top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | February 21, 2021




Hala! bigla mong nasalubong si dyowa, may kasabay o kaya pagpasok mo sa resto, nakita mong may kasalo siyang kumakain.


1) Teka lang, huwag kang sisigaw at huwag mage-eskandalo. Ang pinakamainam na dapat gawin ay simpleng manahimik muna sa mga nakita.


2) Ang pakikipaghamunan sa kanya o sa kasama niya ay dapat munang kontrolin sa isip at sa mga gagawin. Huwag ka munang iimik at hayaan mo munang makapagpalamig kayong dalawa. Hayaan n’yo munang dumaan ang ilang araw bago pa man gumawa ng anumang hakbang, ito’y upang kapwa kayo makapag-isip-isip at mahinahon ang lahat sa oras ng pag-uusap.


3) Sikapin na sa gagawing pag-uusap ay malaman ang kanyang tunay na damdamin. Talaga bang balak ka na niyang ipagpalit o inlab na siya sa iba. Sikapin pa ring malaman mula sa kanya sa mahinahon na paraan ang mga bagay na ito. Kung ikaw pa rin naman ang kanyang mahal, pakinggan ang kanyang mga paliwanag, puwedeng kalimutan ang nangyari at magpatawad ka.


4.Kung sasabihin mo na ikaw ay magpapatawad, dapat mo itong ipakita at patunayan at tiyakin na handa ang partner sa gagawing pagpapasya. At kung hindi ang relasyon ay puwedeng humantong sa kawalan ng tiwala, pagrerebelde,hindi na pagkakausap o namumuhi na sa bawat isa.


5) Sikaping maintindihan kung bakit nagtaksil si labs. Analisahin o isiping mabuti kung ano ba ang mali sa iyong ugali maging ang takbo ng relasyon ninyong dalawa kung bakit humantong sa ganoon ang lahat at kung bakit nakikipagmabutihan na siya sa iba.


6) Iwasan ang pagkakalat ng tsismis o anumang personal na impormasyon hinggil kay labs oras na mag-break na. Magandang mangyari na maghiwalay na walang aberya at walang samaan ng loob. Iwasang maging bitter sa relasyon at palipasin na nangyari sa lahat. Huwag mo nang ipagkalat pa ang kasalanan ninuman sa inyo.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | February 20, 2021




Kung ang pagkakalayo ng inyong lugar sa bawat isa o long-distance- relationship ay dahilan na ngayon para ikaw ay malungkot, may paraan para hindi mo iyan madama.


1. KAILANGANG MAGPAKA-BUSY KA. Oo, nasa relasyon ka, pero hindi naman ibig sabihin na kada segundo ay mag-uusap kayo. Mainam naman na mayroon kayong kani-kanyang malusog na aktibidad at hobbies.

Kapag kapwa kayo busy sa mga aktibidad bawat isa, at least hindi ninyo masyadong naiisip ang kawalan niya sa tabi mo oras-oras. Kahit na wala ka namang marami pang hobbies, mga simpleng gawaing bahay ay puwede na.

Tiyakin lang ang buong araw ay abala ka para makalimutan mong malungkot at mag-isa. Ito’y para matiyak mo rin na kapag nag-usap na kayo at least marami kayong mapag-uusapan at maibabalita sa bawat isa.


2. GUMAWA NG PLANO. Kung minsan kung kelan kayo nakapag-usap nang maganda kahit sa loob ng dalawang oras, higit kang nalulungkot kapag nagpapaalaman na sa bawat isa. Sikaping maging positibo at ituring na ang sandaling pag-uusap ay isang regalo. Gumawa ng bagong plano next time na mag-uusap kayo para mas exciting.


3. MAGING MASAYAHING TAO. Kung hindi nag-iingat, maaring mahirap ang malayuan talaga. Kapag lagi kang malungkot, lagi mo siyang aawayin at mahirap na ang ganyang sitwasyon. Kailangang maging masaya ka kung anuman ang mayroon ka ngayon. Kung nagsisikap naman si labs na maging maayos kayong dalawa kahit malayo sa bawat isa, gaano man siya kalayo sa’yo, anuman ang mangyayari, nariyan pa rin siya. Manatiling positibo at huwag hayaang ang long distance relationship ang magpapa-praning sa’yo. Alam mo namang sinisikap ninyong pareho na mag-usap nang madalas kahit na hindi kayo nagkakasama kaya walang dahilan para mag-away pa.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | February 19, 2021




Nakakapanood tayo ng mga istoryang iniskedyul na ang kasal, pero hindi natuloy dahil umatras ang isa. Dahil nga ba sa hindi sila magka-soulmate?


1. Bago raw itakda ang kasal, tiyakin na siya na nga! Ang pagpili ng wedding dress ay isa sa pinakamalaking desisyon na gagawin mo sa iyong buhay. Mas malaking desisyon iyan kumpara sa pag-oo mo nung natanong ka niya ng "Will you marry me?" at ilaan ang buong buhay mo sa kanya. Sa mga kasalang ang bilis na nababalewala, nauuwi sa parting time, annulment etc, na hindi katulad noong araw, at ayaw mong maging kabilang sa statistics na iyan. Kaya mahalaga ngayon pa lang ay pigurahin na kung talagang siya na nga ang plano mong pakasalan.


2. Kung wala kayong pagkakaparehong bagay. May katotohanan ang sinasabing ‘opposites attract.’ Sabihin na nating magkapareho kayo sa lahat ng bagay sa anumang antas, pero ika nga para sa iba kapag ‘di gaanong magkapareho, mas mainam nga raw talaga. Pero mas exciting naman sa buhay kung pareho kayong sumasang-ayon sa bawat isa sa lahat ng oras, sa lahat-lahat ng bagay, mula sa tipo ng pelikula hanggang sa pulitika maging sa iisang simbahan na inyong pinapasukan. Kapag may dalawang magkaibang paniniwala, nariyan din ang dagdag na opinyon at kaalaman.


3. Ikaw ba ang lagi niyang priority? Ang building blocks ika nga sa tagumpay na relasyon ay nagsisimula sa iyo at sa partner na humahanap sa kailangan ng bawat isa bago pa man isipin ang pansarili. Kaya kung lagi o parati kang naiiwan sa bahay na mag-isa dahil ang partner ay nasa night-out of town kasama ng mga kaibigan o kung sinuman at hindi ka puwedeng sumama, hindi iyan good sign. Oo nga at kailangan ng bawat isa na magka-oras sa isa’t isa, pero kapag ganoong malayuan na ang pupuntahan niya dapat ay kasama na si labs.


4. May excitement pa ba ang puso sa kanya? Isa sa pinakamalaking bagay hinggil sa pag-ibig ay ang iyong abilidad na harapin ang peligro at malampasan ito. Kapag kumakabog pa ang iyong dibdib hanggang tiyan sa tuwing makikita mo siya, pero kung hindi na hanggang sa inyong kasal, sa tingin mo ba mararamdaman mo pa rin ito hanggang sa susunod na anim na buwan? Taon? Tatlong taon – patatagalin pa ba? Tandaan na mahalagang makasama mo ang isang taong mahal dahil gusto mo siya, hindi dahil obligado ka lang. Hindi natin sinasabing ang mga paraan na ito ay para malaman kung tunay mo nang natagpuan ang iyong soulmate, pero ang pinakamabisang paraan ay damhin mong mabuti ang iyong gut instincts ika at sundin ang sinasabi nito sa iyo. Kapag sinasabi ng iyong kalooban na putulin na ang talikuran na siya, hindi na naitataguyod ang pundasyon ng tagumpay na relasyon sa simula pa lang at baka pagkaraan ng lahat ay kabilang ka na sa statistics na binibilang sa mga nabigong mag-asawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page