoo ba Siya, natanong ko dahil sa sobrang sakit ng mga nangyari.
Patawad, Lord. Wala naman akong nakalimutang sabihin sa kanila, palagi ko naman sinasabi na mahal na mahal ko sila. Alam ko na ramdam nila ‘yun. Hanggang sa huling hininga nila, inilaban namin. Araw araw pa rin akong umiiyak, araw-araw iniisip ko ‘yung mga nangyari.”
Posible aniyang mula sa isang bisitang may virus nahawa ang kanyang ama noong kaarawan nito, “Yes, tinanong ko directly ‘yung tao. Siyempre, she will deny it, but no matter what, wala na, eh. Hindi na maibabalik ‘yung buhay ng parents ko. Sana lang, mas doble o triple ang naging actions niya bilang isang affected ng virus para hindi na nakahawa. Wala siyang konsensiya. Violator talaga siya, eh, hindi ko na naisip pa na mai-report siya kasi mas nauna siyang na-hospitalize after ng birthday ng dad ko, at saka naman na-confine ang parents ko. My dad has a lot of illness. My mom has her pneumonia and heart enlargement.”
Marami pa sanang plano silang magkakapatid para sa kanilang yumaong ama at ina, “May maayos naman kaming trabaho. Hindi man namin ma-afford ang mga mamahaling bagay na maibigay sa kanila dahil may mga kani-kanya rin kaming obligasyon sa sariling pamilya, pero ginagawan namin ng paraan lahat para sa mga magulang namin.”
Bilang isang sports enthusiast at marathoner, tibay ng puso at pagdarasal ang tanging kinakapitan ni Dixie upang maging matatag sa magkasabay na pagkawala ng kanyang magulang. “Being a survivor, walang ibang dapat gawin kundi ang magpakatatag.
Nangungulila ako, hinahayaan ko lang na maramdaman ko ‘yung sakit. Hindi ko pipilitin ang sarili ko na maka-move on dahil ang pagmo-move on, kusang mararamdaman ‘yan, hindi ‘yan puwedeng idikta sa sarili.
Dasal ko sa Diyos na gabayan ang mga magulang ko patungo sa lugar na dapat nilang kalagyan. Alalayan kaming mga naulila, bigyan ng lakas at panatilihing malusog at ligtas ang mga pangangatawan.”